“Zia!” sigaw ng isang ginang mula sa ikatlong palapag ng bahay na iyon. Halos maglitawan na ang kaniyang mga litid dahil sa lakas ng pagsigaw nitong iyon. Ang mga kamay nito ay nakapamaywang, kunot na kunot ang noo at namumula na ang mukha sa galit.
Agad namang tumakbo ang dalaga paakyat nang marinig ang sigaw ng kaniyang tiyahin.
“Ano ho iyon, Tita? ” patanong na sagot nito nang makarating sa kinaroroonan ng tiyahin.
“Bakit hindi pa nakasampay ang mga damit ko? Hindi ba’t sinabi ko sa iyo na kailangan ko iyon ng alas otso ng umaga?” galit at pasigaw na sabi nito sa dalaga, tinutukoy ang kaniyang ipinalabang mga damit kay Zia.
“Isasampay ko palang ho, katatapos ko lang kasi iyong labhan.”
“Diyos ko naman! Ano’ng oras na, oh? Tanghali na!”
“Pasensiya na po, Tita. Nahuli po kasi ako ng gising dahil may mga requirements po akong kailangang tapusin para sa school.”
“Ang dami mong sinasabi! Sige na, isampay mo na ang mga iyon! Kapag hindi natuyo ‘yan, malilintikan ka talaga sa’kin!”
Hindi na sumagot ang dalaga at agad na itong nagtungo sa laundry area.
Habang nagsasampay, hindi maiwasan ni Zia na mag-isip at patuloy na magtanong sa sarili.
“Bakit ba ganitong buhay ang mayroon ako? Bakit ba kasi ang aga kong naulila, eh ‘di sana, maayos ang buhay ko ngayon.” Napabuntong hininga nang malalim ang dalaga.
Bata pa lamang nang maulila na sa magulang si Zia. Tanging ang kaniyang tiyahin na lamang ang nagpasyang kupkupin siya. Ngunit sa kasamaang palad ay iba ang naging trato sa kanya ng sariling mga kapamilya. Siya’y naging katulong sa loob ng bahay kapalit ng pagpapaaral sa kaniya.
Bukod sa pagiging katulong, nagtatrabaho pa siya sa isang convenience store tuwing sabado at linggo dahil hindi naman ganoon kalaki ang ibinibigay sa kaniyang allowance ng tiyahin. Eksakto lang para sa pamasahe tuwing papasok siya sa eskuwela kaya kinakailangan niyang mag ipon para mayroon siyang pangtustos sa mga proyekto at gamit pang eskuwela.
Nang matapos ang gawain ni Zia, agad siyang kumilos muli para makapasok na sa trabaho.
“Papasok na ho ako sa trabaho,” paalam niya.
“Anong oras ang out mo?” tanong ng kaniyang tiyahin.
“Alas syete po ng umaga.”
“O siya! Umuwi ka kaagad pagkatapos ng trabaho mo dahil marami-rami ka pang gawain dito.”
“Sige po. Aalis na ho ako.”
Pagdating ni Zia sa trabaho, sinalubong siya ng kaniyang manager na siya ring nagmamay-ari ng convenience store.
“O Zia, ang aga mo yata?” bungad ng kaniyang manager.
Pabiro siyang tumawa. “Alam niyo naman ho ang lagay ko sa amin, eh,” sagot niya sa manager.
“Naku! Ganoon pa rin ba ang trato sa iyo ng tita mo?”
“Wala naman pong bago doon, Ma’am. Hindi na ho yata magbabago ang ugali ni Tita.”
“Diyosmiyo! Imbes na siya ang karamay mo ngayon dahil nag-iisa ka, iba pa ang trato sa ʼyo.”
Nagtungo muna sila sa may dining area dahil may isang oras pa bago ang shift ni Zia. Kaya ipinagpatuloy nila ang pagkekwentuhan.
“Ganoon po talaga siguro. Siguro ho, ito talaga ang buhay na para sa ‘kin. Kaya nga po ako pumasok dito para kahit papaano ay may maipon ako pang kolehiyo. Di bale na ho na matagalan na mag aral basta makatapos ako ng kolehiyo.”
“Ano ba sana ang kurso na kukuhanin mo?”
“Gusto ko sana mag-aral ng dentistry, kaso ho, sa lagay ng buhay ko ngayon, hindi po talaga kakayanin. Psychology nalang po siguro ang kukuhanin ko.”
“Gusto mo ba talaga maging dentista?” tanong muli ng kaniyang manager.
“Gustong-gusto ko po. Iyon po kasi ang pangarap ko noong bata pa ako. Iyon din ang pangarap saakin ng mga magulang ko. Sayang nga ho, kasi malabo ho yatang matupad ko iyon.”
“Ano ka ba? Alam mo, kung gusto mo talaga ang isang bagay, pagsisikapan mo iyon. Kahit gaano pa kahirap ang buhay, kung talagang gusto mo, pagsisikapan mo ‘yan. Huwag kang mawalan ng pag-asa.”
“Opo. Salamat po, Ma’am.”
“Sige na, mag-ayos ka na, malapit na umpisa ang shift mo. Doon lang ako sa loob, may kakausapin lang ako.”
“Sige po. Salamat po ulit, Ma’am.”
Nagsimula na agad sa trabaho si Zia, inaayos ang mga naka-display na mga items sa estante. Maya-maya pa’y dinagsa na ng customers ang store kaya iniwan na muna ni Zia sandali ang ginagawa saka mabilis na lumakad papunta sa counter.
Kahit nakaramdam na ng pagod si Zia, wala sa isip niya ang huminto sa pagtatrabaho. Iniisip niya na para ito sa kaniyang pag-aaral sa susunod na buwan.
“Zia, puwede ka bang mag overtime kahit mga dalawang oras lang? Male-late daw kasi yung isang trainee na papasok. Hintayin lang natin s’ya? ” pakiusap sa kaniya ng kanilang Manager.
“Sige po, wala pong problema.”
“Huwag kang mag-alala, dodoblehin ko ang sahod mo ngayon.”
“Mayroon palang gustong tumulong saiyo. Para iyon sa tuition mo sa pagkokolehiyo.”
Nanlaki ang mga mata ni Zia sa narinig.
“Talaga ho? Maari ko po bang malaman kung sino? Ngayon palang po, magpapasalamat na ako!” tila nabuhayan ng loob ang dalaga. Nakaramdam siya ng sobrang saya dahil doon.
“Kami ng kapatid ko, gusto ka naming tulungan. Paaaralin ka namin,” dagdag nito nang nakangiti.
Natuwa naman si Zia sa narinig kaya bigla siyang napayakap sa kaniyang Manager. Nagulat at bahagyang natawa ang manager sa ikinilos ni Zia kaya yumakap na rin ito pabalik.
Hindi na napigilin ni Zia ang umiyak dahil sa tuwa.
“Salamat po. Maraming salamat po! Asahan po ninyo na pagbubutihin ko ang pag aaral at hindi ho ako magiging sakit sa ulo!”
Bagaman naiiyak sa tuwa ay nasabi ito ni Zia sa kaniyang Manager nang diretso saka kumalas sa pagkakayakap.
“Alam ko naman iyon. May tiwala naman ako sa ‘yo at alam kong hindi mo kami bibiguin. Kaya kampante ako na walang masasayang sa iyo.”
“Nambibigla naman ho kayo, Ma’am! Pero, salamat po talaga!”
Dumating na ang araw na pinakahihintay ni Zia, ang makapasok ng kolehiyo.
Laking tuwa at pasasalamat ni Zia sa kaniyang Manager, dahil bukod sa sila ang gumagastos sa matrikula, itinuring din siyang tunay na anak.
Bago ang umpisa ng klase, nagdesisyon na umalis si Zia sa puder ng kaniyang tiyahin, dahil simula nang hindi nasunod ni Zia ang curfew na ibinigay sa kaniya nito ay lalo nila siyang pinagmalupitan at inalila.
Noong una ay ayaw pa nitong pumayag, ngunit nagmatigas si Zia kaya walang nagawa ang kaniyang Tiyahin at hinayaan na lamang ito.
Ngayon, si Zia ay naninirahan nang libre sa isang apartment na pagmamay-ari din ng kaniyang Manager. Kahit may tumutulong sa kaniya ay mas pinili niyang mag enroll bilang working student sa kanilang Unibersidad.
Itinuloy ni Zia na kuhanin muna ang kursong BS-Psychology. Saka na lamang ito mag-aaral ulit ng kursong Doctor of Dental Medicine kapag nagkaroon siya ng maayos na trabaho at nakaipon nang malaki para pag-aralin ang sarili.
Laking ginhawa sa buhay ni Zia ang pagtulong sa kaniya ni Manager Layzelle. Bilang kapalit, nagsumikap siyang mag aaral kahit na siya’y isang working student.
Simula no’n ay naging maayos na ang takbo ng buhay ni Zia. Grumaduate siya bilang Magna Cum Laude.
Noong graduation ceremony, binigyan siya ng pagkakataon na magkaroon ng speech bilang Magna Cum Laude, pinasalamatan niya ang mga taong tumulong sakaniya, ang Manager at ang kapatid nito. Hindi rin nawala ang pagpapasalamat niya sa tiyahin dahil kung hindi dahil sa pagmamalupit nito sa kaniya ay hindi matutunan ni Zia na lumaban para sa sarili.
Sa huling parte ng kaniyang speech, siya ay nag-iwan ng mga salitang nagbigay inspirasyon sa katulad niyang naulila, dumaan sa hirap at mag isanglumalaban,.
“There is no elevator to success — you have to take the stairs. Challenges are what make life interesting and overcoming them is what makes life meaningful. Maging totoo sa sarili at matutong tumanggap ng kahit na anong pagkakamali. Magtiwala sa sarili. Huwag sukuan ang laban sa buhay kahit na walang naniniwala sa iyong kakayahan na makamit ang pangarap.”
This is Zia Valdez, your Magna Cum Laude, BS-PSYCHOLOGY, Batch 2019!”