Apat na taon ng balo si Aling Osang. Matagal-tagal na rin kasi nang mamayapa ang kaniyang asawang si Mang Pedring dahil sa sakit na tuberkulosis. Naiwan sa pangangalaga niya ang kanilang kaisa-isang anak na si Rose.
Malambing kay Aling Osang ang kaniyang mister. Walang araw nga na hindi nito pinaramdam sa ginang ang kaniyang pagmamahal kaya naman nang sumakabilang buhay ang ginoo ay lubusan itong ikinalungkot ni Aling Osang. Kaya naman nang magpahayag sa kaniya ng damdamin itong si Mang Ramon, isang tricycle driver sa kanilang lugar ay agad niyang tinaggap ang pag-ibig ng lalaki.
“Nay, sigurado po ba kayo sa gagawin ninyo? Ayos naman po tayong dalawa na lamang sa bahay. Hindi n’yo naman po kailangang mag-asawa muli. Sapat na sa akin na kayo na lang ang aking magulang,” sambit ni Rose sa kaniyang ina.
“Mahal ako ni Ramon, anak. Saka isa pa ay apat na taon na simula nang iwan tayo ng tatay mo. Kailangan natin ng magiging haligi ng ating tahanan,” paliwanag ni Aling Osang sa anak. “Saka, anak, ang totoo ay nahulog na rin ang loob ko diyan kay Ramon. Tutal malaki naman itong bahay ay hayaan mo na dito na lamang siya tumira,” sambit ng ina.
“Pero, ‘nay, hindi po ako kumportable sa desisyon ninyo. Maaari naman po kayong magkaroon ng kasintahan pero hindi ninyo naman na po kailangang makisama pa sa iisang bubong,” giit ni Rose.
“Anak, may pangangailangan din ako bilang isang babae. At naghahanap ako ng kaagapay ko sa lahat ng bagay. Sana ay maunawaan mo ako,” dagdag pa ng ina.
Hindi na lamang umimik pa ang dalaga sapagkat kahit na labag sa kaniyang loob ang gagawin ng ina ay wala na itong magagawa pa sapagkat alam niyang buo na ang desisyon nito.
Hindi rin nagtagal ay tuluyan na ngang nakisama sa kanilang bahay itong si Mang Ramon. Kahit na sinabi sa kaniya ng kaniyang ina na pakisamahan niya ng mabuti ang kaniyang amain ay hindi ito magawa ng dalaga sapagkat may kakaiba siyang nararamdaman sa lalaki. Madalas niyang iwasan itong si Mang Ramon at napapansin naman ito ng kaniyang amain.
“Hindi ko alam kung bakit ako iniiwasan ng anak mo, Osang. Ang gusto ko lamang ay mapalapit sa kaniya at magpaka-ama. Siguro ay magpahanggang ngayon ay hindi pa rin niya tanggap ang relasyon na ito,” saad ni Ramon sa ginang.
“Pabayaan mo muna siya, Ramon. Pasasaan ba at masasanay rin siya sa atin,” tugon ni Aling Osang.
Kahit anong pakiusap ng ina ay hindi magawang pakibagayan ng dalaga ang kinakasama ng kaniyang ina. Madalas silang magtalo tungkol dito.
“’Nay, hindi ko na nga kayo pinakialaman sa desisyon ninyo na patirahin dito ‘yang lalaki na ‘yan pero hayaan ninyo naman ako sa gusto kong gawin. H’wag n’yo na po akong pilitin pa na pakisamahan siya sapagkat kahit kailan ay hindi mapapalitan ang Tatay Pedring dito sa puso ko ng kahit sino,” galit na sambit ni Rose.
Isang gabi ay mahimbing na ang tulog ng lahat ng biglang magising itong si Rose sapagkat naramdaman niyang mayroong nagtatanggal ng kaniyang damit. Nagulat siya nang makita niya ang kaniyang amain na nakaibabaw sa kaniya. Agad tinakpan ni Mang Ramon ang bibig ng dalaga upang hindi ito makagawa ng ingay. Kahit magpumiglas ang dalaga ay wala siyang magawa sa lakas ng pangangatawan ng lalaki. Hindi naman makapagsumbong si Rose sapagkat tinakot ito ng amain na kikitilin ang buhay nilang mag-ina kung may makakaalam ng pananamantala na kaniyang ginawa sa dalaga.
Hindi pa doon natapos ang pananalbahe ni Ramon sa dalaga. Halos gabi-gabi tuwing mahimbing nang natutulog si Aling Osang ay ginagapang niya ang walang kalaban-labang si Rose. Sinubukan niyang sabihin ito sa kaniyang ina ngunit hindi ito naniwala sa kaniyang anak.
“Anong sinasabi mo riyan na pinagsasamantalahan ka ni Ramon?” gulat na wika ni Aling Osang. “Rose, alam ko na ayaw mo siya para sa akin at ayaw mo siyang nandito pero grabe naman ang paratang mo sa kanya,” naiinis na sambit ng ginang.
“Totoo po, ‘nay, halos gabi-gabi po ay ginagawa niya ito sa akin. Ang sabi po niya ay papat*yin niya raw po tayo kaya hindi ko magawang magsumbong. Ngunit nandidiri na po ako sa pambababoy na ginagawa niya sa akin. ‘Nay, parang awa ninyo na po, tulungan n’yo ako. Tumawag tayo ng pulis at ipakulong siya,” umiiyak na sambit ng dalaga.
Imbis na tumawag ng pulis ay kinumpronta lamang ng ginang ang kaniyang kinakasama. Ang akala ni Rose na pagtatapos ng kaniyang problema ay magbubunga pa pala ng mas ikahahapdi ng kaniyang pagkatao.
“Ang sabi ni Ramon ay inaakit mo raw siya kaya hindi niya napigilan gawin ‘yon sa’yo! Gumagawa ka ba ng paraan, Rose, para lang mapaghiwalay kami? Hindi ka ba masaya para sa akin, anak? Sa wakas ay nakahanap na ako ng magmamahal muli sa akin!” pahayag ng kaniyang ina.
Ikinagulat ni Rose ang kaniyang narinig. Hindi niya inaasahan na ito pa pala ang magiging tingin sa kaniya ng kaniyang sariling ina. Mas kinampihan pa nito ang kaniyang kinakasama kaysa sa sarili niyang anak.
Kinagabihan ay naghahanap na naman ng tiyempo itong si Ramon upang gawan ng masama ang dalaga. Nang mahimbing na sa pagkakatulog si Aling Osang ay agad itong pumunta sa silid ng dalaga at akmang gagawan muli ito ng masama. Sa pagkakataon na iyon ay nais nang lumaban ng dalaga.
“Akala mo ay kaya mo ako, Rose. Hindi mo alam na kaya kong paikutin sa aking palad ang iyong ina. Konting lambing ko lang doon ay agad na siyang bibigay sa akin. Agad niyang paniniwalaan ang lahat ng sinasabi ko kaya walang saysay ‘yang pagsusumbong mo. Kapag ito ay nakarating sa mga pulis ay alam mo na ang mangyayari sa iyo!” sambit ni Mang Ramon habang pinupwersa ang dalaga na makipagniig sa kaniya.
“Hay*p ka! Sinusunog na ang kaluluwa mo sa impyerno!” wika ni Rose habang pumipiglas sa lalaki.
“Alam mo bang sinadya ko ang lahat ng ito. Pinlano ko ang lahat para mapalapit sa nanay mo. Hindi ko alam na mabilis siyang mahuhulog sa patibong ko. Matagal na akong nagnanasa sa iyo. At nang makakita ako ng pagkakataon na makapasok sa buhay ninyong mag-ina ay agad ko na itong sinunggaban. Kaya ngayon ay wala ka nang kawala sa akin. Mapapasaakin ka sa ayaw at gusto mo,” giit ni Ramon.
Akala ni Rose ay ito na ang kaniyang katapusan hanggang sa bigla na lamang nagpakita si Aling Osang kasama ang mga pulis at huli sa akto si Ramon sa pananalbahe sa dalaga. Lubusan itong ikinagulat ng amain.
“Paanong nangyari ito,” sigaw ni Ramon.
“Nang sabihin sa akin ng aking anak ang totoo ay kinutuban na ako. Alam kong wala kaming kalaban-laban sa’yo kaya gumawa ako ng isang plano. Tumawag ako sa mga pulis at nagsumbong. Kanina pa sila nasa labas ng bahay ay naghihintay lamang ng senyas ko. Nang maramdaman kong patungo ka na sa silid ng anak ko ay agad ko na silang pinapasok!” sambit ng ginang.
“Demonyo ka! Wala kang awa. Pinapasok kita sa pamamahay na tao sapagkat kailangan namin ng isang haligi ngunit ito pa ang gagawin mo sa amin! Wala kang kasing sama!” halos malatid ang litid ni Aling Osang sa galit.
Patakbo namang yumakap si Rose sa kaniyang ina.
“Patawarin mo ako, anak! Patawarin mo ako!” ito na lamang ang nasabi ni Osang sa dalaga.
Agad na dinampot ng mga pulis si Ramon at nasinstensyahan ito ng habangbuhay na pagkakabilanggo. Hindi pa siya nakakaisang taon sa piitan ay napaaway ang lalaki at nap*tay sa isang gulo sa loob ng preso.
Pilit namang kinakalimutan ng mag-ina ang mapait nilang nakaraan. Lubusan ang pagsisisi ng ginang sa kaniyang naging desisyon na patuluyin sa kanilang tahanan si Ramon. Dahil sa kanilang naranasan ay hindi na kailanman nag-asawang muli si Aling Osang at namuhay na lamang sila ng kaniyang anak ng payapa.