“Hello?” sagot ni Dr. Danny Cruz sa kaniyang telepono na sampung beses na atang tumutunog simula pa kanina. “Hon? Huwag mong kalimutan na may dinner tayo kasama ang anak natin at ang nobyo niya, ha?” Malamyos na boses ng asawa ang sumalubong sa doktor.
“Oo, hon, hindi ko nalimutan. Busy lang talaga ako ngayong araw dahil sandamakmak ang pasyente ngayon sa Emergency Room. Alam mo na, Biyernes,” natatawang pakli ni Dr. Cruz sa pangungulit ng asawa.
“Okay, 9 p.m. pa ang reservation natin sa Lumiere Hotel kaya umuwi ka muna bago mag-alas nuwebe para makapagpalit ka ng damit, ha,” pagpapatuloy ng asawa ng doktor.
“Opo, opo,” pagtatapos ng doktor sa usapan.
Alam ni Dr. Cruz kung bakit ganun ka-excited ang asawa. Matagal na nitong gustong magka-apo ngunit ang nag-iisang anak nilang si Ainna ay tila napakapihikan sa pagpili ng lalaking mamahalin. Sa katunayan ay ito ang unang beses na may ipapakilala sa kanila ang anak.
Naputol ang saglit na pagmumuni-muni ng doktor sa kaniyang opisina nang tumunog ang kaniyang cell phone. Nakita niya doon ang tawag mula sa ER. Napabuntong-hininga ang doktor bago lumabas upang magtungo sa ER.
Pagod na pagod si Dr. Cruz nang makabalik sa kaniyang opisina. Sa totoo lang ay magbe-bente kwatro oras na siyang gising. Kakatapos lang ng kaniyang operasyon na tumagal yata ng higit sa limang oras. Pagsulyap niya sa relong pambisig ay nakahinga siya ng maluwag dahil 8:15 pa lang ng gabi.
“Hindi ako bubungangaan ng asawa ko,” natatawang pagkausap ni Dr. Cruz sa sarili habang iniimis ang mga gamit sa kaniyang mesa at naghahanda sa pag-uwi.
Pasakay na ang doktor sa kaniyang sasakyan nang tumunog ang kaniyang cell phone. Nanlumo siya nang makitang ang ER ang tumatawag sa kaniya.
“Dr. Cruz, may pasyente ho tayo! Pasensya na po. Alam kong tapos na ho ang duty niyo pero may pasyente din ho si Dr. Aguirre kaya walang ibang mag-aasikaso sa bagong dating na pasyente,” dire-diretsong sabi ng nurse.
“Sige, pabalik na ko.” Walang nagawa si Dr. Cruz kung ‘di ang bumalik sa ospital. Saglit siyang nagtipa ng mensahe para sa kaniyang asawa na mahuhuli siya ng dating bago tuluyang bumalik sa ER.
Pasado alas diyes na nang matapos si Dr. Cruz gamutin ang pasyente. Kahit pagod na pagod ay halos takbuhin pa din niya ang parking lot. Ngunit bago pa siya makalabas ay nakadama siya ng matinding pagkahilo hanggang sa tuluyan siyang bumagsak. Bago siya tuluyang lamunin ng kadiliman ay narinig niya pa ang paglapit ng iilang tao na sumaklolo sa kaniya.
Pagmulat ng mga mata ni Dr. Cruz ay nasa lugar siya na pamilyar na pamilyar sa kaniya, ang Emergency Room. Magtatanong sana siya kung ano ang nangyari nang mapasulyap siya sa orasan na nakasabit sa isang panig ng ospital. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa nakita.
Pasado alas dose na!
Pasimpleng lumabas ng ER ang doktor. Masuwerte siya dahil wala siyang nakasalubong na nurse o doktor dahil sigurado siyang hindi siya pauuwiin kung makikita siya ng mga ito.
Dahil hindi sigurado si Dr. Cruz kung maayos na ang kaniyang lagay ay nagpasya siyang mag-taxi na lang. Ngunit sa kaniyang pagtataka ay walang taxi ang humihinto sa kaniya. “Puro ba may sakay kahit sa ganitong oras?” takang tanong niya sa sarili.
Makalipas ang mahigit dalawampung minuto sa wakas ay hinintuan siya ng isang taxi driver.
“Kumusta naman ho ang araw niyo?” May maliit na ngiti ang matanda nang magtanong ito. “Pagod ho,” natatawang sagot ng doktor na tinawanan din ng taxi driver na mukhang iyon din ang isasagot sa sinumang magtatanong.
Mabilis ang naging biyahe ni Dr. Cruz pauwi. Binigyan pa niya ng malaki-laking tip ang matanda na ipinagpasalamat naman nito dahil maaari na daw itong magpahinga para sa gabing iyon.
Ala una na nang makauwi ang doktor sa bahay kaya naman nagtaka siya nung wala siyang nadatnan na tao. Inisip niya na ang galit na asawa ang bubungad sa kaniya ngunit wala ito sa bahay. Wala din ang anak niya sa kwarto nito.
“Sa hotel ba sila natulog dahil nagalit sila sa akin?” Napangiwi si Dr. Cruz sa naisip.
Marahil dahil sa pagod ay hindi niya na namalayan na muli siyang nakaidlip sa sofa.
Alas otso ng umaga nang magising ang doktor. Agad niyang tinignan kung nakauwi na ba ng asawa at anak ngunit wala pa ring katao-tao sa bahay. Tinignan niya rin ang kaniyang cell phone ngunit wala namang bagong mensahe ang asawa o ang anak.
Upang mapalis ang pag-aalala ay binuksan ni Dr. Cruz ang TV para manood ng balita. Isang balita ang kumuha ng kaniyang atensiyon.
Isang taxi driver, p*tay matapos manlaban sa holdaper!
Nagulat si Dr. Cruz sa nakita dahil ito ang driver ng taxi na sinakyan niya kagabi pauwi. Pero ang mas ikinagulat niya ay nang marinig ang ulat na natagpuan ang katawan nito na wala ng buhay bandang alas onse kagabi.
“Imposible. Ala una na ako nakauwi kanina,” naisip ni Dr. Cruz habang bahagyang kinikilabutan sa isipin na isang multo ang nakausap niya.
Ngunit mas nakakagulat ang sumunod na balita.
Isang doktor ang nasawi kagabi sa St. Matthew’s Hospital matapos itong ma-stroke. Ayon sa isang nurse ng ospital sanhi daw ito ng matinding pagkapagod ng doktor dahil sa maraming pasyente na isinugod sa ER nung araw na iyon. Ang doktor ay kinilalang si Dr. Danny Cruz.
Tila nabingi ang doktor at hindi na narinig ang mga sumunod na detalye.
“Paanong? Imposible!” Hindi makapaniwala ang doktor sa kaniyang narinig.
Nang mga sandaling iyon ay tila ipinag-adya ng tadhana ang pagpasok ng anak ni Dr. Cruz sa pinto. Mugto ang mata dala ang tarpaulin kung saan nakasulat ang mga katagang In loving memories of Dr. Danny Cruz.
Doon na nakumpirma na doktor ang masakit na katotohanan.
Lumapit ang doktor sa kaniyang anak at mahigpit itong niyakap. Mas lalong nabasag ang puso niya nang makita ang asawang lumuluha. Niyakap din niya ito at humingi ng tawad para sa mga pagkakataong hindi siya nakatutupad sa kanilang mga usapan at nakadarating sa kanilang mga lakad.
Bagama’t hindi makapaniwala ang doktor sa nangyari alam niya na wala na siyang magagawa kung ‘di ang tanggapin ang lahat.
Mayamaya ay tuluyan na siyang hinigop ng liwanag at dinala kung saan.
“Paalam, mga minamahal ko. Palagi akong nakagabay sa inyo,” lumuluhang bulong ni Dr. Cruz sa hangin.