Inday TrendingInday Trending
Kambal na Panloloko

Kambal na Panloloko

Kung titignan ng sinuman halos walang pagkakaiba sa anyo ng kambal na sina Gaddi at Gideon. Pareho silang gwapo. Subalit magkaibang-magkaiba ang kanilang mga katangian.

Sakitin si Gaddi kaya naman nag-home school lamang siya. Gayunpaman ay matalino ito at kayang makipagsabayan sa mga kapitbahay nilang kaedad niya.

Si Gideon naman ay may malakas na pangangatawan subalit ‘di gaanong matalas ang isipan. Idinadaan na lamang niya ang lahat sa pagiging sikat na atleta sa kanilang paaralan.

Si Gideon ay nasa ika-sampung baitang na sa junior high school. Gayundin si Gaddi na sa bahay lamang nag-aaral.

Napakahusay ni Gaddi pagdating sa Agham at Matematika. Ninais niyang mag-aral din sa paaralan subalit hindi siya pinayagan ng mga magulang. Masyadong mahina ang kaniyang katawan.

Kabaligtaran naman ni Gaddi, ayaw na ayaw ni Gideon ang mga asignaturang Agham at Matematika. Mas gusto pa niyang naglalaro ng basketball sa court at tinitilian ng mga babaeng kaeskwela. Mas gusto niyang nasa kaniya ang atensyon ng lahat. Kaya naman naging miyembro ng varsity si Gideon.

Parating na ang eksamen ni Gideon kaya labis siyang nangangamba. Pakiramdam niya kasi ay babagsak siya sa Math dahil hindi talaga niya gusto ang kanilang aralin. Iniisip niya kung ano ang kailangang gawin upang malusutan ito. May naisip siyang paraan.

“Gaddi, puwede ba tayong mag-usap?” tanong ni Gideon sa kakambal.

“Sige. Ano iyon?” tanong ni Gaddi. “Hindi ba’t gusto mo namang maranasang pumasok sa eskwela? Puwede mo ba akong tulungan?” saad ni Gideon.

“Anong tulong ba ang kailangan mo?” tanong ni Gaddi sa kakambal.

“Mangako ka muna sa akin na hindi mo ito sasabihin kina mom and dad,” paniniyak ni Gideon.

“Oo. Sabihin mo na,” sabi ni Gaddi.

“Ganito. Malapit na kasi ang exam sa Math. Siguradong babagsak ako dahil hindi ko talaga maintindihan ang aralin. Kailangan ko ang tulong mo. Tutal magkamukha naman tayo naisip ko na sa oras ng exam ay ikaw ang kukuha nito. Magpapanggap kang ako. Walang makakahalata dahil tignan mo naman halos para lang tayong humaharap sa salamin,” mungkahi ni Gideon.

Nanlaki ang mga mata ni Gaddi. “Nahihibang ka na ba, Gideon? Imposible ang sinasabi mo. Hindi ko magagawa iyan.”

“Nakikiusap ako sa iyo, Gaddi. Kapag bumagsak ako rito matatanggal ako sa varsity. Ayokong ma-disappoint sa akin sina mom and dad kaya tulungan mo ako. Mararanasan mo ring pumasok sa eskwela,” pakiusap ni Gideon.

Dahil sa pagpupumilit ni Gideon at pagmamakaawa na rin ay pumayag na rin si Gaddi. Tama ang kaniyang kakambal. Gusto niyang maranasang lumabas sa apat na sulok ng kanilang bahay. Ibig niyang maranasan kung paano makisalamuha sa iba.

At nangyari ang kanilang pagpapanggap. Sa oras ng eksamen ay si Gaddi ang kumuha ng eksamen at sumagot ng lahat ng mga tanong. Walang nakahalata sa mga kaklase ni Gideon na ibang tao na pala ang kanilang kasama. Naging madali lamang kay Gaddi ang pagsagot sa mga tanong.

Lumabas ang resulta ng eksamen. Pinakamataas ang markang nakuha ni Gideon.

“Galing, ah! ‘Yung totoo, nangodigo ka, noh?” pambubuska ng isa sa mga kaibigan ni Gideon.

“Oo nga. Bopols ka sa Math, ah. Hindi ba’t hirap na hirap ka pa nga sa lesson natin?” segunda naman ng isa pang kabarkada ng binata.

“Hindi ba puwedeng nag-aral lang?” nakangiting sabi ni Gideon.

Sa ikalawa at ikatlong markahan ay ganoon pa rin ang nangyari. Si Gaddi pa rin ang kumuha ng exams ni Gideon at siya ulit ang nakakuha ng pinakamataas na marka.

Nang sumapit ang ikaapat na markahan ayaw na ni Gaddi. Inamin niya sa kapatid na bagama’t walang nakahuhuli sa kaniya ay labis naman ang kabang nararamdaman niya sa tuwing ginagawa nila ang pagsisinungaling. Labis daw ang kabog ng kaniyang dibdib. Natatakot siyang baka sila ay mahuli.

“Hindi iyan. Mag-iingat tayo,” paniniyak ni Gideon.

Sumapit na nga ang ikaapat na markahan. Masama ang pakiramdam ni Gaddi subalit tumalima pa rin siya sa pakiusap ng kakambal. Sa hudyat ng kanilang guro na maaaring magtungo sa palikuran ang mga nais umihi bago ang eksamen ay lumabas ng silid-aralan si Gideon at nagtungo sa palikuran. Doon nagtatago si Gaddi. Ganoon ang kanilang ginagawa. Ibinigay ni Gideon kay Gaddi ang kaniyang ID at lahat ng bagay na mayroon siya. Bumalik na si Gaddi sa loob ng silid-aralan.

Habang nage-eksamen ay umikot ang guro. Tumapat ito kay Gaddi at pinakatitigan ito ng mabuti. Nakipagtitigan naman si Gaddi sa gurong tila sinusuri siya ng mabuti. Sumikdo ang dibdib ni Gaddi. Pinagpawisan siya ng malagkit dahil tila sinusuri siya ng guro. Labis ang kaniyang kaba kaya’t nawalan siya ng malay.

Tinakbo sa klinika si Gaddi at doon natuklasan ang kalokohang ginawa nila ni Gideon. Dahil doon ay tuluyang tinanggal sa varsity at paaralan si Gideon dahil sa pandarayang ginawa nito.

Si Gaddi naman ay nakaranas ng hyperventilation dahil sa labis na kaba. Mabuti na lang ay naagapan. Dahil tantiya naman niya ay kaya na niya ang pumasok sa regular na paaralan ay pinakiusapan niya ang mga magulang na payagan na siyang pumasok sa paaralan upang makakilala ng mga bagong tao.

Sising-sisi si Gideon sa kaniyang nagawa lalo’t ginamit pa niya ang kakambal. Ipinangako niya sa sariling hinding-hindi na ito mauulit.

Advertisement