Inday TrendingInday Trending
Ang Espesyal na Surpresa

Ang Espesyal na Surpresa

“Nay, may takdang aralin po kami. Sabi ni titser, dapat daw ay hindi na kami magpagawa sa inyo kasi kami raw dapat,” sabi ni Butchoy, ang anim na taong gulang na anak ni Rosa. Nasa unang baitang na kasi ito sa eskwela.

Rinig niya ang bulol nitong pananalita at pagsisikap nitong ituwid iyon.

Tumango naman si Rosa sa nag-iisa niyang anak.

“Oo ba! Sige, diyan ka na muna. May gusto ka bang ulam? Marami-rami ang kita ko ngayon sa pagtitinda,” tanong niya pa habang inaayos ang mga binili niya bago umuwi. Sa tantiya niya ay sasapat na iyon para sa buong linggo.

Umiling ito at hindi na inalis ang tingin sa ginagawa.

Ngumiti siya. Ang bata-bata pa ng anak pero kitang-kita na agad ang dedikasyon nito sa pag-aaral.

Iniwan niya ang anak at nagtuloy-tuloy siya sa kusina para magluto ng hapunan.

Ganito ang buhay nilang mag-ina. Sa gabi lamang sila nagkakasama. Sa umaga ay pareho silang wala sa bahay. Pagkatapos niyang ihatid ang anak sa paaralan ay uuwi naman siya sa bahay para kuhanin ang ititinda niyang gulay. Mayroon siyang maliit na pwesto sa palengke na siyang pinagkukuhanan niya ng pantustos sa pang araw-araw nilang pangangailangan.

Gayunpaman ay hindi ito dahilan para lumayo ang loob nito sa kanya. Kahit na bata pa kasi si Butchoy ay may malawak na itong pag-iisip.

Naiintindihan nito na kailangan niyang magtrabaho para sa isa’t-isa. Isa iyon sa pinagpapasalamat niya sa Diyos. Mabuti na lang at namana nito ang ugali ng kanyang ama.

Naalala niya ang isang hapon na umuwing matamlay sa Butchoy. Tahimik lamang ito at walang kibo maliban kung tatanungin.

Agad siyang magsuspetsa kung sakaling mayroon itong sakit ngunit wala.

“Bakit ka matamlay, ‘nak? Anong nangyari? Kinagalitan ka ng iyong guro?”

Umiling ito at nanatili sa pagyuko.

“Butchoy…” Tawag niya ulit.

Tumingin ito sa kanya at nakita niya ang namumuo nitong luha. Nagpunas siya ng kamay sa damit na suot at lumapit sa anak. “Anong nangyari?”

“Yung mga tao kasi, Nay. May sinasabing masama…” Kinagat nito ang labi.

“Ano?”

“Si tatay daw, kr*minal! Masamang tao raw po si tatay?” At tuluyan na itong umiyak.

Pinilit niyang ipaliwanag na hindi iyon totoo. Halos abutin ng dalawang oras bago ito huminto sa pag-iyak at sa pagtatanong.

Simula noon ay hindi na ito nagtanong pa tungkol sa tatay nito. Gayunpaman, hindi siya sigurado kung talaga bang naiintindihan na nito ang kanyang sinabi.

O kung talaga bang natanggap na nito na kahit kailan ay hindi na sila magiging buo bilang pamilya.

Nang umaga ding iyon ay kagaya ng nakagawian ay hinatid niya ang anak sa eskuwela. Niyakap siya nito at humalik sa kanyang pisngi ngunit nawala ang matamis nitong ngiti at unti unti ay nanlaki ang mata.

“Bakit?” Aniya.

“Yung assignment ko, ‘nay! Naiwan ko!” Mukhang namroblema ito bigla.

Natawa siya.

“Ako na ang bahala. Kukunin ko sa bahay ay idadaan dito bago ako pumunta sa palengke. San mo ba iniwan?”

Sandali itong nag-isip. “Dun po sa may tabi ng papag. Nakaipit sa libro.”

Tumango naman siya bago umalis ay nagbilin pa na galingan nito sa pag-aaral. Agad niyang nakita ang pinapakuha ng anak.

Tinignan niya muna ang papel at natigil siya ng makita ang nakasulat.

Mga gusto kong gawin kasama ang tatay: 1. Matutong mag-basketball! 2. Magpaturo mag-bisikleta 3. Magpaunahan kumain ng isang galon na ice cream 4. Pumunta sa sinehan 5. Mapatulong gumawa ng saranggola

Muntik na siyang maiyak. Hindi niya na naisip na kahit na hindi ito nagtatanong sa kanya ay sadyang uhaw ito sa pagmamahal at presensiya ng ama.

Marahil hindi ito nagtatanong dahil ayaw nitong isipin niya na hindi sapat ang kanyang pagmamahal.

Tulala siya habang naglalakad. Napakabigat ng kanyang dibdib ngunit ng makita ang anak ay nagkusa ang kanyang ngiti.

“Nay? Nakuha mo na ba?” Sinalubong siya nito ng tanong.

Tumango at agad na ibinigay.

Ngumisi ito at nagpasalamat. Tumakbo din pabalik sa silid aralan dahil malapit na raw dumating ang guro nito.

Nang makarating sa kanyang pwesto ay halos wala siya sa sarili. Binuksan niya ang maliit na telebisyon para palipasin ang oras at para may ibang pagkaabalahan.

Balita ang palabas. Tamang tama, dahil ilang araw na ata siyang hindi nanonood.

Ang ipinapakita ngayon ay tungkol sa… napatayo siya sa upuan.

Ang kaso ng kanyang asawa!

Ayon dito ay iniatras na ang kaso noong isang araw at pinalaya na si Francesco Diaz, ang kanyang asawa! Ito ay matapos itong iturong suspek para sa pagkakabaril sa isang senador.

Hindi totoo iyon. Hindi ito magagawa ng kanyang asawa, ayon dito ay dumaan lamang siya sa opisina para ibigay ang isang dokumento na hindi pwedeng ibigay sa sekretarya. Siya ang nakita ng CCTV, kaya ito naituro!

Masyadong malaki ang mga taong sangkot at mahirap kalabanin. Ngunit lumabas na ang totoo ngayon na ang kalaban sa nakaraang eleksyon ang may kasalanan!

Bumuhos ang kanyang luha. Ngunit kung ganon, Bakit wala pa rin ang kaniyang asawa?

Maghapon siyang balisa. Maaga niyang isinara ang tindahan at sa halip na umuwi ay nagtungo sa paaralan para puntahan ang anak.

“Kanina pa po umalis si Butchoy. May nagsundo po sa kanya.”

Gusto niyang magalit dahil sa pagiging pabaya ngunit sa isang banda ng utak ay napapanatag. Lakad takbo ang kanyang ginawa hanggang sa makarating sa bahay.

Nang buksan ay sinalubong ng supresa. Ang kanyang mag-ama!

Agad siyang naiyak. Dininig ng Diyos ang kanyang anim na taong panalangin. Sigurado siyang dininig din ang panalangin ng kanyang inosente at mabait na anak.

Advertisement