Naimbitahan sa birthday party ng kaniyang inaanak si SPO1 Roberto Makisig. Malugod namang dinaluhan niya iyon, dala ang kaniyang regalo para sa pitong taong gulang na batang babaeng anak ng kumpare at kapwa pulis niyang si SPO1 Mikael Delos Santos.
Sa katunayan ay double celebration ang layunin ng party na iyon. Isinabay na kasi ni SPO1 Mikael Delos Santos ang selebrasyon para sa pagkakatimbog ng kanilang team sa isang malaking sindikato na protektado pala ng isang politiko.
“Congratulations sa atin, kumpadre. Saka, Happy Birthday na rin diyan sa maganda kong inaanak,” nakangiting bati ni Roberto kay Mikael matapos niyang ilagay sa gift table ang regalo niya para sa inaanak.
“Salamat naman, pare. Masaya talaga ako sa nagawa natin. Isa pa, buti nakapunta ka. Hindi baʼt pauwi ka dapat sa probinsya ngayon?” takang tanong naman nito.
“Oo nga. Nagpasya akong i-move na lang muna ang flight ko para makadalo ako rito. Hindi ko naman kasi pʼwedeng ma-miss ang seventh birthday ng inaanak ko. Alam mo namang para na akong pangalawang tatay talaga niyan. Proud ninong ba,” pabiro pa niyang sabi at nagkatawanan na lamang silang dalawa.
Nag-umpisa ang party. Lahat ay masaya, lalong-lalo na ang birthday girl na inaanak ni Roberto. Suot nito ang isang kulay pink na damit na tinernuhan pa ng korona. Mukha itong prinsesa sa suot nito.
Tulad ng karaniwang mga childrenʼs party ay nagkaroon ng ibaʼt ibang klaseng palarong pambata. Mayroon ding clowns na nag-perform ng magic tricks at siyempre, hindi mawawala ang kainan pagkatapos kantahan ng mga bisita ang birtday girl. Punong-puno ng nakangiting mukha ng mga bata ang party na ginanap lamang sa magarang bakuran nina Mikael. Bukod kasi sa pagiging pulis nito ay isang matagumpay na negosyante ang asawa nito, kaya naman maaluwan talaga ang buhay ng mga ito.
“Huwag ka munang magpakabusog diyan, kumpadre, ha? Abaʼy mamaya pa ang inuman natin pagkatapos ng childrenʼs party, e. Masarap ang pulutan natin,” maya-maya ay muling pagbibiro ni Mikael kay Roberto nang makitang nilalantakan niya ang masarap na spaghetti na handa ng kaniyang inaanak.
“Huwag kang mag-alala, pare. Malaki naman itong kaha ko, kaya ayos lang ʼyan!” ganting biro naman ni Roberto sa kaibigan.
Nasa ganoon silang posisyon nang may kung anong biglang sumabog sa bahaging iyon ng gate ng mga Delos Santos. Laking pagkagulantang ng mga tao na sa isang iglap ay biglang nagsigawan at nagtakbuhan papasok sa may bubong na bahagi ng bakuran. Agad namang bumunot ng baril ang dalawang pulis, pati na rin ang iba pa nilang kasamahang imbitado rin sa party.
“Pare, granada!” sigaw ni Roberto nang may kung anong bagay na biglang bumagsak sa kanilang harapan!
Naging mabilis ang kaniyang isip nang mga panahong iyon. Hindi niya gustong may mapahamak. Agad na sumikdo ang kaniyang damdamin dahil sa tawag ng kaniyang tungkulin…
Ang tungkuling protektahan ang mga taong dapat ay protektahan sa abot ng kaniyang makakaya, kahit sa pinakaimposibleng paraan.
Itinulak papalayo ni SPO1 Roberto Makisig ang kumpare niyang si SPO1 Mikael Delos Santos na agad namang tumakbo papalapit sa mag-ina nito. Habang ang dakilang pulis na si Roberto ay dinapaan ang granada gamit ang sarili niyang katawan upang wala nang ibang mapahamak pa, kundi siya.
Bibilang lamang ng sampung segundo si Roberto, ayon sa kaniyang tantiya at sigurado na siyang sasabog na ang granadang siyang kikitil sa kaniyang buhay…
“Diyos ko, kayo na po ang bahala sa akin,” ang tawag niya noon sa panginoon.
Ngunit lumipas na ang halos makapigil hiningang isang minutong paghihintay ay hindi tuluyang sumabog ang granada. Hindi napahamak si Roberto o kung sinuman sa kanila. Napag-alaman nilang hindi pala natanggal ng naghagis ang safety pin ng naturang granada kaya hindi ito sumabog. Isang tunay na kadakilaan ang ipinakita ni SPO1 Roberto Makisig kung saan handa nitong ibuwis ang sariling buhay para sa mas nakararami.
Sinalubong ng masigabong palakpakan ang tinaguriang bayani ngayon ng PNP, ang muli siyang mag-report sa opisina matapos niyang dalawin ang kaniyang mga kaanak sa probinsya. Hawak ng kanilang hepe ang isang plaque bilang tanda ng kaniyang parangal para sa pagiging isang matapat, mahusay at magaling na public servant ng bansa. Umani siya ng respeto, pagmamahal at paghanga mula sa mga mamayan ng bayang kaniyang pinagsisilbihan.
“Salamat po, Diyos ko. Kayo po ang tunay na super hero,” nasambit na lamang ni Roberto sa kaniyang isipan. Alam niyang prinotektahan siya ng Diyos noong kasagsagan ng kaniyang laban.