“Tsong, nasaan po ang tatlong pisong sukli sa binili ninyong suka kanina? Syete lang po iyon, hindi po ba? Sampung piso po ang binigay ko sa inyo,” tanong ni Cory sa kaniyang tiyuhin.
“Wala na, pinambili ko na ng sigarilyo. Ito naman, tatlong piso na lamang ay hinahanap pa!” tugon naman ng kaniyang tiyuhin.
“Tsong, hindi ko naman ho sinabi sa inyo na magbisyo kayo, Bakit sa akin ninyo pa po kinukuha ang pangsigarilyo ninyo. Saka sukli ko ho iyon, dapat ay ibalik ninyo sa akin,” pahayag ng dalaga.
“Grabe ka naman, Cory! Parang tatlong piso lamang ay nag-aalburuto ka na riyan. Ubod ka ng kunat. O, heto ang tatlong piso para matigil ka na riyan. Ang dami mong sinasabi. Hindi ka makatulog dahil sa barya!” galit na wika ng kaniyag tiyuhin.
Kilalang-kilala si Cory sa kaniyang pagiging kuripot. Bawat sentimos yata kasi ng kaniyang pera ay alam niya kung saan niya inilaan. Mahilig siyang mag-ipon. Dahil nga sa hirap ng kanilang buhay ay sa murang edad ay kailangan na niyang magtrabaho agad. Pinagsabay ni Cory ang kaniyang pag-aaral at pagtatrabaho. Ipinangako niya sa kaniyang sarili nang siya ay makatapos na gagawin niya ang lahat upang hindi na kailanman siya makaranas ng kahirapan sa buhay.
Ang prinsipyong ito ni Cory ay dinala niya hanggang siya ay mahanap ng trabaho. May kalakihan man ang kaniyang kinikita ay madalang mo siyang makikita na bumibili ng pagkain sa labas. Lagi itong may baon na niluto ng kaniyang tiyuhin. Hindi rin siya sumasama sa mga lakad ng kaniyang mga kasamahan sa opisina kaya naman madalas siyang kantiyawan ng mga ito.
“Nako, Cory, baka mamaya ay daigin mo pa ang pinakamayamang tao dahil sa pagkakuripot mo!” natatawang sambit ni Michelle, katrabaho ni Cory.
“Oo nga naman. Ultimo yata ‘yung mga bente singko sentimo na napupulot lang sa daan ay sinasali mo rin sa ipon mo, eh,” sambit naman ni Roxy, isa pa niyang kasamahan.
“Hiyang-hiya nga ako diyan kay Cory noong isang araw na nakasabay ko siya spag-uwi. Wala na nga kaming masakyan ayaw pa niya magtaxi. Talagang naghintay pa kami ng dyip. Tapos nung nasa dyip na kami ay nagbayad siya ng pamasahe at nakalimutan ng drayber ang suli niya, halos makipag-away pa siya dahil lang sa piso niyang sukli, D’yos ko po, gusto kong bigyan na lang siya ng piso, no’n para matigil na ang pagpapaalala niya sa drayber ng sukli niyang piso!” kwento ni Michelle.
“Bakit ba ubod ka ng kuripot, Cory. Makunat ka pa sa belekoy! Ni ayaw mong sumama sa amin para uminom ng milk tea,” tanong ni Roxy.
“Hindi ninyo ako mapapainom ng hindi makatarungan sa mahal na mga inumin. Mas pipiliin ko na lamang uiminom ng tubig, libre na, kailangan pa talaga ng katawan natin,” saad ni Cory.
Isang araw ay binabaladra nila Michelle at Roxy ang kanilang mga bagong biling telepono.
“Cory, tingnan mo ‘tong bagong telepono namin. Ang ganda, hindi ba? Ikaw naman kasi bakit hindi ka bumili ng ganitong kagandang cell phone, nag titiyaga ka rin sa karagkarag mong telepono,” sambit ni Michelle.
“Ayokong bumili ng ganiyan. Aanhin ko naman iyan? Gumagana naman ang cell phone ko. Ang kailangan ko lang naman ay iyong maitetext at matatawagan ako ng tiyuhin ko,” tugon ni Roxy.
“Ayaw bumili o walang pambili? Natatawang wika ni Roxy.
Hindi na lamang umimik pa ang dalaga at nagpatuloy na lamang sa pagtatrabaho. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang tingin sa kaniya ng mga ito. Gayong ang nais lamang naman niya ay magtipid at makaipon ng pera.
Lingid sa kaalaman ni Cory ay sinundan pala siya ng dalawang kasamahan sa kanilang bahay at nakita nila ang tinutuluyan ni Cory at nang kaniyang tiyuin. Maliit lamang ito at halos walang mga kagamitan. Sa labas ng kanilang bahay ay naroon ang tiyuhin ng dalaga na nagluluto ng kanilang hapunan.
“Malaki-laki naman ang sweldo ni Cory. Bakit sa ganiyan lang sila nakatira? ‘Yung lutuan pa nila nasa labas ng bahay nila. Anong klase ‘yon?” pagtataka ni Michelle.
“Ibig sabihin wala silang kusina sa loob. Pero saan kaya inilalagay ni Cory ang pera niya. Imposible naman na sa sweldo niya ay ganiyan lang na pamumuhay ang mayroon sila? Siguro ay marami silang pagkakautang!” panghuhusga naman ni Roxy.
Nakakita ng pagkakataon ang dalawa upang muling kutyain ang dalaga. Upang ipamukha kay Cory na alam na nila ang kalagayan ng kaniyang buhay ay agad silang tumuloy sa bahay ng dalaga.
“Nariyan po ba si Cory?” tanong ni Michelle sa tiyuhin ng dalaga.
“Oo, nasa loob at tatawagin ko,” sagot ng ginoo. “Cory!” sigaw ng tiyuhin.
“Mga kasamahan ba niya kayo sa trabaho?” tanong ng lalaki. Tumango naman ang dalawa. Ilang sandali pa ay lumabas na si Cory mula sa maliit nilang bahay. Ikinagulat niya na makita ang dalawa.
“A-anong ginagawa ninyo dito?” nangangatal na tanong ni Cory.
“Sobra kasi kaming nagtataka sa’yo Cory kaya sinundan ka namin para naman malaman namin ang estado mo sa buhay. Ngayon ay naiintindihan na namin kung bakit wala ka palaging pera,” wika ni Michelle. “Naisip namin na siguro ay nagbabayad ka ng mga utang kaya kahit anong laki ng sweldo mo ay dito lamang kayo sa barung-barong na to nakatira,” sambit naman ni Roxy.
Napakunot lamang ng kilay ang dalaga. Tumawa naman ng malakas ang tiyuhin ng dalaga.
“Cory, ito ba ‘yung dalawang kasamahan mo sa trabaho na walang ginawa kung hindi pansinin ang magiging matipid mo?” patuloy sa paghagalpak ng tawa ang ginoo.
“Mga binibini mawalang galang lang sa inyo, ano? Anong utang ang sinasabi ninyo riyan? Napakaimposible na magkautang ‘yang pamangkin ko dahil sa dami ng salapi niya!” wika ng tiyuhin habang patuloy sa pagtawa. “Sa katunayan nga ay ‘yang malaking bahay na ginagawa sa tapat ay siya ang nagpapagawa. May ipinapagawa rin siyang apartment sa kanilang eskinita para naman may dagdag kaming pagkakakitaan,” pahayag ng ginoo.
“Michelle, Roxy, pasensiya na kayo kung lagi akong mahigpit sa pera ko. Pasensiya na rin kung madalas ay tinatanggihan ko ang mga paanyaya ninyo sa akin sapagkat marami akong mas kailangan paglaanan ng pera ko kesa sa ibang mga bagay. Mula kasi nang mawala ang nanay at tatay ko sapagkat hindi namin sila naipagamot dahil sa lubusang kahirapan, pinangako ko sa sarili kona hindi na ito mangyayari sa amin ng aking tiyuhin. Kaya ngayon ay ginagawa ko ang lahat para lang makapagtipid at mapunta ang pera ko sa mga bagay na may halaga para sa akin,” pahayag pa niya.
“Hindi ako bibili ng mga luho na alam ko naman sa susunod ay mawawalang halaga na. Mahirap ang kumita ng pera kaya kailangan ko itong pag-ingatan. Sapagkat kung binili ko lamang ang mga bagay na naisin ko ay baka hindi ko man lang maipatayo ang bahay na ‘yan at ang negosyo naming apartment ng tiyuhin ko,” dagdag pa ni Cory.
Hindi makapaniwala itong sina Michelle at Roxy sa kanilang narinig. Ito pala ang dahilan sa pagkakuripot ng dalaga. Mula noon ay naging inspirasyon na ng dalawa si Cory. Nagsimula na silang magtipid at gastusin ang kanilang pinaghirapang salapi sa mga bagay na mahalaga lamang.