Inday TrendingInday Trending
Dahil Ba Ako Ang Unang Nagkamali?

Dahil Ba Ako Ang Unang Nagkamali?

Dalawang taon nang magkasintahan sina John at Emily. Maayos naman ang kanilang naging pagsasama ngunit ng ma-promote sa trabaho itong si John ay lagi nang nagkukulang ang kaniyang oras sa kaniyang nobya. Pilit man itong intindihin ni Emily ay madalas na dinadapuan siya ng tampo at lungkot sapagkat ang tingin niya ay hindi siya prayoridad ng kasintahan. Maraming selebrasyon ang hindi napuntahan ng binata. Kasama na riyan ang mismong kaarawan ni Emily.

“Babe, nasaan ka na?” tanong ni Emily sa kaniyang kasintahang si John sa kabilang linya ng telepono. “Kanina pa kita hinihintay. Makakapunta ka pa ba? Maghahating gabi na rin kasi. Umuwi na ‘yung ibang mga bisita,” dagdag pa ng dalaga.

“Pasensiya ka na, babe, ang dami ko pang tinatapos dito sa trabaho. Pinipilit ko talaga na makahabol d’yan pero parang hindi ko na kakayanin. Patawarin mo ako. Happy birthday, babe,” sambit ni John.

Binaba na ni Emily ang telepono at bumalik na sa loob ng kanilang bahay upang magligpit.

“O, bakit nililigpit mo na ‘yan? Ang akala ko ay susunod dito si John?” tanong ng ina ni Emily.

“Hindi na raw po siya makakapunta, ma, busy sa trabaho,” malungkot na tugon ng dalaga.

“Bakit naman mismong kaarawan mo po natapat ‘yan?” wika ng ina. “Pero, anak, sa tingin ko intindihin mo na lang din siya kasi para naman sa kinabukasan ninyo ang ginagawa niya,” saad ng ginang nang makita niyang lalong lumungkot ang mukha ni Emily sa una niyang tinuran.

Kahit na nagtatampo ang dalaga ay wala na siyang nagawa kundi intindihin na lamang ang kaniyang kasintahan. Tama naman kasi ang kaniyang ina. Kailangan nilang makaipn agad para sa kanilang kasal sa susunod na taon.

Ilang selebrasyon pa ang nagdaan ngunit tulad ng dati ay wala na naman doon si John. Madalas itanong ng kamag-anak ni Emily ang lagay ng kanilang relasyon at lagi namang pinagtatakpan ng dalaga ang kaniyang nobyo.

Upang makabawi si John sa kaniyang nobya ay nangako siyang susunduin si Emily sa trabaho nito at saka sila magde-date. Napakasaya ni Emily na pumasok sa opisina. Hindi na siya makapaghintay na mag-uwian sapagkat sabik na siyang makasama ang kasintahan. Ngunit tatlong oras na nanghihintay si Emily at wala pa rin si John. Ilang beses nito tinawagan ang cellphone ng kaniyang nobyo ngunit hindi ito sumasagot. Napaiyak na lamang sa pagka dismaya si Emily. Maya-maya habang naghihintay ng taxi na masasakyan pauwi ay nakita siya ng kaniyang katrabahong si Andrew.

“Emily, pauwi ka na? Tara, sumabay ka na sa akin at ihahatid na kita. Mahirap maghintay ng taxi ngayon,” paanyaya ng binata.

“Sige lang, Andrew, mauna ka na. Maghihintay na lang ako dito ng taxi. Mamaya ay sigurado ako na may dadaan din,” tugon naman ng dalaga.

Bigla naman bumuhos ang malakas na ulan. Akma naman na nalimutan ni Emily ang kaniyang payong sa kanilang opisina. Agad na bumaba si Andrew sa sasakyan at pinayungan siya.

“Sabi ko naman sa’yo kasi, sumabay ka na sa akin,” natatawang wika ni Andrew.

“Salamat, Andrew, ah!” saad ni Emily.

“Napansin ko kasi na malungkot ka. Dahil ba sa nobyo mo?” tanong ng binata.

Tumango naman si Emily. Maya-maya ay nagsimula na siyang magkuwento. Mabilis na nakapalagayan ni Emily ng loob ang binata. Sa tuwina kasi kung hindi siya mapupuntahan ng kaniyang nobyo ay naisasabay siyang pauwi ni Andrew. Madalas din niya itong mahingan ng tulong sa kanilang proyekto sa opisina.

Isang araw ay napansin na lamang ni Emily na nahuhulog na ang loob niya kay Andrew. Nang sabihin niya ito sa binata ay nagulat na lamang siya na ganoon din pala ang nararamdaman sa kaniya ng binata.

“Hindi tama ito, Andrew. May nobyo ako. Hindi rason ang pagiging abala niya para maghanap ako ng iba. Siguro ay kailangan na nating tapusin kung ano man ang namamagitan sa atin. Simula ngayon ay hindi na tayong pwedeng magsama at mag-usap pa,” sambit ng dalaga. Niyakap ni Andrew si Emily at nagpaalam. Dahil sa respeto ni niya sa dalaga ay tumupad siya sa usapan.

Ang hindi nila alam ay nakita pala sila ni John na nasa loob ng kaniyang sasakyan sa hindi kalayuan. Nakita niya kung paanong hinagkan ng binata ang kaniyang nobya. Dali-dali siyang bumaba ng sasakyan at inundayan ng suntok ang binata. Nang magpaliwanag si Emily sa kaniya ay agad naman siyang naliwanagan. Ngunit kahit kailan ay hindi na niya ito makakalimutan.

Sa loob ng isang taon pa nilang pagsasama ay ilang beses nahuli ni Emily si John na may ibang babae. Pilit niyang tinitiis ito sapagkat lagi siyang sinusumbatan ni John sapagkat siya raw ang naunang nangaliwa.

Isang araw ay susupresahin sana ni Emily ang kaniyang nobyo sapagkat araw ng kanilang anibersaryo. Dala niya ang cake at lobo ay dahan-dahan siyang umakyat ng silid sa bahay ni John at pagbukas niya ng pinto ay tumambad sa kaniya ang hubad na katawan ng nobyo kasama ang isang babae na natutulog sa kama. Magkayakap pa ang dalawa. Sa galit ni Emily ay ibinato niya ang cake sa mga ito.

“Mga walanghiya kayo!” halos malatid ang litid niya sa pagsigaw. “Sumusobra ka na, John! Ayoko na! Tapusin na natin ang relasyon na ‘to!’ sigaw niya habang pinaghahampas niya ang binata.

“Ang kapal ng mukha mo para gawin sa akin to, John! Hindi ko na kayang intindihin ka! Maling-mali na nanatili pa ako sa relasyon na ‘to!” sambit pa ni Emily.

“Bakit, Emily? Ako ba ang unang nagkasala? Hindi ba, ikaw ang unang nahulog sa iba? Kung nagkaganito ako ay dahil din ‘yon sa kalandian mo!” pasigaw na tugon ni John.

“Hindi mo pwedeng isumbat sa akin palagi ang nagawa kong kamalian noon, John. At saka kahit kailan ay hindi ako nakipagrelasyon sa iba. Bago pa kung saan mapunta ang pagiging malapit namin ni Andrew ay pinutol ko na agad! Ikaw? Ano ang ginagawa mo sa akin at sa relasyon na ‘to?” umiiyak na pahayag ni Emily.

“Palagi na lamang kitang iniintindi, John. Ilang babae na ang nagdaan. Lagi ko rin sinisisi ang sarili ko dahil kung hindi ako naging malapit kay Andrew ay baka hindi nangyari ito. Pero ngayon ay napagtanto ko na, hindi ako importante sa buhay mo!” dagdag pa ng dalaga.

“Nasaan ka noon ng kailangan kita, John. Lagi kang abala sa trabaho. Lagi akong naghihintay ng kahit na kapiranggot na oras mula sa’yo. Pero kung tutuusin kaya mo akong bigyan ng panahon hindi mo lang ginusto dahil hindi ako ang prayoridad mo. Ngayon nga ay naisisingit mo sa trabaho mo ang pambababae mo. Kaya huling beses na itong isusumbat mo sa akin ang pagiging malapit ko kay Andrew sapagkat ngayon ay pinapalaya ko na ang sarili ko sa’yo,” mariin niyang payahag.

Kahit na nanlulumong umalis ang dalaga mula sa bahay at buhay ni John ay kahit paano’y nanumbalik naman ang respeto niya sa kaniyang sarili. Unti-unti na rin niyang tinanggap na hindi si John ang nakalaan para sa kaniya.

Nang malaman ni Andrew ang pakikipaghiwalay ni Emily sa kaniyang nobyo ay hindi agad niya pinormahan ang dalaga. Naghintay siya ng tamang panahon hanggang sa maging handa si Emily na makipagkaibigan sa kaniya. Dahil na rin sa kanilang pagiging malapit at dahil rin sa pang-unawang binibigay ni Andrew sa dalaga ay hind nagtagal at nahulog rin ang kalooban niya kay Andrew. Pilit mang bumabalik si John kay Emily ay huli na ang lahat sapagkat natagpuan na ni Emily ang lalaking magpapahalaga sa kaniya ng tunay.

Advertisement