“Hanep, Ate! Ito lahat ang naipon mo? Napakalaking pera na! Bakit ayaw mo na lang magtayo ng negosyo dito sa Pilipinas? Kaysa naman pumunta ka pa sa Canada. Mawawalay ka pa sa anak mo. Tandaan mo, Ate, dalawang taon lang ‘yon. Baka pag-uwi mo dito hindi ka na kilala,” babala ni Dessa sa nakatatanda niyang kapatid, binabalak kasi nitong mangibang-bansa.
“Dessa, para sa kaniya naman lahat ng ito. Kung dito ko gagastusin ‘yang naipon ko, walang kasiguraduhang dodoble ‘yan. Eh, doon sa Canada? May tutulong sa aking makapasok sa magandang trabaho, mataas daw ang pasahod basta may show money pang aral ko,” pangangatwiran ni Carla sa kaniyang kapatid, tila naririnidi na ito dahil kanina pa ito usisa nang usisa sa kaniya.
“Pang-aral? Bakit ka pa mag-aaral? Eh, ‘di ba tapos na namang ng apat na taon sa kolehiyo?” tanong pa nito, tila labis ang pagtataka niya.
“Hindi ko rin alam, eh. Baka kailangan ko pag-aralan yung salita nila,” tugon naman ni Carla saka tinago na sa loob ng maleta ang kaniyang mga dokumento.
“Naku, ate, ha. Baka mamaya scam ‘yan, tigilan mo na ‘yan!” saway ng kaniyang nakababatang kapatid dahilan para bahagyang mag-init ang ulo niya.
“Ikaw ang tumigil d’yan, Dessa! Noong nagpabuntis ka ng labing pitong taong gulang ka pa lang, hindi kita pinakialaman! Hayaan mo ako, kung hindi ako susubok, walang mangyayari sa amin ng anak ko,” pambabara niya dito, bahagya naman itong napatahimik, maya-maya pa, nagpaalam na rin itong umalis dahil narinig na niyang nag-aaway ang dalawa niyang anak. Naiwan naman siyang nag-empake ng kaniyang mga gamit, sinusulit niya ang mga minuto habang tulog ang kaniyang anak.
Wala pang isang buwan pagkatapos manganak ni Carla, natuklasan niyang niloloko na pala siya ng kaniyang asawa. Mayroon na itong ibang babae at buntis na rin ito, dahilan upang hiwalayan niya ito at mag-isang itaguyod ang kaniyang munting anghel.
Kaya naman nang may mag-alok sa kaniya na mag-aral pagkatapos ay magtrabaho sa Canada, agad niyang pinag-ipunan ang perang kailangan niya. Kung saan-saan siya pumasok na trabaho, call center, tagaluto, labandera, at marami pang raket.
Ngunit pinagtataka ng kaniyang kapatid, tapos naman ng pag-aaral ang kaniyang ate, sakto sa trabahong a-apply-an niya bilang nars, bakit kailangan pa mag-aral? Binalaan na niya ito ngunit hindi nakinig. Lumipas ang dalawang araw at tuluyan nang lumipad papuntang Canada si Carla. Binilin niya muna ang kaniyang anak sa kaniyang kapatid.
“Ate, basta mag-ingat ka lang doon. Ako na bahala sa anak mo. Tumawag ka agad, ha?” mangiyak-ngiyak na ‘ika ni Dessa, yumakap lang ang babae saka tuluyan nang pumasok sa airport.
Halos dalawang araw na ang nakalipas, wala pa ring tawag na natatanggap ang kapatid. Labis na itong nag-aalala sa kaniyang ate. Maya-maya, bigla na nang nag-ring ang kaniyang cellphone, video call mula sa kaniyang ate, sabik na sabik niya itong sinagot ngunit bumungad sa kaniyang ang sugatan niyang kapatid.
“A-ate, anong nangyari sa’yo? Nasaan ka? Sino gumawa niyan?” mangiyakngiyak niyang tanong
“Tu-tulungan mo ako, Dessa. Kinuha nila ang pera ko. Noong una ayoko ibigay kaya binugbog nila ako at kinulong. Tinago ko lang sa salawal ko ang cellphone ko para makatawag sayo. Parang-awa mo na, gumawa ka ng paraan,” iyak ng ginang, tila hindi makapaniwala si Dessa sa sinapit ng kaniyang ate.
“Sandali, may paparating, subukan ko ulit tumawag sayo. Isesend ko sa’yo ang lugar kung nasaan ako,” bulong nito saka tuluyang binaba ang tawag.
Nanghina ang mga tuhod ni Dessa sa balitang natanggap. Humagulgol na lamang siya sa isang sulok at nang mahimasmasan, agad niyang binilin sa asawa ang mga bata at lumuwas ng Maynila upang humingi ng tulong sa mga nakakataas.
Sakto namang nai-record niya ang usapan nila ng kaniyang kapatid at ito ang naging patunay na nasa masamang kamay nga ito. Hindi na muling nasundan ang tawag na iyon kaya labis na lamang ang pag-aalala niya.
“Nakatawag na po kami sa embahada ng Canada, natagpuan na raw po nila ang kapatid niyo,” parang nabunutan ng tinik ang dalaga nang marinig ito, “Nahuli na rin ang mga nasa likod ng kr*meng ito. Maaari na po kayo ng umuwi, babalitaan na lamang namin kayo tungkol sa kaniyang pag-uwi.” dagdag pa nito, halos halikan ng babae ang mga paa nito bilang pasasalamat. Labis na saya ang kaniyang nararamdaman.
Ilang araw lang ang nakalipas, nagulat na lamang siyang nasa pintuan na niya ang kaniyang ate. Iyak ito nang iyak saka siya niyakap.
“Tahan na, ate. Ang mahalaga, natuto ka. Asahan mong nandito lang ako, ha? Halos mawalan na ako ng buhay sa pag-aalala sa’yo,” ‘ika ni Dessa saka mahigpit na niyakap ang kaniyang kapatid
“Nawala man ang ipon mo, ang mahalaga, buhay ka at makakaipong muli,” iyak niya, tanging hikbi lamang ang sagot ng kaniyang ate sa kaniya.
Simula noon, naging mas madiskarte na si Carla sa tulong ni Dessa. Nagtayo sila ng maliit na tindahan upang tustusan ang pamumuhay nila. Labis nang natuto ang ginang sa mapait niyang sinapit sa ibang bansa. Ika niya, “Hindi ko na muli isasakripisyo ang buhay at pera ko para lamang hanapin ang swerte ko sa ibang bansa.”
Swertihan lang naman talaga ang pagtatrabaho sa ibang bansa. At kung hindi para sa’yo, tiyak makararanas ka ng kapaitan dito. Maging mautak sa pagdedesisyon, dahil buhay mo ang nakataya rito.