“Tingnan mo si Trisha, may bagong cellphone na naman. Pangatlong palit na niya ata ‘yan sa loob lang dalawang buwan! Samantalang itong cellphone ko tatlong taon na sa’kin! Ayaw na nga mapindot yung ibang keypad, eh,” nguso ni Queenie habang nakatanaw sa dalagang abala sa paggamit ng kaniyang bagong cellphone.
“Oo nga, eh. Nakakainggit, ‘no? Buti ka nga may cellphone, eh. Ako talaga wala pang cellphone simula noon,” daing naman ni Jenny habang nakatingin rin sa kanilang kaklase, tila labis silang naiinggit sa karangyaan ng buhay ng dalaga.
“Hayaan mo, kapag ako nabilhan ng bagong cellphone, sa’yo na ito,” sambit ng dalaga, ngunit tila napakunot ang noo ng kaniyang kaibigan.
“Naku, ayoko niyan! Bulok na ‘yan, eh. Hingin ko kaya ‘yong lumang cellphone ni Trisha, ano? Siguro naman ibibigay niya sa’kin ‘yon. Sa yaman ba naman niyan,” tugon pa nito saka biglang napangisi.
“Saglit, naisip ko na rin ‘yan, eh! Ako na ang hihingi!” sagot ni Queenie, napatayo na ito at akma nang lalapit sa kaklase.
“Tumigil ka! Hindi mo nga pinapansin ‘yon, eh!” pigil naman ni Jenny sa kaniya.
“Wala kang pakialam! Pakapalan lang ng mukha!” bulyaw nito saka tuluyang humangos kung saan nakaupo ang dalagang kanina pa nila pinagmamasdan.
Parehong laki sa hirap ang dalawang magkaibigan kaya naman ganoon na lamang ang inggit na nararamdaman nila sa tuwing may bagong gamit ang kanilang kamag-aral. Halata kasi sa pananamit at kilos nito ang maalwan na buhay na mayroon ito.
Idagdag mo pa ang malaking baon na mayroon ito na kung minsan halos lahat ng kamag-aral nila ay nililibre nito o kung minsan naman kapag lunch break, makikita na lamang nila itong papasok sa isang masarap na restawran habang sila nagtitiis sa murang pagkain sa kantin na kung minsan, lasang tubig pa.
Agad ngang pumunta si Queenie sa lugar kung saan mag-isang nagse-cellphone ang mayamang dalaga. Ngunit nang mapalapit siya dito, agad itong nagpunas ng pisngi na para bang umiiyak. Napatigil siya, sakto namang dating ni Jenny at tinulak siya dahilan para madaganan niya ang dalaga.
“Ay, sorry, Trisha, ito kasing si Jenny, eh,” bungad ni Queenie saka pinulot ang tumalsik na cellphone ng dalaga, nagulat siya nang makita ang isang family picture sa cellphone, kupas na ito at tila ito ang pinagmamasdan ng dalaga kanina pa.
“Trisha, o. Sorry nagasgasan ko ata yung cellphone mo,” dagdag niya pa saka ito binigay sa dalaga.
“Ayos lang,” tipid na tugon nito saka pumunas ulit sa kaniyang pisngi.
“Ayos ka lang ba talaga? Bakit parang umiiyak ka?” walang ano-anong tanong ni Jenny dahilan para tapikin siya ng kaibigan, ngunit nagulat silang dalawa nang bigla na lamang itong tumungo sa upuan niya at humagulgol.
“Huy, Trisha, nagtatanong lang ako. Sorry na, huwag ka na umiyak,” dagdag niya pa at bahagyang hinimas ang likod nito ngunit lalo pa itong umiyak.
“Ngayon na lang ulit may nagtanong sa akin kung ayos lang ba ako,” hikbi nito para namang tinusok ng mga salitang ito ang dalawa. “Nakakagaan pala ng pakiramdam,” dagdag pa nito sabay bahagyang ngumiti kahit pa puno ng luha ang mga mata, doon rin nakwento ng dalaga ang sitwasyon niya.
Tanging mga kasambahay lang pala ang nakakasama nito sa kanilang bahay. Ang mga magulang niya ay abala sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Ang litratong nasa cellphone niya pala ay kuha noong limang taong gulang pa siya at simula noon hindi mo iyon muling maulit pa. ‘Ika pa ng dalaga,
“Gusto ko nga sabihin sa kanila na hindi ko kailangan ng mararangyang bagay, sila ang kailangan ko,” hikbi nito. Natauhan naman ang dalawang magkaibigan sa kwentong narinig mula sa dalaga.
Napagtanto nilang kahit pala wala silang pambili ng mga materyal na bagay, nasa tabi naman nila ang kanilang mga magulang, ang tunay na kayamanan sa mundo na walang kapalit na halaga.
Upang gumaan ang pakiramdam, niyaya nila ito sa kanilang pabirong tambayan, sa palaruan. Nakipaglaro sila dito na para bang sila ay mga batang walang iniisip na problema. Halata naman ang saya sa mga halakhak ng dalaga.
“Ang saya pala maglaro sa ganito, ano?” sabi nito habang nasalampak sa damuhan.
“Trisha, ayos lang ba sa’yo na araw-araw na tayong magkakasama?” nakangiting tanong ni Jenny dito.
“Totoo ba ‘yan? Magkakaroon na ako ng kaibigan?!” masiglang tanong nito
“Oo naman!” sabay na tugon ng dalawa, halos maiyak naman sa tuwa ang dalaga.
Simula noon nawala na ang inggit sa puso ng dalawa. Naging kuntento na sila sa kung anong mayroon sila. Lagi na rin nilang nakakasama ang dalaga dahilan upang lalo pa nila itong makilala.
Hindi talaga mabibili ng pera ang tunay na ligaya. Hindi mapapalitan ng marangyang bagay ang pagkauhaw sa pagmamahal ng magulang.