Inday TrendingInday Trending
Hindi Ko Daddy ‘Yon!

Hindi Ko Daddy ‘Yon!

“Chin! Parang nakita ko yung daddy mo sa may crossing kahapon. ‘Di Daddy nga ba ‘yon? Kawawa naman kasi, eh. Tirik na tirik ang araw tapos nakatayo siya doon para lang gabayan ‘yong mga sasakyan.” tanong ni Pat sa kaniyang kaibigan, bakas sa mukha nito ang pag-aalala

“Ah, eh, baka nagkakamali ka lang. Bakit naman magtitiis sa init ang daddy ko?” tugon ni Chin saka umiwas ng tingin sa kaibigan

“Hindi, eh. Sigurado ako, siya talaga ‘yon! Halos tumira na ako sa inyo dati, Chin. Kilalang-kilala ko daddy mo!” giit niti dahilan para mainis ang dalaga

“Ano bang pinupunto mo? Hindi nga siya ‘yon, eh. Tumigil ka na, okay? Marinig ka pa ng iba sabihin kawawa naman kami!” sigaw niya dito saka tuluyang lumisan sa kanilang silid.

Laki sa yaman ang dalagang si Chin. Lahat ng hilig nito ay binibigay ng kaniyang mga magulang. Lahat nga ng kaibigan nito noon ay sa bahay na nila halos manirahan. Ngunit tila biglang bumagsak ang kanilang negosyo dahilan upang pumasok bilang traffic enforcer ang kaniyang tatay, na labis niyang kinakahiya ngayon. Ni hindi niya nga sinasabi sa kaniyang mga kaibigan ang kanilang pagbagsak. ‘Ika niya lang sa mga ito kapag nagyayayang magpunta sa kanila, “Magkaaway kami ni Mommy, huwag muna tayo sa’min.”

Kaya naman ganoon na lang ang inis niya nang makita ito ng kaibigan niya. Lalo pang nagpainis sa kaniya nang maramdaman kinakaawaan ito. Nang araw ring ‘yon, nagkayayaan ang kanilang buong tropa na tumambay sa isang milk tea shop malapit sa kanilang paaralan. Dahil nga walang sobrang pera ang dalaga, agad siyang tumanggi dito, dahilan niya, may pupuntahan daw siyam Ngunit labis ang kagustuhan ni Pat na makasama ang lahat kaya pinakiusapan niya ang dalaga at ‘ika niya pa, “O sige, ako na bahala sa gastusin ngayon.” dahilan upang magsigawan ang buo nilang tropa.

Nawala sa isip ng dalaga na madadaanan nga pala nila ang crossing kung saan nakadestino ang kaniyang tatay bago pumunta sa milk tea shop na ‘yon.

“Hala, si daddy mo ba ‘yon? Chin, si daddy mo!” sigaw ng isa nilang tropa nang makita ang kaniyang tatay, saka tumawid upang mangamusta, nagsunuran naman ang kaniyang mga tropa, napalapit na rin kasi ang loob nila dito. Naiwan siyang nakatanaw lamang sa gilid ng kalsada at maya-maya nagdesisyon na siyang umuwi dahil sa kahihiyan.

Panay ang text at tawag ng kaniyang mga kaibigan sa kaniya nang bigla siyang nawala. Ngunit hindi niya ito sinasagot. Maya-maya naman, dumating na ang kaniyang ama. Tila masama ang pakiramdam nito, noong una’y hindi niya ito pinapansin, ngunit nagulat na lamang siyang bigla itong tumumba at nawalan ng malay.

“Mommy! Si Daddy!” sigaw niya, bigla namang napahangos ang kaniyang ina at dali-daling humingi ng tulong.

Dinala sa ospital ang kaniyang ama, nalaman nilang dahil sa init kaya bigla na lamang itong bumagsak. Inatake raw ito ng “Mild Heat Stroke”, maswerte pa raw ito at hindi natuluyang mawalan ng buhay. Labis na nangamba ang dalaga sa nangyari. Muntikan na siyang mawalan ng tatay. Tila napagtanto niya lahat ng pagsasakripisyo nito, mabigyan lamang siya ng magandang kinabukasan.

Dahil nga wala na silang sapat na pera pambayad sa ospital, napilitan na siyang humingi ng tulong sa kaniyang mga kaibigan. Labis namang nag-alala ang mga ito at dahil nga may mga kaya rin, agad silang nag-ambagan upang may maipangbayad sila sa mga bayarin ng kanilang tatay-tatayan.

“Chin, alam mo sa susunod, huwag kang mahiyang magsabi sa amin, ha? Naiintindihan ka naman namin, alam naming ang buhay ay bilog, hindi tayo parating nasa taas. Kaya nga tayo magkaibigan, eh, para may tumulong kapag nasa laylayan na tayo,” paalala ni Pat saka niyakap ang kaibigan

“Labis nga akong nakokonsensya dahil tinago ko ang pagbagsak namin sa inyo. Ayoko kasing kaawaan niyo kami. Pero ngayon, tanggap ko nang lahat ng bagay magbabago. At ayokong mawala ang tatay ko sa pagbabagong iyon. Simula ngayon, hindi ko na siya ikakahiya. Bagkus ipagmamalaki ko pa siya dahil sa pagsasakripisyong ginagawa niya mapagpatuloy ko lang ang pag-aaral ko,” hikbi ng dalaga, nagulat naman silang lahat ng biglang sumabat ang tatay nito.

“‘Yan ang dalaga ko!” bulong nito, napangiti naman silang lahat dahil dito, agad namang niyakap ng dalaga ang kaniyang ama saka humingi ng tawad.

Iyon ang naging simula upang magising ang dalaga sa mundong ginagalawan na niya ngayon. Mahirap man at madalas wala siyang salapi sa bulsa, natuto naman siyang tumayo sa sariling paa. Pumasok siya bilang isang tuitor habang nag-aaral, at lahat ng kinikita niya, ibinibigay niya sa kaniyang mga magulang. Nagtayo naman ang mga ito ng maliit na tindahan, tumigil na rin kasi ang kaniyang ama sa pagiging traffic enforcer, kalusugan kasi nito ang nakataya dito.

Hindi nagtagal, nakapagtapos na pag-aaral ang dalaga at nakapasok sa isang maganda kompanya na naging dahilan ng pag-angat muli nila sa buhay.

Madalas nating kinakahiya ang ating pagbagsak. Ngunit nawa’y isaisip natin, hindi tayo kailanman matututo sa buhay kung hindi tayo makakaramdam ng pagkabigo. Doon natin matututunan kung paano bumangon at lumabang muli sa buhay na puno ng mga pagsubok.

Advertisement