Inday TrendingInday Trending
Ang Misteryo sa Computer Shop ni Mang Ramil

Ang Misteryo sa Computer Shop ni Mang Ramil

“Nasaan na naman si Christopher?” tanong ni Aling Lydia sa kaniyang panganay na anak na si Christa.

“Nagpaalam po kanina. Pupunta raw ho sa bahay ni Mang Ramil,” sagot ni Christa sa ina.

Napasulyap si Aling Lydia sa bahay ng kapitbahay na si Mang Ramil. Mga apat na bahay ang bibilangin mula sa kanila at naroon na ang tinutuluyan ng kanilang bagong kapitbahay. Sa bahay nito ay may maliit na computer shop.

“Napapadalas yata ang punta ng batang iyan doon. Ano bang mayroon doon?” tanong ni Aling Lydia. Si Christopher ay bunsong anak niya na walong taong gulang.

“Mabait raw ho si Mang Ramil. Saka libre ang internet. Nakakapaglaro si Christopher ng online games dahil sa kaniya,” sagot ni Christa.

Isang buwan pa lamang si Mang Ramil sa kanilang lugar subalit napapansin ni Aling Lydia na marami sa mga batang lalaki sa kanilang lugar ang nagtutungo sa bahay nito, lalo na’t nagtayo ito ng computer shop na may apat na unit. Mag-isa lamang daw ito sa buhay, kwento ng kaniyang kaututang-dilang si Aling Mildred.

“Ang aking si Junior din, madalas na tumatambay sa bahay ni Ramil. Malakas daw ang internet at lagi silang pinapagamit ng computer. Mahilig daw kasi sa bata iyang matandang iyan,” sabi ni Aling Mildred.

Bukod daw kasi sa libreng paggamit ng computer at malakas na signal ng internet, minsan daw ay nagpapameryenda pa ang matanda sa mga nagtutungong batang lalaki sa kaniyang computer shop. Hinahayaan naman ito ng kanilang mga nanay. Katwiran nila, kaysa manggulo o magkulit ang kanilang mga anak, doon na lamang sila magsitambay sa bahay ni Mang Ramil.

Napapansin din ni Aling Lydia na mga batang lalaki lamang edad anim hanggang sampu ang tinatanggap ni Mang Ramil sa kaniyang computer shop. Kapag may ibang taong magtatangkang magrenta rito, sinasabi niyang mahina ang internet, o kaya naman ay magsasara na siya, o kaya nama’y sira ang mga unit at kailangang kumpunihin.

Isang araw, nakita ni Aling Lydia na may binibilang na pera si Christopher. Palihim nitong binibilang ang tig-iisandaang piso sa kwarto nito.

“Saan mo nakuha ang pera na iyan?” tanong ni Aling Lydia sa anak.

Nagulat pa si Christopher sa biglaang pagpasok ng kaniyang nanay.

“Bigay po ito ni Mang Ramil,” patay-malisyang sabi ni Christopher.

Nagtaka si Aling Lydia. Bakit naman bibigyan ni Mang Ramil nang halos limandaang piso ang kaniyang anak?

“Bakit ka naman niya bibigyan ng limandaang piso?” usisa ni Aling Lydia sa anak.

“Ah kasi po napanalo ko raw po ang character niya sa online games na nilalaro namin,” sagot ni Christopher.

Agad na nagtungo si Aling Lydia kay Aling Mildred at ikinuwento ang kaniyang natuklasan sa anak.

“Ganoon din si Junior ko. Binigyan siya ng 350 pesos. Ngumiti lamang daw siya at magpa-cute sa camera ng computer,” sabi ni Aling Mildred.

Malakas ang kutob ni Aling Lydia na may kakaibang ginagawa si Mang Ramil sa kanilang mga anak. Minabuti nilang kausapin pa ang mga nanay ng mga batang lalaking nagpupunta sa computer shop ni Mang Ramil.

“Kwento ng anak ko, mainit daw sa loob ng computer shop ni Mang Ramil. Kaya sinasabihan silang maghubad na lamang ng pang-itaas habang naglalaro sila para mapreskuhan. Binibigyan pa raw sila ng libreng pagkain, bukod sa pera,” salaysay ng isang ina.

“Kailangang malaman natin kung ano ang nangyayari sa likod ng computer shop na iyan,” pangungumbinsi ni Aling Lydia sa mga kapwa-ina. Sumang-ayon naman ito.

Palihim na nakipag-ugnayan si Aling Lydia sa kanilang barangay upang magsagawa ng isang biglaang inspeksyon sa computer shop ni Mang Ramil, kasama ang ilang kasapi ng CIDG. Ang inihain nilang reklamo, bawal kasi ang pagpapalaro sa computer shop lalo na’t kapag may pasok sa eskwela ang mga bata. Ang totoo, gusto lamang talaga nilang malaman ang tunay na nangyayari sa loob nito.

Pagpasok ng mga kinatawan ng barangay at CIDG, nakita nila ang mga batang lalaki na walang pang-itaas habang naglalaro ng online games. Hindi nila alam na palihim palang nakabukas ang camera ng mga computer at kinukuhanan ang kanilang hubad na katawan.

Nakita sa lihim na folder sa mga desktop ni Mang Ramil ang mga hubad na larawan ng mga batang lalaki. Ibinebenta ni Mang Ramil ang mga kuhang larawan sa mga binabaeng pedoph*le sa ibang bansa. Kaya pala niya pinaghuhubad ng pang-itaas ang mga bata ay upang palihim itong makuhanan ng larawan at mai-crop. Galit na galit ang mga magulang kay Mang Ramil. Nagsampa sila ng kaso laban dito at tuluyan itong nakulong.

Napagtanto ni Aling Lydia at ng iba pang mga ina na kailangang maging mahigpit at bantayan nang husto ang kanilang mga anak sa paggamit ng internet at makabagong gadget. Baka kasi mapagsamantalahan ang kanilang pagiging bata ng mga taong walang ginawang matino kundi manlamang sa kapwa.

Advertisement