Inday TrendingInday Trending
Alam Kong Kambal Ang Anak Ko

Alam Kong Kambal Ang Anak Ko

“Lakasan mo pa ang pag-ire. Malapit na siyang lumabas!” sabi ng komadronang si Nana Inte sa nanganganak na si Odesa.

Halos pangapusan ng hininga si Odesa sa labis na nararamdamang hirap sa panganganak. Ilang malakas na pag-ire pa at tuluyan na ngang nailabas ni Odesa ang kaniyang unang supling.

Napakalusog ng sanggol na babae na isinilang ni Odesa. Ilang tapik ang ipinagkaloob dito ni Nana Inte at umiyak na rin ito.

Subalit hindi pa tapos ang paghihirap ni Odesa dahil kambal pala ang kaniyang anak.

“Odesa, umire ka pa, may isa pa pala…” sabi ni Nana Inte. Sa isang ire ay nailabas nito ang isa pang sanggol. Hindi ito umiyak. Tinapik-tapik ito sa puwet ng komadrona subalit tila wala itong buhay. Sa labis na pagkapagod, nakatulog naman si Odesa.

Natakot si Nana Inte dahil baka isisi sa kaniya ang kamatayan ng ikalawang anak ni Odesa kaya tinawag niya ang kaniyang alalay na dalagitang si Menchu. Hindi kasi siya lisensyadong kumadrona. Nagpapanggap lamang siya.

“Menchu, halika rito. Bitbitin mo ang sanggol na ito at dalhin sa bahay. Huwag kang maingay. Huwag kang magpapakita kahit kanino. Sa kakahuyan ka magdaan upang walang makapansin sa iyo,” mahigpit na utos ni Nana Inte sa dalagita. Agad naman itong tumalima.

Pinutol na ni Nana Inte ang mahabang kurdon sa pusod ng sanggol. Binalot niya ito sa puting lampin at itinabi sa nahihimbing na si Odesa.

“Odesa… Odesa… gumising ka,” gising ni Nana Inte sa ina.

Nagmulat ng kaniyang mga mata si Odesa. Agad niyang hinanap ang kaniyang sanggol.

“Babae ang anak mo Odesa,” turan ni Nana Inte. Napaluha si Odesa at hinalikan sa pisngi ang anak.

“Nasan ang isa kong anak Nana Inte?” tanong ni Odesa sa komadrona.

Kunwa’y napakunot ang noo ni Nana Inte. “Anong isa pang anak Odesa? Isa lamang ang iniluwal mo.”

“Paanong isa lang? Dalawa ang iniluwal ko Nana Inte,” giit ni Odesa. Subalit kahit sa kaniyang isipan, hindi niya matandaan kung nakapagluwal nga ba siya ng isa pang anak dahil hilong-hilo siya kanina.

“Nagdedeliryo ka kanina. Hindi mo alam ang sinasabi mo. Isa lang ang anak na iniluwal mo Odesa.” matigas na sabi ni Nana Inte.

“Hindi iyan totoo, Nana Inte. Oo hindi ko alam ang nangyari kanina dahil hilong-hilo ako subalit ako ang may katawan at may pakiramdam. Alam kong dalawang sanggol ang lumabas sa akin. Ilabas mo ang isa kong anak!” galit na sabi ni Odesa subalit hindi niya kayang tumayo. Nahilo siya’t nawalan ng ulirat. Marami pala ang nawalang dugo sa kaniya.

Natakot si Nana Inte at agad na umuwi. Pagdating sa bahay, buhay na buhay pala ang ikalawang sanggol ni Odesa. Pumapalahaw ito ng iyak.

“Buhay pala siya…” nausal ni Nana Inte.

“Anong gagawin natin sa kaniya Nana Inte? Isasauli ba natin sa kaniyang ina?” tanong ni Menchu.

“Hindi. Maghanda ka Menchu. Aalis tayo rito. Mag-empake ka na. Dadalhin ko ang bata. Hindi nakabayad si Odesa sa akin. Ang batang iyan ang magiging kabayaran.”

Sa pag-aalinlangan ni Menchu ay tumalima siya sa kaniyang tiyahin. Ito na kasi ang nagpalaki sa kaniya simula nang maulila siya sa kaniyang mga magulang. Tumakas sila at nagtungo sa lalawigan ni Nana Inte, sa lalawigan ng Aurora, kasama ang ikalawang anak ni Odesa.

Huli na nang malaman ni Kiko na asawa ni Odesa ang panganganak ng asawa. Agad siyang umuwi mula sa pagtatrabaho sa Bulacan nang malaman ang nangyari sa asawa. Nadatnan niyang walang malay ang asawa at pumapalahaw ng iyak ang kanilang sanggol.

“Anong nangyari Odesa? Bakit ganito ang hitsura mo? Hindi ka man lang inasikaso ng komadrona?” galit na tanong ni Kiko.

“Kiko, hanapin mo si Nana Inte. Itinakbo niya ang ikalawang anak natin. Iginigiit niyang isa lang ang iniluwal ko subalit alam kong dalawa. Habulin mo siya,” nanghihinang sabi ni Odesa.

Agad na pinuntahan ni Kiko ang bahay ni Nana Inte subalit wala na ang mga ito. Lalong umigting ang kanilang paniniwalang may itinatago si Nana Inte. Pinaghanap-hanap nila ito subalit walang nakakaalam kung saan talaga ito nagpunta. Misteryoso ang pagkatao ng naturang kumadrona.

Lumipas ang tatlong taon. Lumaki na ang anak nina Kiko at Odesa na pinangalanan nilang Luna. Ibinigay nila rito ang lahat ng atensyon at pagmamahal. Subalit hindi pa rin lubos na masaya si Odesa. Pakiramdam niya’y may kulang. Ina siya kaya’t alam niyang may isa pa siyang anak. Hindi naman sila tumitigil ni Kiko hangga’t hindi natatagpuan kung saan nagpunta si Nana Inte.

Hanggang isang araw, nagulat sila nang may magtungong isang babaeng may bitbit na tatlong taong gulang sa kanilang bahay. Si Menchu ito. Isinama nito ang anak ni Odesa upang isauli. Ipinagtapat niya ang lahat kina Kiko at Odesa. Ayon sa salaysay ni Menchu, sumakabilang buhay sa malubhang sakit si Nana Inte. Kabilin-bilinan nitong isauli ang bata kina Kiko at Odesa upang matahimik ang kaniyang konsensya bago siya pumanaw.

Hindi maipagkakailang anak nina Kiko at Odesa ang bata dahil kamukhang-kamukha ito ni Luna. Kambal sila. Nagyakap silang apat at nagpasalamat sa Diyos dahil ibinalik sa kanila ang nawawalang anak na inilayo sa kanila.

Advertisement