Pagkabukas ng kaniyang lugawan ay tumambad kay Mang Faustino ang isang matandang lalaking palaboy na laging tumitingin sa kaniyang lugawan kapag siya ay nagbubukas. Nanlilimahid ang naturang matandang lalaki at lagi niyang nakikitang pagala-galang laging may dalang sako. Sa tantiya niya, namamasura ito upang mabuhay.
Araw-araw nagbubukas ng kaniyang lugawan si Mang Faustino. Malaki na rin ang naitulong nito sa kaniya. Naipagawa niya ang kanilang giray na bahay na dati ay yari lamang sa kahoy at tagpi-tagping yero. Napagtapos niya sa pag-aaral ang kaniyang mga anak. Nakabili siya ng isang owner-type jeep at isa pang jeep na ipinakisuyo sa isang kaanak upang ibyahe. Masasabing komportable na ang kaniyang paraan ng pamumuhay.
Sa tuwing nagbubukas ng kaniyang lugawan si Mang Faustino, lagi niyang nakikitang sumusulyap ang matandang lalaking palaboy. Naisip niya, marahil ay nagugutom ito. Ilang beses na niya itong tinangkang tawagin upang bigyan ng limos o libreng lugaw, subalit tila ilang at takot na takot itong lumapit.
Isang araw, sa pagbubukas ng lugawan ni Mang Faustino ay nagulat siya nang sa wakas ay lumapit ang matandang lalaking pulubi sa kaniyang lugawan. Wala pang mga suki noon.
“Nagugutom ho ba kayo? Gusto ninyo ho ba ng makakain?” tanong ni Mang Faustino sa matanda.
Umiling lamang ang lalaki at tahimik na tumitig kay Mang Faustino.
“Huwag na ho kayong mahiya. Sige, kumain po kayo,” si Mang Faustino na ang nag-aya sa matanda upang kumain. Pinaupo niya ito at binigyan ng lugaw goto na may kasama pang itlog. Nahihiya man, kumain na rin ang matanda.
“Maraming salamat. Napakabuti ng iyong kalooban,” taos-pusong pasasalamat ng matandang pulubi kay Mang Faustino. “Ang ibang mga katulad mo ay madalas akong itinataboy”.
“Saan ho ba kayo nakatira?” tanong ni Mang Faustino sa matanda.
“Wala akong permanenteng tirahan. Kung saan lamang ako maabutan. Maaari ba akong makiusap sa iyo? Gusto ko sanang mamasukan bilang tiga-silbi rito sa iyong lugawan. Para naman may pera ako’t may matutuluyan,” pakiusap ng matanda kay Mang Faustino.
Dahil likas naman ang kabutihan sa puso ni Mang Faustino, pinayagan niya ang matanda na mamasukan sa kaniya bilang tagasilbi. Emilio pala ang pangalan nito at nasa 65 taong gulang. Dahil wala naman itong permanenteng matutuluyan, pinayagan niya itong matulog sa lugawan tuwing gabi. Binigyan niya ito ng mga pinaglumaang damit upang may magamit.
Kahit na may edad na ay napakasipag pa rin ni Lolo Emilio. Kitang-kita sa kaniyang mga mata ang kasiyahan sa kaniyang ginagawa. Tila ba nabigyan siya ng panibagong dignidad. Si Lolo Emilio ang nagbubukas ng karinderya, naglilinis, nagsisilbi ng mga order, at iba pang mga bagay na ipinag-uutos at hindi na pinag-uutos ni Mang Faustino. Mas masipag pa siya kaysa sa iba pang mga tauhan sa lugawan.
Halos tumalon sa galak si Lolo Emilio nang makuha niya ang una niyang sweldo mula sa kaniyang paninilbihan kay Mang Faustino.
“Maraming salamat! Ngayon na lang ako ulit nakahawak ng ganitong kalaking salapi. Maaari ba akong magpaalam sa iyo? Gusto kong umalis bukas upang makapagsimba,” paalam ni Lolo Emilio.
Pinayagan ni Mang Faustino ang matanda. Kaya naman tuwing Linggo ang day off ni Lolo Emilio upang makapagsimba ito. Nagtataka rin siya sa matanda dahil lagi halos nauubos ang ibinibigay niyang sweldo rito kahit wala naman itong ibang binibili para sa sarili kundi mga karagdagang damit at pagkain.
Napag-alaman ni Mang Faustino na binibilhan ni Lolo Emilio ng pagkain at mga damit ang kaniyang mga nakasamang pulubi noon.
Ngunit isang araw ng Lunes, hindi nakabalik si Lolo Emilio matapos ang kaniyang day off ng araw ng Linggo.
“Ano kayang nangyari kay Lolo Emilio?” naitanong ni Mang Faustino sa kaniyang sarili. Naisip niyang baka mamayang tanghali pa ito bumalik. Subalit dumaan ang gabi hanggang madaling-araw ng Martes ay hindi pa rin bumabalik si Lolo Emilio. Nakaramdam ng pag-aalala si Mang Faustino dahil wala namang cellphone ang matanda. Naisip din niya, wala naman itong matutuluyang kamag-anak o kakilala. Maliban na lamang sa mga pinupuntahan nitong mga pulubi.
Hanggang sa nabalitaan na lamang nila na isang matanda raw ang pinagsasaksak at pinagnakawan ng isang hindi pa nakikilalang kawatan sa lansangan. Pakiramdam ni Mang Faustino ay pinagbagsakan siya ng langit at lupa nang makita ang nakahandusay na labi ni Lolo Emilio.
Dahil wala naman itong kaanak, si Mang Faustino na ang nag-asikaso sa mga labi nito at nagpalibing. Sa sandaling panahong pagkakakilala niya rito, nakapagdulot naman ito sa kaniya ng inspirasyon. Inspirasyon na walang edad ang pagiging masipag at matulungin sa kapwa.
Hanggang sa ngayon, araw-araw pa ring hindi nakakaligtaan ni Mang Faustino na isama sa kaniyang panalangin ang kaluluwa ng matanda.