“Pare, tingnan mo ʼyong babaeng ʼyon. Mukhang ulikba, ano?”
Humagalpak pa nang tawa si Vito matapos niyang sabihin iyon sa katrabahong si Seth, habang itinuturo ang bagong salta sa kanilang kompanya. Parehas silang nagtatrabaho bilang mga production workers sa isang electronics company.
“Ang sama ng ugali mo, pare. Hindi ka naman inaano noʼng tao, e.” May inis sa tinig ni Seth nang siyaʼy sumagot ngunit lalo pang nadagdagan ang lakas ng paghagalpak ni Vito dahil doon.
“Oh, bakit? Totoo naman, ah!” giit nito sabay hawak sa kaniyang tiyan dahil sa katatawa. Pagkatapos ay isang makahulugang tingin ang ipinukol nito sa kaniya. “Teka, huwag mong sabihing type mo ang ulikbang iyon kaya ka naiinis sa akin?”
Maluha-luha na si Vito sa katatawa. Ang katabi naman niyang si Seth ay nakatiim bagang na sa galit. Kung hindi nga lamang niya pinipigilan ang sariling sapakin ang katrabahong ito ay baka kanina pa ito bumulagta sa sahig. Sa huli ay pinili na lamang niyang huwag itong pansinin para walang mangyaring gulo.
Ngunit nang mag-lunch break sila ay nag-umpisa na namang umarangkada ang matabil, mapanlait at maruming bunganga ni Vito!
“Oy, alam nʼyo ba mga pare, crush na crush niyan ni Seth ʼyong bagong pasok na ulikba. Aba, galit na galit kanina noʼng sinabi kong mukhang ulikba ʼyong babae!” sabi nito sabay halakhak nang malakas.
Nagkatinginan ang magkakatrabahong naroon sa mesa dahil hindi naman nakakatawa ang tinuran ni Vito. Masiyado nang below the belt ang sinabi nito. Nauubos na ang pasensiya ni Seth kaya naman minabuti na niyang patulan ang pang-aasar nito.
Ngumisi si Seth. “Makabansag ka ng ulikba sa ibang tao, akala mo naman hindi libag ʼyang nasa batok mo, pare. Atleast iyong sa kaniya, natural skin color. E, iyong sa iyo? Dumi ʼyan, pare! Dumi!” sabi nito sabay halakhak.
Doon natawa ang kanilang mga kasama sa mesa. Basag ang pride ng mapanglait na si Vito!
“Oo nga, Pareng Vito, hilurin mo na iyang libag mo sa batok. Pʼwede na naming taniman ʼyan ng talbos ng kamote!” singit pa ng isa sabay maluha-luhang humagalpak nang tawa.
“Mga gago!” naiinis na sigaw ni Vito sa kanila.
“Oh, bakit ka nagagalit? ʼDi ba, dito ka magaling? Kung may paligsahan nga lang sa panlalait, malamang panalo ka na, e!” sagot naman ni Seth sa nanggagaiti nang si Vito habang tuloy pa rin sa paghagalpak ang kanilang mga kasama.
“Kaya lang, pare, minsan natatawa ako sa ʼyo. Napakahilig mong manlait pero hindi mo naman magawang toothbrush-in ʼyang ngipin mo! Abaʼy pʼwede nang isangla ʼyan, ah!” muli ay pang-aasar pa ni Seth na lalo namang ikinahagalpak ng kanilang mga kasama.
Sa buwisit ay hindi na nakapagpigil pa si Vito at sinapak na ang katrabahong si Seth. Nagpang-abot ang dalawa na agad namang inawat ng kanilang mga kasama. Kaya lang ay sadya talagang maligalig si Vito kaya naman muli nitong sinugod si Seth! Iyon nga lang, isang malakas na suntok ang inabot niya at tumama iyon sa kaniyang ilong na ngayon ay dumudugo na. Halos lumubog si Vito sa kaniyang kinatatayuan dahil sa kahihiyan. Hindi niya alam na ganito pala ang pakiramdam nang ipinahihiya at ginagawang katatawanan. Kahit alam niyang hindi naman totoo ang mga sinasabi ni Seth ay talagang naaapektuhan siya sa tawanan ng mga ito.
Maya-maya ay talagang hindi na kinaya pa ni Vito na makita ang nakangisi lang mukha ni Seth. Idagdag pang totoo namang ʼdi hamak na mas magandang lalaki ito kaysa sa kaniya. Akma na sanang magwo-walk-out siya nang sa pagtalikod niya ay namataan niya ang babaeng kanina lang ay nilalait-lait niya… maganda pala ito. Mukhang elegante at napakaganda rin ng hubog ng katawan. Nagtaka tuloy siya sa sarili kung bakit pinagtatawanan niya ang kulay nito, gayong bagay na bagay nga iyon sa maganda at mayumi nitong mukha?
Doon napagtanto ni Vito kung anong kahunghangan pa ang kaniyang ginagawa. Kaya naman muli siyang humarap sa mga kasamahan.
“Sorry, mali ako. Sorry, Pareng Seth. Hindi ko na uulitin ʼto,” sinserong sabi niya bago siya muling tumalikod sa mga ito upang ang babae naman ang harapin.
“Hello, miss! Ako si Vito. Pasensiya ka na. Alam kong naririnig mo ang ilang ulit kong pagtawag sa ʼyo ng mapanlait na salita. Sana, mapatawad mo ako. Hindi ko na uulitin ʼyon,” sabi niya sa dalaga.
Matapos makapanghingi ng patawad ay dumiretso si Vito sa clinic ng kanilang company upang ipagamot ang dumudugo niyang ilong. Sina Seth naman ay naiwang tulala, ngunit natutuwang natauhan na si Vito sa kaniyang hindi magandang gawi.
Ayon nga sa tinaguriang golden rule ng mundo, “Kung ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo.”