Inday TrendingInday Trending
Tutulong Na Lang, Mangangaral Pa!

Tutulong Na Lang, Mangangaral Pa!

Naglalakad noon si Lindon sa kahabaan ng kalsada ng lugar na iyon. Kabababa lamang niya mula sa shuttle ng kanilang kompanya at pasakay naman siya ngayon sa jeep para umuwi sa kaniyang bahay.

Nasa ganoong sitwasyon si Lindon nang lapitan siya ng apat na batang pulubing nanlilimos ng tulong mula sa kaniya. Dalawa sa harapan at dalawa sa kaniyang likuran. Tatlong lalaki, isang babae na siyang pinakabata sa mga ito.

“Sir, palimos po. Sige na po, pangkain lang,” pakiusap ng isa sa mga batang nasa kaniyang harapan.

“Oo nga po. Wala pa po kaming kain simula kaninang umaga,” singit naman ng isa pa.

Agad siyang huminto nang marinig ang mga hinaing noon ng mga bata, ngunit agad siyang napailing.

“Tutulong naman ako sa inyo, e. Hindi na ninyo kailangan pang gawin ʼyan,” sabi niya na agad namang nakapagpatigil sa ginagawa ng dalawa pang pulubing nasa kaniyang likuran. Dinudukot ng mga ito ang wallet niya.

Pinapuwesto niya ang mga ito sa kaniyang harapan, sa gilid ng kalsada.

“Alam nʼyo bang masama ang magnakaw? Hinuhuli ng pulis ang mga magnanakaw,” pangangaral niya sa mga batang iyon na ngayon ay hindi na mapakali dahil sa takot.

“Patawarin nʼyo po kami, boss! Gutom lang po kami at wala pang nagbibigay ng pagkain sa amin simula kanina!” naiiyak nang saad ng isa na sinegundahan pa ng tatlong kasama nito.

“Oo nga, ser! ʼWag nʼyo po kaming ipakulong, please po!”

“Hindi na po mauulit, boss!”

“Promise po!”

Pinagsaklop pa ng mga ito ang kanilang kamay at kulang na lang ay maglumuhod. Napabuntong hininga na lamang ang napapagod na si Lindon.

“Kung ganoon, sumama kayo sa akin,” pagyaya niya sa apat na bata. Tila naman kinabahan ang mga ito.

“S-Saan po tayo pupunta, boss?” may pagdududang tanong ng sa palagay niya ay pinakamatanda sa mga ito.

“Kakain tayo. Gutom na ako, e,” nakangiti niyang sabi niya.

Pinakain niya ang mga ito sa isang fastfood chain na talagang sikat na sikat sa mga batang may kakayahang bumili ng pagkain doon. Tuwang-tuwa naman ang mga bata, dahil sabi nilaʼy ngayon lamang daw sila nakakain doon.

“Mga bata, ito ang tatandaan ninyo… Anuman ang hirap na nararanasan nʼyo ngayon ay hindi nʼyo maaaring gawing dahilan para gumawa kayo ng masama. Huwag ninyong kakalimutan na mayroon at mayroon pa ring tutulong sa inyo sa oras ng kagipitan, bastaʼt maging mabuting tao lamang kayo,” sa gitna ng kainan ay pangangaral ni Lindon sa kanila.

“Tulad po ninyo, ser?” singit ng nag-iisang babae sa grupo ng mga bata. Agad naman iyong tinanguan ni Lindon nang nakangiti.

“Pero, paano po kung walang tumulong sa amin?” singit ng isa pang bata na puno ng kyuryosidad.

“Diyan papasok ang katotohanang kailangan ninyong magsikap upang mabuhay. Iyong mga taong tumutulong sa inyo, nagsisikap din sila. Galing sa kanang pawis ang perang itinutulong nila sa inyo. Kaya naman dapat, matuto rin kayong magsikap,” muli ay pagbibitiw ni Lindon ng magandang pangaral sa mga ito na talagang tumatak sa kanilang isipan.

“Ang galing nʼyo naman po! Idol na po namin kayo!” ang pabirong sabi ng mga ito na kanila noong ikinatawa.

Natapos ang kanilang kainan na puno ng masasayang ngiti ang kanilang mukha. Hindi lang iyon dahil busog pa ang kanilang tiyan pati na rin ang kanilang pusoʼt isipan dahil sa pangaral ni Lindon.

Lumipas ang mga taon at hindi na nakita pang muli ni Lindon ang mga bata sa lansangan—dahil ngayon ay nakikita na niya ang mga ito sa ibaʼt ibang istasyon ng telebisyon, diyaryo, magazines at kung ano-ano pang pahayagan.

Bakit?

Dahil ang mga batang noon ay kaniyang pinangaralan, ngayon ay mga sikat nang personalidad. Mga kilala na silang business tycoons at matatagumpay na taong tumutulong na ngayon sa mahihirap. Nalampasan ng mga ito ang naabot ni Lindon at talaga namang ikinatuwa niya iyon nang labis.

Matapos kasi ang una nilang pagtatagpo noon ay itinuloy-tuloy ni Lindon ang pagtulong at paggabay niya sa mga bata. Tumayo siya bilang pangalawang ama ng mga ito at talagang kanila iyong tinanaw na malaking utang na loob.

Madalas siyang banggitin ng mga ito sa kanilang speech sa tuwing naiimbitahan ang mga itong magsalita sa harap ng mga tao. Palagi niyang naririnig ang mga katagang, “Salamat po, idol!” sa mga ito.

Masaya si Lindon na mula sa kaniyang sariling karanasan ay natuto ang mga bata. Ngayon, masaya si Lindon na lilisanin ang mundo bilang sa paglipas ng panahon ay unti-unti na siyang tumanda… tumanda, na may buhay siyang nabago tungo sa mabuti. Tumanda siyang may nagawa.

Advertisement