Malungkot na malungkot si Vena nang araw na iyon nang makaalis ang bisita ng bahay ampunan kung saan siya naroon at nakatira. Muli na naman kasi siyang tinanggihan, ni-reject at pinandirihan ng mga taong pinilit niyang kupkupin siya sana.
Ibang-iba ang hitsura ni Vena sa hitsura ng ibang mga normal na bata, dahil nagkaroon ng problema noong siyaʼy ipinagbubuntis pa lamang. Iyon siguro ang iniisip niyang dahilan kaya siya ipinaampon ng kaniyang tunay na ina.
“Ayos ka lang ba, hija?” tanong ng kaniyang Ate Mayeth, isa sa mga social workers sa naturang ampunan at isa sa mga taong nag-alaga sa kaniya.
“Opo, Ate Mayeth. Sanay naman na po ako, e. Saka, kung ʼyung tunay ko nga pong mama, nagawa akong ipaampon dahil ganito ang hitsura ko, ano pa po ba ʼyung ibang tao?” ang nakangiti namang sagot ni Vena rito.
“Huwag mong isipin ʼyan, anak, ano ka ba?” Tila naman nabahala si Ate Mayeth sa kaniyang sinabi. Halata kasi ang pagiging malungkot ng kaniyang tinig.
“Totoo naman po, e.” Napanguso na lamang si Vena.
Matapos ang pag-uusap na iyon ay muli silang ipinatawag dahil may dumating na naman daw mga bisita. May mag-asawang gusto ring mamili ng aampunin at ang gusto raw nila ay babaeng anak. Samantala, si Vena naman ay wala nang gana pang humarap sa mga ito dahil tila nakikinikinita na niya ang mangyayari. Kung hindi nga lamang siya pinilit ni Ate Mayeth ay hindi siya haharap sa mag-asawa.
“Maʼam, Sir, pumili na po kayo sa kanila. Kayo na po ang bahala,” sabi ng isa sa mga social workers sa mag-asawang Wilson at Glenda.
Nagkatinginan ang mag-asawa nang makita ang isang batang pinakanaiiba sa lahat. Kakaiba ang hitsura nito dahil sa pagkakaroon nito ng clef-lip o bingot sa labi, ngunit para sa mag-asawa ay hindi maikakaila ang magandang mukha ng batang babae.
“Hon, pʼwede bang siya na lang ang kunin natin? Gustong-gusto ko siya. Hindi ko alam pero parang ang gaan kasi ng loob ko sa kaniya,” bulong ni Glenda sa asawa.
“Kahit sinoʼng gusto mo, honey,” ang nakangiti namang sagot ni Wilson sa kaniya.
Sabay pa nilang tinawag ang social worker na si Ate Mayeth para sabihing nakapili na sila ng batang aampunin.
“S-Si Vena po ang pipiliin nʼyo?!” Tila gulat na gulat ang masayang mukha ni Ate Mayeth na si Vena ang pinipiling ampunin ng mag-asawa. “Matutuwa po iyon nang husto!”
“Opo, Ate Mayeth. Iba ang gaan ng loob ni Glenda sa bata at ganoon din naman ako. Sana, maging masaya siya sa amin,” natutuwa namang sagot ni Wilson.
Halos mapalundag sa tuwa si Vena nang malaman ang magandang balita. Labis-labis ang naging pasasalamat niya sa mag-asawang bago niyang magiging mga magulang.
Dumaan sa legal na proseso ang pag-aampon sa bata at nang matapos iyon ay agad na inayos ng mag-asawa ang dokumento nito upang makalipad sila patungo sa ibang bansa para sa operasyon ni Vena.
Successful ang naging operasyon ng bata. Talaga ngang binago ng mag-asawang Wilson at Glenda ang kaniyang buhay. Sinagip nila siya sa isang napakadilim na bahagi ng kaniyang buhay at ngayon nga ay naging isang napakagandang dalaga na ni Vena.
Ngunit hindi yata mauubusan ng pagsubok sa buhay ni Vena, dahil nang tumuntong sa edad na kuwarenta ang kaniyang ina ay nagkaroon ito ng komplikasyon sa bato. Kinakailangang tanggalin ang dalawang bato nito upang palitan ng panibago.
“Doc, compatible po ba ako para maging donor ni mama?” Agaran ang naging desisyong iyon ni Vena. Hindi niya ipinaalam sa mga magulang na nagpa-schedule siya upang dugtungan ang buhay ng kaniyang ina.
“Yes, pero paprangkahin na kita, Vena. Masiyadong risky ang magiging operasyon para sa ʼyo. Kakayanin mo ba?” tanong ng doktor na agad namang sinagot ni Vena.
“Yes, Doc. Kakayanin ko. Sinagip ako ni Mama at Papa noong mga panahong kailangan ko ng tulong. Iʼm just returning the favor. Mahal na mahal ko sila, Doc,” matapang at taas noong sagot niya.
Wala nang nagawa pa ang mga magulang niya nang sabihin niya ang kaniyang balak. Agad na nag-umpisa ang operasyon. Labis ang naging takot sa dibdib ng padre de pamilyang si Wilson… hanggang sa tuluyan na ngang matapos ang kalbaryo ng kaniyang mag-ina.
Successful ang operasyon! Nadugtungan ang buhay ni Glenda at naging ligtas naman sa kabila ng ilang komplikasyon si Vena.
Ibang klase ang nagagawa ng pagmamahal. Kahit sa hindi mo kadugo, bastaʼt magpakita ka ng pagmamahal ay tatatak iyon nang panghabang buhay.