Mula nang isilang si Emily ay hiwalay na ang kaniyang mga magulang. Umalis ang nanay niya at sumama sa ibang lalaki. Buti na lamang ay lumaki siyang maayos dahil binusog siya sa pagmamahal ng kaniyang ama. Iginapang nito ang kaniyang pag-aaral at ginawa ang lahat para kahit na paano ay mabigyan siya ng magandang buhay.
Kaya nga ang sakit-sakit sa kaniya dahil kung kailang naka-graduate na siya ng kolehiyo at may magandang trabaho ay tsaka naman ito pumanaw sa sakit na diabetes. Nang makarating naman sa nanay niya na kumikita na siya ng malaki ay bumalik ito sa eksena.
Hindi para bumawi kung ‘di para gatasan siya. Walang araw na hindi ito lasing at lulong sa bisyo. Galit pa kapag hindi niya nabigyan.
“Sino na naman ba iyang tumatawag? Si Esther na naman ba?” wika ni Tita Charry, kapatid ng papa niya.
Malungkot niya itong tinignan. “Galit sa akin, eh. Kasi po ayaw kong magpadala ng pera. Nagugutom raw ang mga kapatid ko. Kaya lang kasi, tita, nahulihan ko siyang may paraphernalia sa bag, eh. Ayaw ko namang malulong siya lalo.”
Naaawang hinimas ng tiyahin ang kaniyang likod. “Alam mo, Emily, hindi ka naman masamang anak. Kung tutuusin nga kung iba ka lang ay baka ‘di mo na siya kinibo matapos ang pang-iiwan niya sa inyo ng papa mo. Pero ayan ka pa rin, tumutulong. Walang masama na tanggihan mo siya minsan kung para sa kaniya rin.”
“Salamat po, tita,” tugon niya kaniyang tiyahin.
“Smile na. Aba, mamaya ay darating na si Kyle at ang pamilya niya. Gusto mo bang nakasimangot kang daratnan ng mga biyenan mo?” tudyo ni Tita Charry sa kaniya.
Namula naman si Emily nang marinig ang pangalan ng binata. Nakilala niya si Kyle sa opisinang pinapasukan. Mabait ang lalaki, responsable at mapagmahal. Hindi rin ito mayabang kahit na mayaman ang pamilya nito. Kaya nga nang alukin siya nitong magpakasal ay walang pagdududa siyang tumango.
Ngayon ang araw ng pamamanhikan ni Kyle. Sobrang excited si Emily dahil ngayon niya lang rin makikilala ang magulang ng binata. Sa Amerika na kasi nakatira ang buong pamilya ni Kyle.
Mayamaya pa ay nakarinig sila ng doorbell. Masaya nagtungo si Emily sa pinto at binuksan iyon. Bumungad sa kaniya ang nobyo na may bitbit na cake at bulaklak.
“Hi, beautiful,” bati nito bago siya hinalikan sa noo.
“Ehem,” nakarinig sila ng pag-ubo mula sa likod kaya nagkatawanan sila.
Iginiya ni Kyle ang mag-asawang may edad na. Kapwa ngiting-ngiti ang mga ito. “Honey, this is Mommy Theresa and Papa Ernest. Mom, pa, this is Emily. My future wife,” pakilala nito sa kanila.
Nakipagbeso-beso naman si Emily sa mga biyenan bago niyaya ang mga ito na pumasok sa loob.
Naging masaya ang kanilang salu-salo. Puno ng kuwentuhan at tawanan ang kusina na natigil lang nang marinig nilang pabaldog na sumara ang pinto.
Nagkatinginan si Emily at si Tita Charry.
“Ako na ang sisilip,” sabi ni Tita Charry at tumayo.
Alanganing napangiti ang dalaga sa nobyo. Ramdam na ramdam ang tensyon niya.
“Huwag mo namang ganituhin si Emily…” Hindi na natapos pa ni Tita Charry ang sasabihin. Dali-dali na kasing tumakbo ang ‘panauhin’ papunta sa kusina.
Nang makita nito ang mga bisita ay malakas na pumalakpak.
“Ma,” wika ni Emily.
“Gahling-gahling naman! Family cehlebration. ‘Di man lang ako isinamah! Hoy! Emily! Kaya ba hindi mo, hik! Kaya ba hindi mo na sinahsagot ang tawag ko ay dahil big time ka na ditoh sa lalaki mo?” tanong ni Esther sa anak. Lasing na lasing ang babae. Ni wala itong suot na tsinelas.
“Ma, hindi naman sa ganoon. Kaya lang…” Hindi na naituloy ni Emily ang sasabihin.
“Hah! Ang sahbihin mo nagmamalaki ka na, hik! Dali nah. Pengeng pera.” nakataas ang kilay na sabi ni Esther. Nakasahod ang kamay sa harap ng anak.
Nangangatog na bumunot ang dalaga at inabutan ng limang daang piso ang ginang.
“Dagdag pah,” hirit ni Esther.
Inabutan niya ito ng isa pang limang daan.
Nakangiting kumindat ang ina. “Magbibigay naman pala, hik! Nagpapahabol pa. O, balae, nice meeting you! Bye!” sabi nito bago umalis.
Nanghihinang napaupo ang dalaga. Ang tiyahin niya naman ay nalulungkot na minasdan siya. Hinimas ni Kyle ang likuran niya. Hindi naman lingid sa binata ang kaniyang kuwento.
Ang pinaka-inaalala ni Emily ay ang kaniyang mga biyenan. Diyos ko, sino ba namang magulang ang papayag ipakasal ang anak sa isang babaeng may lasenggang ina?
Lumuluha siyang nagsalita. “Marahil po ay nagulat kayo. Mauunawaan ko ho kung ayaw na ninyo sa akin. Patawarin niyo po ako sa lahat ng nangyari. Siguro po iniisip ninyo na hindi ako ang babaeng nararapat kay Kyle.”
Nakatitig lamang sa kaniya ang mga magulang ng binata. Tumayo ang lalaki at ang babae naman ay kinuha ang bag. Inasahan na ni Emily na aalis na ang mga ito pero hindi.
Mali siya.
Kinuha ng ginang ang bag at binuksan iyon. Kumuha ito ng panyo.
“Tita?” gulat niyang tanong nang lumapit ito at pinunasan ang kaniyang mga luha.
“Alam mo, hija. Bago ako nakilala ng tito mo ang nanay at tatay ko ay parehong may bisyo noon. Sa katunayan ay ipinanganak akong nangangatog ang kamay dahil walang ibang laman ang tiyan ng nanay ko noong ipinagbubuntis ako kung ‘di alak. Iyon ang naging epekto sa akin,” kuwento ni Theresa.
“Ipinagamot lang ako ng lolo at lola ko. Pero alam mo ‘di ibig sabihin na porke’t pariwara ang magulang ko ay pariwara na rin ako. Oo, tama ka. Nagulat kami. Pero hindi iyon dahilan para ayawan ka na namin. Mahal na mahal ka ni Kyle, anak. Kaya mahal ka na rin namin,” madamdaming pagpapatuloy nito.
Sa sobrang tuwa ay napayakap si Emily sa ginang. ‘Di niya in-expect na halos pareho pala sila ng karanasan kaya nauunawaan siya nito.
Masayang idinaos ang kasal nina Emily at Kyle. Inimbitahan ni Emily ang ina pero ‘di naman pumunta. Mabait ang kaniyang asawa. Pumayag ito na tuluy-tuloy nilang suportahan ang pangangailangan ng kaniyang mga kapatid. Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ni Tita Charry ang mga ito.
Napakasaya ni Emily dahil ‘di man siya sinuwerte sa nanay ay biniyayaan naman siya ng mga biyenang may ginintuang puso. Wala na siyang mahihiling pa.