Excited na si Marian sa kaniyang bagong trabaho. Bagong gradweyt kasi siya at ito ang kaniyang unang trabaho. Maganda ang opisina nila. Malaki at moderno ang mga kagamitan. Natutuwa din siya sa mga kasama niya sa trabaho.
“Okay, guys, we will assign you your respective lockers so you can leave your stuff there. I trust you brought your padlocks like I said yesterday,” wika ng trainer nila na si Grace.
Isang malakas na “yes” ang pumuno sa loob ng training room lalo na sa grupo ni Marian na pawang mga baguhan.
“I’ll call out your name one by one and I”ll give you a paper where your locker number is written. Proceed to the guard and show that paper to him. He will open your locker for you. Understood?” sabi pa nito.
“Yes, Ma’am Grace!” malakas na sagot nilang lahat.
Isa-isa na ngang tinawag ni Grace ang mga trainees at isa-isa rin silang lumabas ng training room para pumunta sa guwardiya. Nang tawagin na ang pangalan ni Marian ay halos patakbo itong pumunta sa harap.
“Here’s your locker number, Marian!” nakangiting sabi ni Grace sabay abot ng isang pirasong papel. “Thank you, ma’am!” Halos abot tenga ang ngiti ng dalaga.
Pagkalabas ni Marian ng training room ay mabilis niyang binuksan ang papel na hawak niya.
“Locker #67.”
Mabilis siyang dumiretso sa guwardiya at iniabot ang papel. Saglit itong tinignan ng guwardiya pagkatapos ay kinuha ang isang wire cutter sa loob ng desk nito.
“Dito po tayo, ma’am,” magalang na wika ng guwardiya sabay tayo.
Masayang sinundan ni Marian ang guwardiya patungo sa locker room. Nasa dulong row dumiretso ang guwardiya at pagkatapos ay tumigil sa harap ng mga lockers. Muli nitong tinignan ang hawak na kapirasong papel at pagkatapos ay hinanap ang locker. ‘Di nagtagal at nakita ito ng guwardiya. Nakatali ang lagayan ng padlock ng locker ng isang kapirasong alambre na agad namang pinutol ng guwardiya gamit ang wire cutter.
“Bukas na po, ma’am,” nakangiting sabi ng guwardiya. “Salamat, kuya,” tugon niya rito.
Humarap si Marian sa kaniyang locker at pagkatapos ay mabilis itong binuksan. Nagulat siya sa kaniyang nakita.
Maalikabok ang loob niyon at sa pinakagitna nito ay mayroong isang kulay pulang panyo na nababalot ng makapal na alikabok.
“Panyo?” mahina niyang sabi na bakas sa mukha ang pagtataka.
Dahan-dahan niyang kinuha ang maalikabok na panyo. Tinitigan niya ito at nakitang may nakasulat na pangalan dito.
“Alexa? Baka siya ang dating may-ari ng locker na ito. Baka nag-resign siya at naiwan na lang itong panyo niya,” wika ni Marian sa isip.
Muli niyang tinignan ang maalikabok na locker. “Mukhang matagal na itong hindi nagagamit, ah.”
Nilapag muna niya ang hawak na panyo. Buti na lang at may dala siyang tissue sa bulsa. Mabilis niyang pinunasan ang loob ng locker. Inalis ang lahat ng alikabok. Nang matapos ay isinara niya ito at inilabas ang padlock sa kaniyang bulsa. Mabilis niyang ikinandado iyon.
Babalik na sana siya sa training room ng muli niyang pagtuunan ng pansin ang kulay pulang panyo na inilapag niya. “Dapat siguro itapon ko na lang,” wika niya.
Muli niya itong pinulot at dumiretso sa pantry kung saan itinapon niya iyon sa basurahan.
Naging masaya naman para kay Marian ang sumunod na mga linggo. Marami siyang natututunang bagong impormasyon. Masaya rin siya sa kaniyang mga bagong kaibigan.
“Hay naku! May exam na naman tayo!” sabi ng kasamahan ng dalaga na si Dior. “Oo nga, eh,” sagot ni Marian. “Pero sigurado akong perfect ka na naman niyan!” dagdag pa ng dalaga.
“Oy, hindi, ah! Sinuwerte lang ako doon sa mga dating exams natin,” nakangiting tugon ni Dior. “Mabuti pa mag-review muna tayo.”
“Sige. Kunin ko lang ‘yung mga gamit ko sandali,” tugon ni Marian.
Mabilis na tinungo ni Marian ang kaniyang locker. Tinanggal niya ang kandado gamit ang kaniyang susi na nakasabit sa kaniyang ID.
Nagulat siya nang buksan niya ito. Maayos naman ang kaniyang gamit at walang nawawala. Tanging ang kulay pula niyang tumbler ang nakapukaw ng kaniyang pansin. Maalikabok ito. Dahan-dahan niya itong kinuha, tinignang mabuti. Maingat niya itong pinunasan gamit ang isang pirasong tissue.
“Bakit maalikabok ‘to?” tanong niya sa sarili.
Dali-dali siyang pumunta sa pantry para hugasan ang kaniyang tumbler. Pagkatapos ay muli siyang bumalik sa kaniyang locker at kinuha ang iba pa niyang gamit. Pagdating ng uwian ay nakalimutan na niya ang kakaibang nangyari sa kaniyang tumbler.
Nang sumunod na araw pagbukas niya ng kaniyang locker ay nagulat siya nang makitang maalikabok na naman ang kaniyang tumbler. Maayos naman ang ibang gamit niya sa loob ng locker. Wala ni isa mang bahid ng alikabok. Gaya ng ginawa niya kahapon ay mabilis niyang hinugasan ang kaniyang mug at pagkatapos ay kinuha ang kaniyang mga gamit.
Sa mga sumunod na araw ay ganito palagi ang nangyayari. Pagbukas niya ng kaniyang locker ay makikita niyang maalikabok ang kaniyang kulay pulang tumbler samantalang malinis naman ang ibang gamit niya. Labis na nagtataka si Marian ngunit hindi niya ito mapagtuunan ng pansin dahil abala siya sa kaniyang training.
Hanggang sa isang araw pagkabukas niya ng kaniyang locker ay wala sa loob ang kaniyang tumbler. Tandang-tanda niya na inilagay niya ito sa kaniyang locker kahapon bago siya umuwi. Para makasigurado ay tinanong na rin niya ang kaniyang trainer kung naiwan niya ito sa training room kahapon.
“No,” sagot ng kaniyang trainer. “I haven’t seen any tumbler here yesterday. Are you sure you left it here?”
Hindi naman nakasagot si Marian. Nang makita niya si Dior ay madali niyang ikinuwento ang tungkol sa kaniyang nawawalang tumbler. Hindi rin naman ito nakita ng kaibigan kaya’t wala na siyang nagawa kung ‘di tanggapin ang pagkawala nito.
Mabilis ang takbo ng oras kaya’t mayamaya lang ay uwian na sila. Malungkot pa rin siya. Mabigat ang katawan niyang tinungo ang kaniyang locker. Pagkatanggal ng lock at pagkabukas nito ay nagulat siya ng biglang…
“Magnanakaw!” isang galit na boses ang narinig niya mula sa kaniyang likuran.
Mabilis na napalingon si Marian at nakita ang isang babaeng nakaharap sa kaniya. Nakatungo ito at natatakpan ng mahabang buhok ang mukha. Maayos naman ang pananamit nito na nakasuot ng kulay puting blusa at itim na pants.
“Teka muna. Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Marian na halatang nagulat. “Magnanakaw ka!” sigaw ng babae sabay taas ng kamay nito sabay duro sa kaniya.
Dahil dito ay nag-init ang ulo ni Marian. “Ano bang pinagsasabi mo? Sino ka ba, ha?”
“Ang locker na iyan! Akin ang locker na iyan!” Dahan-dahang inangat ng babae ang ulo at tinignan siya. Napaatras si Marian sa kaniyang nakita.
Walang mga mata ang babae. Tanging butas lamang ang mga ito. Umaagos din ang malapot nitong dugo mula sa butas ng mga mata nito. Ang mukha naman ng babae ay mukhang naaagnas na.
“Magnanakaw!” patuloy na sigaw ng babae habang dahan-dahang humahakbang papalapit sa kaniya.
Nawala ang galit ni Marian at napalitan ng matinding takot. Bigla siyang kumaripas ng takbo bitbit ang kaniyang mga gamit. Lumabas siya ng locker room at ng kanilang opisina. Nahimasmasan lamang siya nang marating niya ang ibabang palapag ng gusali.
“Ma’am? Okay lang ba kayo?” tanong sa kaniya ng guwardiya.
Hindi nakasagot si Marian dahil sa sobrang hingal. Tumango na lamang siya sa guwardiya.
“Ma’am, bawal ilabas ‘yang mga training materials niyo. Iwan niyo na lang sa locker niyo kung uuwi na kayo,” puna ng guwardiya.
Tinignan ni Marian ang hawak na mga gamit at dito nabuo ang kaniyang pasya. Tumalikod siya sa guwardiya at pumunta sa training room. Nang makita niya ang kaniyang trainer na si Grace ay agad niya itong nilapitan.
“Ma’am Grace, I…” Hindi niya maituloy ang sasabihin.
“What is it?” tanong ng trainer. Napakunot ang noo nito nang makita ang itsura niya.
“I don’t know how to say this but can I have a new locker?” tanong ni Marian.
“Why?” Halatang nagulat si Grace. “Is there something wrong with your locker?”
“Well, I don’t know if you’ll believe me but something strange just happened to me.” tugon ni Marian.
“Strange? Did you see…” Biglang nanlaki ang mga mata ni Grace. Para bang naintindihan na nito ang gustong sabihin ng dalaga. “What’s your locker number?”
“67,” mabilis na sagot ni Marian.
Lalong nanlaki ang mga mata ni Grace. “No, that can’t be right.” Mabilis nitong hinarap ang computer at hinanap ang mga files tungkol sa locker assignments. Nang makita ang hinahanap ay napailing ito.
“I’m sorry. It seems that there was a mistake. Your locker should have been 68 not 67.” Muling hinarap ng trainer si Marian. “We usually don’t assign 67 to anybody.”
“Why? Is there something wrong with that locker?” tanong ni Marian.
Nagulat si Grace at tinakpan ang bibig. Alam nito na hindi dapat sinabi ang bagay na iyon kay Marian. “No. Nothing’s wrong with that locker. Why don’t you just go to the guard so you can transfer to your new locker, okay?”
Saglit na tinitigan ni Marian ang trainer. Alam na may itinatago ito sa kaniya. Pagkatapos ay tumalikod na siya at bumalik sa guwardiya. Mabilis namang kinuha ng guwardiya ang wire cutter nang sabihin niya ang gustong mangyari. Sinundan ni Marian ang guwardiya pabalik sa locker room. Dumeretso ito sa kabilang dulo ng kuwarto at doon nga ay binuksan ang isang bagong locker.
“Okay na po, ma’am. Puwede niyo nang gamitin,” nakangiting sabi ng guwardiya. “Salamat, kuya. Mabuti na lang at napalitan na. Ayoko nang gamitin ang dati kong locker,” sabi niya rito.
“Nagulat nga rin ako nang malaman kong ginamit mo ang locker #67. Hindi pinapagamit sa kahit na sinong empleyado ang locker na iyon,” sabi ng guwardiya.
“Bakit po? Ano pong mayroon sa locker na iyon?” usisa ni Marian.
“Ang locker na iyon ay pagmamay-ari ng dating agent dito na nagngangalang Alexa. Nagpatiw*kal siya tatlong taon na ang nakararaan dahil naging biktima siya ng panunukso at pagmamalupit dito sa opisina dahil sa duling niyang mga mata. Hindi niya nakayanan ang ginagawa sa kaniya ng mga kapwa katrabaho kaya nauwi sa pagk*til sa kaniyang sariling buhay. At bali-balita dito na hanggang ngayon ay hindi pa rin matahimik ang kaniyang kaluluwa at nagpapakita sa kung sino man ang gumamit ng kaniyang locker,” bunyag ng guwardiya.
Nagulat si Marian sa ipinagtapat ng guwardiya. Hindi siya makapaniwala na may nagmumulto sa opisinang kaniyang pinagtatrabahuan ngunit tila nawala ang kaniyang pagkatakot at nakaramdam ng pagkaawa sa sinapit ng babae. Sa isip niya ay hindi sana nagpatiw*kal ang babae kung ‘di ito nakaranas ng matinding karahasan sa mga taong nakasama nito sa opisinang iyon.
Mula nang malaman niya ang tungkol sa babae ay araw-araw na niya itong ipinagdarasal na sana ay matahimik na ang kaluluwa nito at makatawid na sa nararapat nitong puntahan. Kahit kailan ay wala na ring gumamit ng locker #67 na pagmamay-ari ng babaeng multo.