Inday TrendingInday Trending
Huling Pera, Itinaya Sa Perya

Huling Pera, Itinaya Sa Perya

Tagaktak pa ang pawis ni Hermie pero kaagad na niyang tinawagan ang kaniyang mga magulang.

“Nay, ‘tay! May napagtapos na ho kayo ng kolehiyo! Magiging mayaman na po tayo,” masiglang pahayag ng dalaga habang malakas niyang isinisigaw ang magandang balita sa telepono.

“Anak, pasensya ka na kung talagang hindi kami nakaluwas. Huwag ka sanang magtatampo, anak, patawarin mo kami ng tatay mo dahil ngayon pa kami sinumpong ng rayuma. Pero proud kami, sa’yo, anak. Proud na proud,” umiiyak na pahayag ni Aling Gina, ang nanay ng dalaga.

“Wala ho iyon, ‘nay. Naiintindihan ko po ang lahat at hindi niyo po kailangang humingi ng dispensa sa akin. Hayaan niyo po, bukas na bukas din ay maghahanap kaagad ho ako ng trabaho para naman makapag-ipon na at makatulong po sa mga gamot niyo,” sagot naman kaagad ni Hermie habang pilit na pinipigilan ang kaniyang mga luha.

“Umiiyak ka ba, anak!?” pasigaw na tanong ni Mang Romeo, ang tatay ng dalaga.

“Hindi ho, ‘tay. Masayang-masaya lang po ako para sa atin dahil alam ko ngayon na hindi na tayo aapihin ng maraming tao dahil may tinapos na ho ako. Hindi na ho mangyayari sa akin ang kinatatakutan niyong lumaking walang pinag-aralan dahil kahit na lagi niyo pong sinasabi na no read no write kayo ni nanay ay napalaki niyo po ako ng maayos. Basta ho, ‘tay, babawi ho ako sa inyo!” masiglang sigaw naman din ni Hermie sa telepono. Wala siyang pakialam kung pinagtitinginan siya ng marami dahil sa lakas ng kaniyang boses ngunit talagang hindi niya mapigilan ang sarili sa labis na kasiyahan.

Laking bundok si Hermie at nasa liblib na probinsya ang kanyang nanay at tatay ngunit dahil sa mabubuting puso katulad ng kaniyang amo ay nakapag-aral siya. Namasukan kasing kasambahay ito sa Maynila at hulog naman ng langit na napakababait ng kanyang naging amo dahil tinulungan talaga siyang makapagtapos ng pag-aaral.

“Hermie, ito nga pala ang cake. Congrats dahil nakapagtapos ka na,” wika ni Mrs. Cruz, ang amo ng dalaga.

“Mrs. Cruz, maraming salamat po dahil hindi niyo sinukuan ang katulad ko. Utang na loob ko po ang lahat ng narating ko sa inyo,” sagot naman ni Hermie habang nagpupunas ng luha.

“Masaya akong makita na may napagtapos kami bago man lang kami lumipad patungo ng Canada. Pasensya ka na nga pala, Hermie, kung ngayon ko lang nabanggit sa’yo ito. Sa Canada na kami titira ng sir mo sa katapusan kaya hindi na namin kailangan ng kasambahay. Ibinenta na rin namin ang bahay na ito at sinubukan namin na ipasok ka rin sa bagong may-ari ngunit may kasambahay na sila na matagal na rin sa kanila kaya naman wala na akong nagawa. Pero hayaan mo, dadagdagan ko ang ipapasahod ko sa’yo ngayon para naman may pang-upa ka sa kwarto. Kung gusto mong makatipid ay mag-bedspace ka na lang muna,” paliwanag sa kaniya ni Mrs. Cruz.

“Huwag niyo na ho akong alalahanin pa, Mrs. Cruz. Masyado na ho kayong maraming naitutulong sa akin. Kaya ko na ho ang sarili ko, isa pa, bukas na bukas ay maghahanap na po ako ng bedspace at trabaho,” sagot naman ni Hermie.

Natatakot man siya ngunit kailangan na niyang tumayo sa sariling mga paa. Isa pa, ‘di gaya nang dati, ngayon ay may diploma na siyang pinanghahawakan.

Mabilis lumipas ang mga araw at nakakita naman kaagad si Hermie ng matutuluyan. Ngunit halos kalahati rin sa ipon niya ang nawala dahil sa biglaang pagbukod.

“Hermie, kaya mo ‘yan! Huwag kang panghinaan ng loob. Tandaan mo, matalino ka, magaling ka at higit sa lahat ay mahal na mahal ka ng mga magulang mo,” bulong ng dalaga sa kaniyang sarili. Pang ilang beses na kasi niya itong paghahanap ng trabaho. Palaging tatawagan na lang o ‘di kaya naman ay hanggang sa unang interview lamang siya pumapasa. Kaya naman sa pagkakataon ito ay desidido siyang hindi uuwi hangga’t wala siyang nakikitang trabaho.

Wala na sa kaniya kung hindi man kahilera ng kaniyang kurso ang makukuhang trabaho dahil mas mahalaga sa kaniya ngayong ay ang magkaroon ng pera. Pera para mabuhay pa siya sa mga susunod na araw at buwan. Pera para sa kaniyang pamilya.

“Alam mo, Hermie, magaling ka sana. Pero ang hinahanap kasi ng boss namin ay ‘yung may karanasan na lalo na sa pagiging sekretarya. Baka kasi umiyak ka lang din sa kanya tapos umalis ka lang din kaya naman hindi na kita tatanggapin pa,” saad sa kaniya ng ng HR.

“Ma’am, sanay naman po ako sa masusungit na amo. Saka bukod po sa diploma ko ay namasukan rin akong kasambahay. Kaya naman mahaba po ang pisi ko, subukan niyo lang po muna sana ako. Hindi ko po kayo ipapahiya,” pakiusap ni Hermie sa babae.

“Pasensya ka na talaga, Hermie, pero iba kasi ang house hold sa corporate. Hope you understand,” wika ng HR saka ito umalis at tinalikuran siya.

Halos manlambot naman ang tuhod ni Hermie sa kaniyang narinig. Alas tres na rin kasi ng hapon at iyon na ang pangatlong trabaho ang sinubukan niya ngunit hindi pa rin siya matanggap. Kumalam na ang kaniyang sikmura kaya naman dahan-dahan na siyang lumabas para humanap ng makakainan.

“Wala man lang bang kariderya rito? Sobrang mahal ng mga pagkain, tiis muna tayo hanggang sa makauwi tayo ha. Kaya natin ‘to,” wika niya sa sarili habang hawak ang pitaka at ang kaniyang tiyan.

Tiniis ng dalaga ang kaniyang gutom at naglakad na lang pauwi. Ngunit napahinto siya sa isang perya na bagong bukas, sakto namang may tindang siomai na tig-dadalawang piso ang isang piraso at sampung pisong kanin ay kaagad na niyang binili ito. Umupo siya sa upuang nasa tapat ng chubibo.

“Lo, kain po,” masiglang alok niya sa matandang masayang nakatitig sa chubibo.

“May apo po kayo na nakasakay roon?” tanong niyang muli sa matanda habang sarap na sarap na kumakain.

“Wala, nandito lang ako para manuod. Masaya kasi, naalala ko nung mga bata pa ‘yung mga anak ko ay iniiyakan pa nila ako para lang isakay ko sila sa ganyan,” maluha-luhang sabi ng matanda.

“Hala, ‘lo. ‘Wag po kayong umiyak kasi baka isipin nila pinaiyak ko po kayo,” biro ni Hermie sa matanda.

“Nakakatuwa ka namang bata ka, bakit nga pala siomai lang ang kinakain mo at bakit napahinto ka rin dito sa perya?” tanong ni lolo.

“E kasi po, nagtitipid ako. Wala ho kasi akong mahanap na trabaho, sakto na lang ang pera ko para umabot sa susunod pang linggo. Pero masarap naman ho ang siomai rito kaya okay na,” masigla pa ring sumagot si Hermie sa matanda.

“Alam niyo ho bang pangarap ko ring makasakay sa ganyan. Sa probinsya ho kasi namin ay hindi pa ako nakakasakay, palagi rin kasing walang pera ang nanay at tatay ko kaya naman manunuod na lang kami. Pero alam mo, lolo, dahil parehas naman tayong malungkot. Gusto niyo ho bang sumakay tayo sa chubibo?” masayang alok pa ng dalaga

“Wala ka nang pera di ba? Bakit pa tayo sasakay? Sayang lang ang pera mo, dapat nga pinangkakain mo ‘yan,” saad sa kaniya ng matanda.

“Hayaan niyo na ho, lolo. Tara na ho, sakay po tayo,” pahayag ni Hermie at pinilit ang matanda na sumama sa kaniya. Wala namang nagawa ang matanda at sumama na lang din siya sa kalokohan ni Hermie.

“Maraming salamat, apo. Alam kong pagpapalain ka ng Diyos,” wika ng matanda sa kaniya.

“Maraming salamat din po, lolo. Kahit papaano ay may naging kaibigan ako sa huling mga pera ko. Sana rin po ay naibsan kahit papano ang lungkot niyo sa inyong mga apo. Basta ho, sa susunod na mga araw nandito lang po ako lagi dadaanan. Magkwentuhan po tayo sa susunod,” paalam naman ni Hermie sa matanda.

Umuwi na ang dalaga na busog ang kaniyang tyan at maging ang kaniyang puso. Kapos man siya sa pera ay alam niyang may napasaya siya kahit papano ngayong araw na ito.

Kinaumagahan ay tumawag ulit ang pinagpasahan niya ng resume bilang sekretarya at nagustuhan daw ng Presidente ng kumpanya ang kaniyang sipag sa buhay kaya naman bibigyan siya ng pagkakataong mapatunayan ang kaniyang sarili.

“Lord, ang lakas ko talaga sa’yo,” bulong ni Hermie habang nagdarasal ito.

Pumasok na siya sa kwarto at kaagad na humarap sa kanya ang isang makisig na lalaki na may malalim na boses. “Maraming salamat sa pagpunta niyo, Ms. Hermie,” sabi ng lalaki.

“Maraming salamat din po, sir. Sana po ay mabigyan niyo ako ng pagkakataong makapagtrabaho sa kumpanya niyo, gagawin ko po ang lahat kahit na baguhan lang ako,” agrisibong pahayag ni Hermie sa lalaki.

“Seryoso ka pala, hija,” wika ng matanda sa kaniyang likuran.

“Lolo? Bakit po kayo nandito?” mahinang tanong ni Hermie sa matandang isinakay niya sa chubibo kagabi.

“Ms. Hermie, bakit niyo siya tinatawag na lolo? Siya ang CEO at Presidente ng kumpanya,” pahayag naman ng lalaking kanina’y kausap lamang niya. Napalunok naman kaagad ng laway si Hermie sa kaniyang narinig at natatawa naman si lolo sa itsura nito.

Ngayon ay sekretarya na si Hermie sa isa sa pinaka-mayaman na tao sa Pilipinas. Nang makaipon, agad niyang pinasunod sa Maynila ang kaniyang mga magulang at binilhan ng sariling bahay at lupa. Naging napakaganda ng takbo ng buhay nilang pamilya nang dahil sa tulong ng lolo, at dala na rin ng sipag at tiyaga ng dalaga na maging mahusay na sekretarya.

Ang huling pera niyang itinaya sa perya ay siya pa palang nagbago ng ikot ng kapalaran niya.

Advertisement