Inday TrendingInday Trending
Sa Muling Pagtibok Ng Puso

Sa Muling Pagtibok Ng Puso

Unti-unting iminulat ni Kate ang kaniyang mga mata mula sa mahigit kumulang dalawang buwan din niyong pagkakapikit. Bahagya pa siyang nasilaw sa liwanag na nagmumula sa sinag ng araw. Pumapasok kasi iyon sa bintanang katabi ng kaniyang kinahihigaang hospital bed na nasa loob ng isang private room ng ospital kung saan isinagawa ang kaniyang heart transplant, dalawang buwan na ang nakalilipas.

“Oh my goodness, Kate! Gising ka na!” Halos maghisterikal sa tuwa ang ina ni Kate na siyang natatanging bantay niya nang umagang iyon. Agad itong nagtatakbo sa labas upang tumawag ng doktor o nurse man lang na titingin sa kalagayan ng kaniyang pinakamamahal na unica hija.

Gising na si Kate, ngunit ang diwa niya ay tila nananatiling lutang pa sa mga nangyari. Hanggang sa humalimuyak ang mabangong samyo ng pamilyar na amoy na iyon para kay Kate.

“Mama, si Phil po?” Agad na hinanap ng mga mata ng dalaga ang nagmamay-ari ng amoy na iyon. Walang iba kundi ang boyfriend niyang si Phil.

“Anak, mamaya ka na magtanong, ha? Titingnan ka muna ng doktor,” ngunit sagot lang ng kaniyang ina.

Hindi na nagprotesta pa si Kate at pinabayaan na lamang ang kaniyang mga doktor na gawin ang kanilang trabaho. Check dito, check doon. Tanong dito, tanong doon. Inabot ng ilang paulit-ulit ang senaryong iyon bago pa matapos, kaya naman bagot na bagot na si Kate. Bukod doon ay naging matagal din ang pag-uusap ng kaniyang ina at ng doktor sa labas na lalong nakadagdag sa pagkainip ng dalaga.

“Mama, si Phil ba, nasaan po? Naaamoy ko ang pabango niya kanina, e,” tanong niya, pagkabalik na pagkabalik pa lang ng kaniyang ina sa kaniyang private room.

“Ah, oo. Dumaan siya rito kanina, anak, e. Kaya lang, hindi ko alam kung kailan babalik. May mga inaasikaso kasi siyang importante,” sagot naman ng kaniyang ina.

“Mas importante pa ba sa akin ʼyon, Mama? Alam niya na po ba na gising na ako?” Tila naman nakaramdam ng tampo si Kate sa kaniyang nobyo.

“Ay naku, anak, hindi pa pala! Nakalimutan ko kasi siyang tawagan. Hamo, mamayaʼy tatawagan ko agad para madalaw ka na niya.”

Napatango na lang si Kate sa tinuran ng ina.

Kinagabihan, nahihimbing na sa tulog si Kate at ang kaniyang inang nakahiga na ngayon sa couch, nang maalimpungatan ang dalaga dahil nasamyo na naman niyang muli ang pamilyar na pabango ng kaniyang nobyo. Napabalikwas siya nang bangon.

“Honey!” Masaya niyang tinawag ang lalaking naroon at nakatayo sa may pintuan. Ngumiti ito sa kaniya nang matamis, ngunit laking pagtataka ni Kate nang muling lumabas si Phil at hindi na muling bumalik pa hanggang mag-umaga.

“Mama, anoʼng problema ni Phil? Dinalaw niya ako rito kagabi pero hindi naman siya tuluyang pumasok. Umalis lang siya kaagad,” nalulungkot na namang saad ni Kate habang pinakakain siya ng ina ng umagahan.

“Baka busy lang, anak. Saka, bawal kasing maging dalawa ang bantay dito sa ospital kaya siguro siya umalis kaagad. Malay mo, baka nga pumuslit lang iyon sa guwardiya para makita ka,” katuwiran naman ng kaniyang ina.

“Sabagay po, mama, may point ka.”

Nang unang mga araw ay pinalampas ni Kate ang ganoong drama ng kaniyang boyfriend. Kaya lang, nang magtagal ay talagang naiinis na siya. Ano ang dahilan at ayaw siya nitong lapitan? Hindi ba siya nito na-miss man lang na yakapin at hagkan?!

Gusto nang mapahagulhol ni Kate sa kaisipang nakahanap na ng bago si Phil habang siya ay comatose kaya ganito ang pakikitungo nito ngayon sa kaniya. Agad namang napansin ng kaniyang ina ang pagkabalisa niya.

“Anak, huwag ka sanang magalit kay Phil… Ang totoo kasi, may kailangan kang malaman.” Nagulat si Kate nang biglang humagulgol nang iyak ang kaniyang ina.

“Ano po ʼyon, ʼma?” tanong niya.

“Anak, wala na si Phil… siya ang heart donor mo,” pagsisiwalat nito.

Halos manlumo sa pagluluksa si Kate nang malaman ang balita nang araw na iyon kung kailan mismo siya dapat madi-discharge. Matalino ang kaniyang ina dahil talagang siniguro muna talaga nitong stable na ang kaniyang kalagayan bago nito sabihin sa kaniya ang masamang balita.

Labis na lungkot ang nadarama ni Kate habang pauwi sila sa kaniyang tahanan. Kaya pala hindi makalapit sa kaniya si Phil sa tuwing dadalawin siya nito ay dahil hindi na nga talaga nito kaya!

Nang makauwi ay agad siyang dumiretso sa kaniyang kwarto at doon ay nagkulong. Dumapa siya sa kama upang umiyak nang umiyak. Gusto niyang sisihin ang kaniyang sarili—ngunit natigilan siya nang may marinig siyang tinig na nagsalita sa kaniyang likuran.

“Honey ko, sorry,” anang nakikilakang tinig na iyon ni Kate.

“Honey?!” agad siyang napalingon sa kaniyang likuran at namataan doon ang isang nakaluhod na Phil!

“Honey, I miss you!” sabi ng binata.

Lalong napahagulgol si Kate. Ang nasa isip niya ay nananaginip lamang siya.

“Honey, prank lang ʼyon… hindi talaga ako ang donor mo. Joke lang ‘yon! Sorry, honey!” ang natatawang pagsisiwalat pa ni Phil na noon ay tuluyan nang nagpagulat kay Kate.

“What?!” napasigaw ang dalaga.

“Honey, wait! Bago ka magalit diyan, pakinggan mo muna ang paliwanag kung bakit kinailangan kong gawin ʼyon…” may dinukot si Phil sa kaniyang bulsa. “Pinaghandaan ko kasi itong proposal ko sa ʼyo, honey… will you marry me?”

At sa pagkakataong iyon ay nagsilabas na ang mga kapamilya nila sa kani-kaniya nilang pinagtataguan upang sama-samang i-celebrate ang matagumpay na operasyon ni Kate.

Iyon pala ang tunay na dahilan. Tila nabunutan ng tinik sa dibdib ang dalaga matapos iyon. Masaya siyang muling makakasama ang minamahal na nobyo na sa susunod pang mga araw ay kaniya nang magiging asawa.

Advertisement