“Ano?!” ang gulat na gulat na tanong ni Retsel sa kakambal na si Lester sa matinis at ipit na ipit niyang boses. Paanoʼy nabigla siya sa sinabi nito.
“Huwag ka namang masiyadong maingay diyan!” saway naman ni Lester sa kaniya.
“Eh sa nagulat nga ako, e! Bakit ba kasi kailangan ko pang gawin iyan? Bakit hindi mo na lang sabihin sa kaniya ang totoo na may sakit ka at kailangan mong magpagamot sa ibang bansa?!” muli ay tanong ni Retsel sa kaniyang kakambal.
“Ayaw ko ngang mag-alala si Jasmin, ʼdi ba? Please, pagbigyan mo na ako!” pagmamakaawa pa ni Lester kay Retsel.
Nagdadalawang isip tuloy si Retsel sa kagustuhan ng kapatid. Paano ay gusto nitong magpanggap siya bilang ito, sa harap ng nililigawan nitong babae! E paano niya maaatim na sa ganda niyang iyon ay manliligaw lang ng tunay na girlaloo?!
Sa huli ay wala ring nagawa si Retsel kundi ang pumayag.
Unang araw pa lang ng kaniyang pagpapanggap bilang si Lester, nagtext si Jasmin, ang babaeng nililigawan ng kaniyang kapatid, at hinihiling nitong magkita sila. Agad namang nag-panic ang sistema ni Retsel, ngunit agad din niyang kinalma ang sarili hanggang sa tuluyan na nga silang nagkita.
“Lester…” tila nahihiyang tawag nito sa pangalan ng kaniyang kapatid. “Gusto ko sanang sabihin na itigil mo na ang panliligaw mo sa akin. K-kaibigan lang talaga ang tingin ko sa ʼyo,” ang malungkot pang dagdag ng dalaga.
Bigla namang kinabahan si Retsel. May sakit sa puso ang kapatid niya! Paano kung malaman nito ang desisyong iyon ng babae? Baka makasama iyon sa kalagayan niya!
“J-Jasmin, sandali lang… pʼwede ba akong manghingi ng isa pang chance na patunayan ang sarili ko sa ʼyo, kahit sa loob lang ng dalawang buwan? Kapag wala pa ring nangyari, ako na mismo ang lalayo sa ʼyo,” pakikiusap ni Retsel kay Jasmin. Gagawin niya ang lahat para mahulog ang loob ni Jasmin sa kapatid niyang si Lester habang nasa katauhan siya nito.
Tumango na lamang bilang sagot si Jasmin.
Matapos ang pag-uusap nilang iyon ay sinimulan na ni Retsel na suyuin nang suyuin si Jasmin. Pusong babae siya, kaya naman alam niya kung paano ito tatratuhin sa paraang magugustuhan nito. Nariyang sorpresahin niya ito habang nasa trabaho. Bigla na lang siyang dumarating doon upang bigyan ito ng kung anu-ano, tulad ng bulaklak, tsokolate, cards, stuffed toys at kung ano-ano pa. Dumating pa nga sa puntong hinarana niya ang dalaga na talaga namang ikinakilig ng mga kasamahan nito sa trabaho!
“Oh, bakit namumula ka?” tanong ng nakangiting si Retsel kay Jasmin matapos niyang haranahin ang dalaga.
“Ikaw naman kasi, e. Bakit ba pinakikilig mo ako nang ganiyan?” sagot naman nito na tinatakpan pa ng dalawang kamay niya ang sariling mukha.
Napangiti naman si Retsel nang hindi namamalayan. Nakaramdam siya ng ibayong saya nang hindi niya napapansin.
“Kinikilig din ako, Jas. Sagutin mo na kasi ako,” sabi pa ni Retsel sa sinserong tinig.
Noong una, puro lang talaga pagpapanggap ang ginagawa ni Retsel para kay Jasmin. Ngunit nang tumagal ay tila ba nagustuhan na niyaʼt nae-enjoy, lalo na nang unti-unti na niyang makilala ang babae.
“S-sige na nga. Sinasagot na kita!”
Tila may sumipa sa dibdib ni Retsel nang sabihin iyon ni Jasmin. Hindi siya makapaniwala. Sa sobrang saya niya ay nagawa niyang buhatin ang dalaga upang isandal sa pader at mahalikan… doon na nag-umpisang magkaroon ng hinala si Retsel sa kaniyang sarili.
“I-Iʼm in love with her!” pagkukumpirma niya.
Tila ba nawala ang lahat ng nararamdaman niyang kalambutan sa sarili dahil nang mga oras na iyon ay sigurado siyang isa talaga siyang tunay na lalaki!
Ngunit ang problema, paano ang kapatid niya? Minahal niya ang babaeng minamahal ng kakambal niya!
“Jasmin, may kailangan kang malaman… hindi ako si Lester, pero kakambal ko siya. Ako si Retsel…” Pagkatapos ay ipinaliwanag niya ang lahat sa dalaga.
Nagulat si Jasmin sa naging pag-amin niya. Nagalit pa nga itoʼt simula noon ay hindi na siya kinausap pa hanggang sa umuwi ang kaniyang kapatid.
“Ibig sabihin, na-in love ka kay Jasmin?” tanong ni Lester noon sa kaniya, matapos niyang umamin. Tango naman ang isinagot ni Retsel dito.
“Wow! Bro, lalaki ka na!”
Nagulat naman siya sa naging reaksyon ni Lester. “Hindi ba dapat, galit ka?” takang tanong niya.
“Bakit naman ako magagalit? Una pa lang, alam kong sa iyo may gusto si Jasmin. Ikaw ang crush noʼn at hindi ako simula pa lang noong highschool tayo. Ang ikinabigla ko lang kanina ay nang sabihin mong na-in love ka rin sa kaniya. Pero natutuwa akong malaman ʼyon,” ang nakangiti at masayang paliwanag naman ni Lester na umaming may bago na palang nililigawang babae na nakilala nito sa ibang bansa kung saan ito nagpagamot.
Matapos ang gabing iyon ay agad na sinuyong muli ni Retsel si Jasmin. Pinatunayan niya ang kaniyang pagmamahal sa dalaga na kalaunan ay mabilis din naman siyang pinatawad.
“Mahal na mahal kita, Jasmin. Kahit pa beki ako noon, sisiguraduhin ko saʼyo na gagawin ko ang lahat ngayon para maging mabuti akong boyfriend. I love you so much.”
Masaya ang lahat sa kanilang kinahinatnan kahit pa nagsimula lamang ang lahat sa kasinungalingan. Ngayon naman ay bubuuin na nila ang lahat na purong katotohanan lamang.