“Mando, nakita mo ba iyong bagong bili kong damit? Hindi ko kasi makita eh. Dito ko lang sinampay iyon pagkatapos ko labhan kagabi,” tanong ni Krisa sa asawang nagwawalis sa kanilang bakuran.
“Hindi ko nakita eh. Saka ano namang gagawin ko sa damit mo? Tanong mo kay Mamang baka sakaling naimis niya,” tugon naman ni Mando saka nagpatuloy sa pagwawalis, agad namang pumasok ng bahay ang babae upang magtanong sa kanyang biyenang abala sa pagluluto.
“Mamang, may napansin po ba kayong puting damit doon sa may sampayan kagabi? Hindi ko po kasi makita iyong bagong bili kong damit.” tanong niya dito.
“Naku hija, wala akong napapansin. Baka naman nailagay mo kung saan. Tingnan mo ulit sa damitan mo,” utos ng matanda saka nagpatuloy sa pagluluto.
“Wala po talaga Mamang eh. Kanina pa po ako naghahanap,” pagmamaktol na ng babae tila naiinis na ito.
“Aba hanapin mo ulit. Pati ba naman iyan sa akin niyo itatanong? Pambihira naman talaga kayong mag-asawa kayo o,” galit na sagot naman ng ale.
“Nakakainis na talaga itong matandang ito. Nagtatanong ng ayos eh.” bulong ng dalaga sa sarili, ngunit narinig pala ito ng matanda.
“Umayos ka Krisa ha, hindi mo na ako ginagalang, ano por que napapalamon niyo na—” hindi na pinatapos ng babaeang sinasabi ng matanda at agad nang umalis.
Apat na taon nang naninirahan ang mag-asawa sa naipundar nilang bahay. Dahil nga wala nang mag-aalaga sa nanay ng lalaki, minabuti nilang patirahin ito sa kanilang bahay upang mabantayan na rin nila. Kaya naman ito ang lagi nilang tinatanong kapag may nawawalang bagay sa kanilang bahay, maimis kasi ito at palaging naglilinis ng bahay.
Ngunit tila hindi talaga makita ni Krisa ang kanyang bagong biling damit. Inis na inis na siya pagkat hindi niya pa ito naisusuot kahit isang bes. Bukod pa dito, mahal ang bili niya rito kaya ganoon na lamang ang inis niya. Sa isip-isip niya, baka naipamigay na iyon ng kanyang biyenan sa mga apo niya, mahilig rin kasi itong mamigay ng mga gamit na makita niyang hindi ginagamit.
Nagulat naman siya nang bigla niyang narinig na napahiyaw ang kanyang asawa sa kanilang likod bahay.
“Krisa, Mahal ko!” sigaw nito, nagdali-dali naman siyang pumunta kung nasaan ang kanyang asawa at laking gulat niya nang makita ang kanyang damit na puno ng dugo sa halamanan kasama ng ilan pang damit na halos mapuno rin ng bakas ng natuyong dugo.
“B-bakit puro dugo ito? Hindi k-kaya…?” utal-utal na tanong ni Krisa, maluha-luha naman ang kanyang asawa. Bigla naman silang nakarinig ng pagbagsak ng kaldero sa kusina.
“Mamang!” sigaw ni Mando saka tumakbo sa kusina upang tingnan ang ina.
Pagpunta nila doon, nakita na nila ang matanda na nakahandusay na sa sahig. Dali-dali itong binuhat ng lalaki at isinakay sa kotse upang dalhin sa ospital. Naiwan namang tulala ang babae kusina dahil sa mga nangyari. Hawak-hawak niya pa rin ang damit niyang puno ng dugo.
Nang mahimasmasan, napagdedisyunan niyang sumunod sa ospital at doon nalaman niyang matagal na palang nagsusuka ng dugo ang matanda at itinatapon niya ang mga damit na nasusukahan niya sa likod ng bahay. Ayaw daw ng matanda na maging pabigat pa sa mag-asawa kaya raw niya ito itinago ng matagal.
“Mamang, pasensya na po kayo sa akin ha. Sorry po talaga. Sana lang po hindi kayo nagtago samin” mangiyak-ngiyak na sambit ng babae sa nakaratay na ginang. Nakatulala lang naman sa isang gilid ang kanyang asawa.
Lumipas ang isang buwan at nasa ospital pa rin ang ginang. Malaki man ang panigurado ang babayaran nila sa nasabing ospital, ang mahalaga ay unti-unting bumabalik ang lakas ng ginang.
Labis pa rin ang pagsisisi ni Krisa sa kanyang inasta sa kanyang biyenan. Naisip niyang kahit na nagiging masungit ito, dapat pala hindi siya nagmamalaki rito.
Isang araw, bigla na lamang nagsalita ang ginang habang pinupunasan siya ni Krisa.
“Krisa, anak, alam ko labis ang pagsisisi mo sa huling alitan natin. Naririnig kong umiiyak ka tuwing gabi sa gilid ko. Gusto ko lang malaman mong ayos lang iyon sakin. Itong ginagawa niyo pag-aasikaso, malaking tulong na ito.” mahinang ika ng ginang, bahagya namang napaluha sa saya si Krisa.
Hindi naman nagtagal, nailabas na ng ospital ang ginang at patuloy na nagpalakas ng katawan sa kanilang bahay. Buong puso naman siyang inalagaan ni Krisa habang nagtatrabaho si Mando.
Hindi talaga tamang dahil lang sa ating emosyon ay mambastos tayo ng nakatatanda sa atin. Mangyari lamang na intindihin na lamang natin sila dahil karamihan sa kanila ay may tinatago ng karamdaman.