“Doon nga po iyon sa pang-apat na palapag. Paulit-ulit ko na pong sinabi sa inyo kanina. Alin po ba ang hindi niyo makuha doon?” inis na sambit ni Althea sa isang customer na kanina pa pabalik-balik sa kaniya.
“Ay, pasensya na, miss. Ang pagkakarinig ko kasi pang-walo kaya pag-akyat ko doon pinababa ako,” dahilan ng customer tsaka bahagyang napakamot ng ulo. Nahihiya na rin si Althea sa ibang customer na nakapila at nakakarinig ng kanilang pag-uusap.
“Malamang po papababain kayo. Hindi naman doon ang kwarto niyo, eh,” inis pa ring tugon ng dalaga tsaka nagpipindot sa kaniyang computer.
“Oo nga, eh. Pasensya ka na, ha. Ito tip mo.” hiyang-hiyang saad ng lalaki tsaka nag-abot ng dalawang daan sa dalaga.
“Aba, dapat lang pong magbigay kayo ng tip. Sobra niyo akong na-stress ngayong araw,” pahayag pa ni Althea imbes na magpasalamat.
Kilala bilang isang istriktang taga-book ng mga kwarto sa isang hotel si Althea. Madalas kapag siya ang naka-duty talagang iniiwasan ng mga customer na mag-check in. Marami na ring nagrereklamo sa kaniya pero dahil sa magaling siya hindi siya matanggal ng kanilang manager.
Ngunit tila napatikom ang kaniyang bibig nang minsan siyang makahanap ng katapat na customer.
“Miss, ‘di ba ang room ko ay 205? Bakit pagbukas ko may tao na doon? Hindi ka ba nagkamali ng naibigay na room number?” pagninigurado ng isang ginang. Halata sa itsura ng babae na may kaya ito dahil sa pustura nito ngunit hindi nagpatinag si Althea. Sinungitan niya ito.
“Hinding-hindi po ako magkakamali. Sa tagal ko nang nagtatrabaho dito ni minsan hindi pa ako nagkamali. Baka puwede pong paki double check ‘yong pintuang pinapasukan niyo. Huwag po kayong basta-basta papasok. Nakakahiya sa ibang customer. Matuto po kayong kumatok muna,” masungit na sagot ni Althea. Bahagya namang napataas ang kilay ng ginang at sinagot ang babae.
“Sa tagal mo rin sa trabaho hindi pa rin maayos ang ugali mo. Aakyat ulit ako doon at kapag napatunayan kong nagkamali ka ipapatanggal kita dito sa trabaho. Kung hindi ka nila tatanggalin ipapasara ko itong hotel na ito. Kanina ko pa hinahanap kung saan dinala ng bell boy niyo ang mga maleta ko tapos gaganiyanin mo ako? Mukhang hindi mo ata ako nakikilala,” banta ng ginang tsaka nito inirapan si Althea at umalis.
“Bakit ako matatakot?” bulong ni Althea sa sarili tsaka tsineck ang kwartong pina-book ng nasabing ginang. Laking gulat ng babae dahil maling susi ng kwarto ang naibigay niya. Imbes na 206, ang kwartong pina-book ng ginang, ang susi sa 205 ang naibigay niya.
Hahabulin na sana ni Althea ang ginang ngunit naisip niya na mapapahiya lang siya kapag ginawa niya iyon kaya naman mas pinili niyang panindigan ang kaniyang pagkakamali at patuloy na nakipagtalo sa ginang nung makababa na ito mula sa ika-walong palapag ng hotel.
“Hanggang kailan mo ipaglalaban na tama ka? Bakit hindi mo tanggapin na nagkamali ka ng bigay ng kwarto sa akin? Mahirap bang aminin na nagkamali ka sa pagkakataong ito?” inis na inis na tanong ng ginang. Lahat ng naghihintay na customer ay nakatingin na sa kanilang dalawa.
“Tama po ‘yong binigay ko. Tapos na po ang pag-uusap natin,” matipid na sagot ng dalaga. Bakas na sa mukha nito ang kaba. Tagaktak na rin ang pawis nito sa noo.
“Ah, ganon? Tawagin niyo ang manager niyo!” sigaw ng ginang.
Halos mataranta naman si Althea sa sinabi ng ginang kaya agad niyang tinawagan ang kanilang manager. “Sir, puwede po ba kayong bumaba saglit? May nage-eskandalo pong customer dito.” bulong nito sa telepono.
Mga ilang segundo ang lumipas bago dumating ang manager. Agad nitong napansin ang nagrereklamong customer. Laking gulat ni Althea nung bumeso ang manager sa ginang. Bahagyang nag-usap ang dalawa sa isang gilid tsaka siya pinuntahan ng kanilang manager.
“Ms. Althea, malaking gulo ang nagawa mo. Isa siya sa mga investors ng hotel na ito. Ipapasara niya ito kung hindi ka magreresign,” bulong ng manager habang sinusuri nito ang computer ng dalaga. Napatungo lang sa lamesa ang dalaga dahil sa pagkagulat at sobrang kahihiyan.
Napatunayan ng manager na mali talaga ang room na na-book ni Althea.
“Althea, hindi masamang umamin sa pagkakamali. Kung umamin ka lang sana hindi ka matatanggal sa trabaho. Mas pipiliin kong huwag ipasara ang hotel kaysa ang pananatili mo dito. Sana ay maging aral sa’yo ang insidenteng ito. Maraming salamat sa serbisyo mo.” pahayag ng manager bago niya inutusan ang dalaga na ligpitin na ang mga gamit nito at umalis na sa hotel.
Mangiyak-ngiyak si Althea habang nililigpit niya ang kaniyang mga gamit. Laking pagsisisi niya sa ginawa niyang pagsusungit sa ginang na naging dahilan kung bakit natanggal siya sa trabaho.
Noong araw ding iyon ay nilapitan siya ng ginang at sinabing, “Sa klase ng trabaho mo hindi ka dapat nagtataray sa mga customer. Magpahinga ka muna at kapag sa tingin mo ay maayos na ang pag-uugali mo tawagan mo ako,” nakangiting saad ng ginang dahilan para mapaiyak ang dalaga.
Aanhin mo ang magaling na empleyado kung mabaho naman ang pag-uugali nito? Mas mahalaga talaga ang magandang pag-uugali kaysa sa kakayahang taglay ng isang tao.