Inday TrendingInday Trending
Late Ka Na Naman!

Late Ka Na Naman!

“Nakakainis naman talaga yang si Ann! Palagi na lamang late sa mga ganitong pagkakataon. Kapag talaga hindi natin naabutan yung huling bus na bibiyahe ngayon, aawayin ko talaga yan! Hindi na naman ako makakapasok sa unang subject natin! Baka ma-drop na ako!” inis na inis na reklamo ni Betty.

“Baka naman may inasikaso pa. Hindi pa rin sumasagot sa tawag eh,” sagot naman ni Danna, saka tinawagan muli ang numero ng hinihintay nilang kaibigan.

“Eh di sana sinabi niya para mauna na tayo, di ba? Hindi yung nandito tayo naghihintay na parang t*nga. Hindi pa natin alam kung dadating pa siya o hindi na!” tugon pa ng dalaga, bakas na talaga ngayon ang galit sa kanyang mukha.

“Darating yan! Hindi naman uma-absent yun eh. Baka may mga inaasikaso lang siya nitong mga nakaraang araw,” depensa naman ng dalaga.

“Ayan na! Wala na, ito na yung bus! Sasakay na talaga ako,” natatarantang sambit ni Betty saka umakma nang tumakbo, hinabol naman agad siya ng kaibigan at pinigilan.

“Hoy maghintay ka! Kawawa naman si Jessica. Hintayin na natin.” hingal na sabi ng dalaga, wala namang nagawan ang kaibigan kundi maghintay.

Dalawang taon ng makakaibigan ang tatlong dalaga. Nabuo ang kanilang pagsasamahan ng maging magkaklase sila sa kolehiyo. Ngunit tila nagkakalamat ito nitong mga nakaraang araw, dahil sa palagi na lamang silang hindi nakakapasok sa una nilang subject. Ito rin ay dahil sa palagi na lamang huli sa kanilang oras ng pagkikita si Jessica.

Maya-maya pa pagkalipas ng sampung minuto, dumating na rin ang dalaga. Humahangos ito at pawis na pawis pa. Agad naman itong ko tinarayan ng kaibigan.

“Hoy Jessica napaka pa-importante mo talaga. Nakakainis ka na! Mag-iisang linggo na tayong hindi napasok sa unang subject natin! Tapos naiwan na naman tayo ng bus!” sigaw ni Betty sa kaibigan.

“Betty, hinay-hinay lang.” saway ni Danna sa kaibigan, umirap naman ang dalaga bilang tugon.

“Naku, pasensya na talaga kayo…” sambit nito saka nagpunas ng pawis, bakas sa mukha nito ang pagod sa mukha.

“Bakit nga ba nahuli ka na naman, Jessica? Napapadalas na ha. May problema ka ba?” pang-uusisa ni Danna, bahagya namang napaisip ang dalaga habang patuloy pa rin sa pagpupunas ng pawis.

“Ah… eh, wala, wala… Ayos lang ako nahuli lang ako ng gising kanina,” tugon ng dalaga ngunit tila hindi ito mapakali.

“Napakairesponsable mo naman! Hindi mo man lang naisip na pati kami naaapektuhan.” sabat naman ni Betty, inis na inis na ito.

“Hindi naman sa ganon, Betty. Pasensya na kayo kung pati kayo naaapektuhan.” pahayag ng dalaga, medyo nangingilid na ang mga luha sa mata nito.

“Jessica, kaibigan mo kami. Galit lang ngayon iyan si Betty pero pwede mo naman sabihin sa amin kung anong problema,” alok pa ni Danna, tuluyan nang napaiyak ang dalaga, agad niya itong nilapitan at kinalma, “Ano bang problema, Jessica?” dagdag niya pa.

Doon na nagkwento ang dalaga. Napag-alaman nilang na-comatose pala noong nakaraang linggo ang nanay ng kaibigan nila. Kasalukuyan pala itong namamasukan bilang kasambahay sa kanyang tiyahin pagkatapos ng kanilang klase. Kaya rin pala ito nahuhuli sa pagpasok dahil inaasikaso niya muna ang kanyang mga nakababatang kapatid bago siya pumasok.

Labis na nagulat ang dalawa sa pagsubok na kinakaharap pala ng kanilang kaibigan. Wala silang magawa kundi yakapin ito. Labis namang nakonsensya si Betty sa galit na naipakita niya sa kaibigang lumalaban pala sa isang matinding pagsubok sa buhay.

“Pa-pasensya kana Jessica ha? Sorry kung nagpadala ako sa emosyon ko, at sa kagustuhan kong makapasok ng maaga. Tama si Danna, dapat inisip ko na baka may inaasikaso ka kaya ka lagi nahuhuli. Sorry, Jessica.” nahihiyang sambit ng dalaga, saka niyakap ng mahigpit ang dalaga, patuloy pa rin naman sa pag -iyak ang kanilang kaibigan.

Nang araw ring iyon, napagdedisyunan muna nilang lumiban sa klase at tulungan ang kanilang kaibigan na alagaan ang ina nito. Nag-isip rin sila ng mga paraan upang kumita ng pera at maipandagdag sa gamot at pagkain ng nanay nito.

“Jessica, pangako tutulungan ka namin sa abot ng makakaya namin,” nakangiting ika naman ni Betty.

Ngayon, napagtanto niya na talagang hindi kailan man magiging solusyon ang pag-init ng ulo niya sa problema ng kanyang kaibigan. Natutunan niya na rin kung paano kontrolin an kanyang emosyon.

Hindi solusyon ang init ng ulo o galit sa anumang problemang kinakaharap ng isang tao. Nararapat ring maging sensitibo tayo pagkat sa bawat ngiti na meron ang bawat tao, maaaring mayroon itong tinatagong hinagpis at puot.

Advertisement