Inday TrendingInday Trending
Pikot Ka Ngayon

Pikot Ka Ngayon

Kilala sa opisina si Maria, bukod kasi sa matalino siya, ubod pa ng ganda. Pino ang balat, magandang ilong at ang labi ay mamula-mula kahit pa walang lipstick. Grabe rin sa kinis ang kanyang kutis, artistahin. Kaya nga pila-pila ang mga manliligaw niya.

Ang problema lang, kung anong ganda ng kanyang panlabas na anyo ay siyang kabulukan naman ng kanyang kalooban. Ang tindi niyang magsalita sa mga manliligaw lalo pa kung hindi ganoon ka-gwapo ang mga ito. Ayaw na ayaw niya rin sa mahihirap.

Sa ngayon ay may isa siyang napupusuan, si Henry. Kaya lang ay hindi naman nanliligaw sa kanya ang lalaki.

“Sure ka ba dyan girl?” tanong ng kaibigan niyang si Marie. Kasalukuyan silang nasa CR ng isang bar kung saan nagkayayaan silang magkaka-opisina.

“Oo naman, ngayong gabi. Akin yan si Henry, tapos next week ay Mrs. Lagdameo na ako. Wait ka lang dyan,” sabi niya at sinundan iyon ng malanding tawa.

Ka-opisina niya ang lalaki. Gwapo ito, matalino at ayon sa pag-oobserba niya ay mayaman. Mamahalin kasi ang mga kagamitan at may kotse pa. Nakakapikon nga lang kasi kahit na anong pagpapapansin ang gawin niya ay walang epekto rito. Tahimik lang ito palagi at tila ba may pader na kay hirap gibain.

“Paano mo gagawin aber? Kita mo ngang hindi nangangausap ng kahit na sino,” buska ng kaibigan niya.

Tinaasan niya ito ng kilay, “Don’t dare me, Marie. I always get what I want. Pipikutin ko.” simpleng sabi niya tapos ay lumabas na.

Nadatnan niya nga sa table ang lalaki na tahimik lang habang ang iba nilang kasama ay sumasayaw na sa dance floor.

“Ganyan ka ba talaga lagi?” bungad niya. Napapitlag naman ang binata.

“H-Hi, oo. Hindi ako masyadong mahilig makipag-socialize.” wika nito.

Inabutan niya ito ng isang basong alak. “O,”

Dahil ayaw naman siyang mapahiya nito ay ininom nito iyon, kasunod ay nagsalin rin si Maria sa parehong baso at tumungga.

“Huy!” gulat na sabi ni Henry.

Natatawa siyang tumingin rito, “Bakit? Baliw ka talaga. Parang ito lang eh. Hindi ka siguro sanay sa inuman. O ito pa, para masanay ka.” sabi niya at inabutan ito ulit.

Nang tingnan lang siya nito ay kumuha na si Maria ng ibang baso at doon nagsalin. Pinainom niya nang pinainom ang lalaki hanggang sa lango na ito.

“Akoh nang bahala sah kanya, hik!” wika niya sa mga kasamahan.

Dinala niya sa kanyang apartment si Henry, huhubaran niya na ito ng damit nang biglang magring ang kanyang cellphone. Bwisit na nanay niya ang tumatawag.

“Ku-kumustahin lang sana kita anak-“

“Mamaya kana tuhmawag! Ihstorboh ka talagang hayop kah e, hik!” sagot niya rito at ibinaba na ang telepono.

Nakakainis talaga ang nanay niya, iniwan niya na nga sa probinsya at nagsisimula na siya ng masayang buhay rito sa Maynila ay tawag pa nang tawag ang gaga. Hindi nadadala sa ilang beses niyang pagmumura rito.

Napangiti lang siya ulit nang sulyapan ang tulog na tulog na binata sa kanyang kama.

“Lagot ka ngayon sa akin,” makahulugang sabi niya.

Matagumpay na naisagawa ng babae ang kanyang balak. Pinilit niya talaga na may mangyari sa kanila ng lalaki kahit lupaypay na ito. Mas maganda kasi talaga kung mabubuntis siya.

Kinabukasan ay nagising sa isang malakas na sigaw si Maria, napabalikwas siya pero napangiti rin naman nang makita ang gising na pero aburidong si Henry.

“Anong ginawa mo?” wika nito, halos masabunutan na ang sarili.

“Ikaw naman baby boy, may nangyari sa atin. Kunwari ka pa, gusto mo rin naman diba? Kaya lang Hens, strict ang parents ko eh. Kailangan nating magpakasal,” wika niya. Umakto pa siyang naduduwal, “Oh my God.. fertile nga pala ako kagabi,”

Lalong namroblema ang mukha ni Henry, “No no no..” bulong ulit nito.

Nainsulto nang bahagya si Maria, “Grabe ka namang maka-No! Ano ba ang problema? Ginusto naman natin pareho. Hindi naman kita ide-demanda basta pakasalan mo ako!” tumaas na nang konti ang kanyang boses.

“You don’t understand.. I’m, I’m g*ay Maria.”

Natulala ang babae.

Sh*t, kaya ba ganoon nalang ito kung makaiwas sa mga kadalagahan? Pero sa halip na umatras ay isang sakim na ideya pa ang pumasok sa isipan niya.

“Lalo mo akong dapat na pakasalan. Dahil kung hindi, ipagkakalat ko ang baho mo.” pananakot niya. Aba hindi bale na, gwapo rin naman kaya pwede nang pang-rampa. Ipang-iinggit niya lang. Bukod doon, mayaman ang lalaki kaya walang tapon. Ayos na iyong maligo siya sa pera kahit bekimon ang asawa niya diba?

Tiningnan siya nang mataman ni Henry, “Kung gusto mong magpakasal wala namang problema. Ang totoo niyan, di ko akalain na may mag-aalaga pa sa akin.” wika nito.

Napangisi ang babae, madali naman palang kausap. “Yan, kung ganyan lang ba eh. Kailan natin aayusin ang kasal?”

“May..may kailangan ka munang malaman sana.” tila may takot sa mga mata nito.

“Ano na naman? Ang dami mong lihim! Una, paminta ka, o ano pa ngayon?” nawawalan na ng pasensyang sabi niya pero laglag ang panga niya sa sunod na ipinagtapat ng lalaki.

“Positive ako sa A*IDS. Nung..nung isang buwan ko lang nalaman. Ang totoo nga ay magre-resign na dapat ako.” nakatungong sabi nito habang yumuyugyog ang mga balikat tanda ng pag iyak.

Halos mangatog naman ang buong katawan ni Maria. Parang puputok ang ulo niya sa ipinagtapat ng lalaki.

Dali-dali siyang nagbihis at umalis sa lugar na iyon. Dumiretso siya sa pinakamalapit na ospital upang magpacheck up kaya lang sabi ng nurse ay matagal raw lalabas ang resulta. Minsan nga 6 months pa bagong tuluyang kakalat sa katawan kung sakali.

Nakatanggap siya ng mga text mula kay Henry pero di niya na ito sinasagot.

Sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang matagal na panahon ay pumunta siya sa simbahan. Parang bumalik sa balintataw niya ang lahat ng kasamaang pinagsasabi niya hindi lang sa mga manliligaw kundi sa kanyang ina. Taimtim na humingi siya ng tawad.

“Lord, kung ito na po ang karma ko. Maiintindihan ko ho. Pero bigyan Ninyo pa sana ako ng pagkakataon na makabawi sa lahat ng nasaktan ko,” humihikbing sabi niya.

Nagpaalam siya sa trabaho at umuwi sa probinsya, paluhod na humingi ng tawad sa nanay niya. Totoo nga na ang tao kapag nagigipit, bumabait.

Tila nakita naman ng Diyos ang kanyang pagsisisi kaya himalang nag-negative siya nang lumabas ang resulta. Gayunpaman, itinuloy niya na ang pagpapakabuti. Wala na siyang balita kay Henry dahil nag-resign na ito.

Kadalasan talaga, dinadagukan lang tayo ng Panginoon upang ipaalala na naliligaw na tayo ng landas. Basta kumapit lang sa Kanya at magsisi, wala naming imposible.

Advertisement