Isang taon na ang nakalipas mula nang lumipat sa tapat ni Aling Maring ang mag-asawang Benjo at Adelyn. Walang anak ang mga ito. Pareho namang may itsura at mukha ring maganda ang trabaho ng mister dahil may kotse pa. Habang ang misis naman ay huwaran at nasa bahay lang kaya nga lahat sila lalo na ang mga kumare niyang kapwa niya tsismosa ay windang na windang sa kanilang nasaksihan.
May lalaki si Adelyn!
Ang matindi pa ay parang walang pakialam ang mister nito. Kadalasan nga ay sabay pang umuuwi ang dalawang lalaki at masayang sinasalubong ng misis.
“Anong ulam, Ady?” naulinigan nilang tanong ni Benjo nung minsang pagbuksan ito ni Adelyn ng gate. “Adobo,” sabi ng babae. Nginitian rin nito ang kalaguyo na ang pangalan pala ay Mel.
“Favorite mo pala, Mel,” sabi ni Benjo. Pagkatapos ay pumasok na ang tatlo sa loob ng bahay.
Iiling-iling sina Aling Maring. “Grabe, iba na ang panahon ngayon! Kung kay Sir Raffy Tulfo may lalaking pinagsasabay ang dalawang babae, aba, kakaiba itong si Adelyn! Lintik ang kating taglay sa katawan,” saad ni Aling Maring.
“Kawawa naman iyang si Benjo. Siguro ay ganoon kamahal ang misis. Wala na lang magawa kaya pumayag na may kahati,” sabi ni Aling Cita, kumare ni Aling Maring.
“Oo nga. Ito namang si Adelyn walang konsensya! Sa iisang bubong pa talaga pinatira. Naku, baka kamo hindi iyan ang unang beses na nanlalaki iyan. Napagod na ang mister kaya ayan nakisakay na lang. Nakakadiri, ang baboy,” sagot ni Aling Maring. Medyo malakas pa ang boses. Walang pakialam kung marinig siya ng tatlo.
Makalipas ang ilang buwan ay pumutok ang balitang nasa ospital si Adelyn at may malubhang sakit. Nagdiwang ang mga tsismosa dahil sa tingin nila ito na ang karma ng nito.
Nang umuwi ang babae sa bahay ay naka-wheelchair na ito at nakabalot ng tela ang ulo, tanda na wala na itong buhok. Ang bulong-bulungan ay may k*nser si Adelyn.
“Ayan, ang landi landi kasi. Ang tindi ng karma ano, mare?” parinig ni Aling Maring. Sinadya talaga nila ng kumare niya na tumayo sa tapat ng hardin kung saan nagpapahangin ang may sakit na babae.
“Oo, swerte nga kasi mabait ang mister. Kung ako ‘yan iiwan ko na iyan ano! Tulad ng ginawa nung kabit niya. Mel ba iyon?” segunda naman ng kaniyang kumare.
Totoo iyon. Mula nang magkasakit ito ay ‘di na nila namataan pa ang kalaguyo sa bahay. Ganoon talaga. Wala na kasing pakinabang kaya iniwan na.
Tahimik lang naman si Adelyn at iniiwas na lamang ang tingin. Buti na lang ay dumating si Benjo at itinulak na ang wheelchair niya papasok sa loob.
Isang linggo pa ang lumipas, pumanaw na ang babae. Siyempre ay isa si Aling Maring sa kunwaring nakiramay pero ang totoo ay makikiusyoso lang naman kung babalik pa ang kabit ng pumanaw. Gabi-gabi ay present sila sa burol. Hanggang sumapit ang araw ng libing pero wala. Ni anino ni Mel ay wala.
Nasa simbahan na sila at gaganapin na ang huling misa nang lapitan ni Aling Maring si Benjo.
“Nakikiramay ako, ha, Benjo. Kaya lang alam mo blessing in disguise na rin iyan. Hayaan mo na. Baka karma niya ‘yan kasi pinagsabay niya kayong dalawa. Tignan mo ang kabit iniwan siya nang magkasakit na. Pero ikaw nandiyan ka pa rin at nag-alaga pa. Sa iyo ang balik niyan kasi mabait ka.” wika niya.
Hindi naman makapaniwalang tinignan siya ng lalaki. Nagluluksa na nga ito ay nakuha pa niyang magpatutsada.
Nang tawagin si Benjo sa unahan para sa huling mensahe nito sa misis ay nanlalaki ang tenga ng mga tsismosa sa kakapakinig.
“Magandang hapon ho. Gusto ko muna hong magpasalamat sa lahat ng dumalo at nakiramay sa akin sa masakit na pagkakataong ito. Bago ho… Bago ho mamaalam si Adelyn may gusto lang ho akong ipagtapat,” wika ng lalaki pagkatapos ay sunud-sunod nang pumatak ang luha nito.
“Ady, para sa’yo ito. Alam kong matagal mo nang gustong gawin ko ito pero wala akong lakas ng loob.” sabi ulit nito. Tumingin pa ito sa langit at parang kinakausap ang misis.
Kumunot ang noo nila Aling Maring at nagkatinginan.
“Ma, Pa, sa lahat ho na nandito. Binabae ho ako.”
Napuno ng bulong-bulungan ang buong simbahan. Maging ang pari ay hindi maiwasang mapatingin. Pero nilakasan ng lalaki ang loob niya. Tuloy lang siya sa pagsasalita dahil alam niyang ginagabayan siya ng misis niya.
“Bata pa lang ako alam ko na. Ang best friend kong si Adelyn, siya lang ang pinagsasabihan ko. Kaya lang hindi puwede, eh. Hindi ako matatanggap ng pamilya ko. Tapos nitong, nitong nakakahalata na sila si Ady pa mismo ang nagsabi na magpakasal kami para mawala ang mga hinala.
Tumanggi ako noong una dahil ayaw ko namang itaya ang kinabukasan niya para sa akin pero nagtapat siyang mahal niya ako at handa niyang tanggapin ang lahat. Bukod doon may… May taning na ang buhay niya. Dati niya pa alam na may sakit siya at nais niya raw maging maligaya man lang kahit sa mga huling sandali. Sinalo ni Adelyn ang lahat ng panghuhusga at tsismis na may lalaki siya kahit na ang totoo ako iyon. Ako ang may lalaki. Nobyo ko si Mel.”
Napahagulgol na nang tuluyan si Benjo.
Parang bomba namang pumutok ang katotohanan sa mukha nila Aling Maring. Sinampal sila pabalik ng lahat ng masasamang sinabi nila sa babae noong nabubuhay pa ito. Tulala sila ng mga kumare niya at tigib ng luha ang mga mata.
Namalayan na lang nila na niyayakap na ng pamilya nito si Benjo dahil halos maglupasay na ang lalaki sa unahan.
Nung oras na para isa-isa nang magbigay ng bulaklak sa unahan ang lahat ng nakiramay ay halos hindi nila matignan si Adelyn. Hiyang-hiya silang naglagay ng rosas sa ibabaw ng ataul nito.
“Ady, sorry.” bulong ni Aling Maring.
Kasunod noon ay lumuhod sila sa harap ng Diyos at taimtim na nanalangin. Humingi sila ng tawad sa lahat ng kanilang nagawa.
Laging tandaan na walang karapatan ang kahit na sino na manghusga sa kapwa. Tanging Diyos lamang dahil Siya ang nakakaalam ng lahat.