Sawang-sawa na si Rosalyn sa asawa niyang napaka-mama’s boy! Pati na naman kasi pambili nang gatas ng anak nila ay ipinagpapaalam pa nito sa ina, pambiling ulam ay hinihingi pa niya sa ina, dahil hindi naman siya ang naghahawak sa sahod ng asawa kundi ang ina nito!
“Maghiwalay na tayo, Kevin. Pagod na pagod na ako sa pagiging mama’s boy mo! Kada-galaw na lang natin ay dapat ipaalam pa natin sa nanay mo! Kailan ka ba aalis sa palad ng nanay mo, Kevin? Isipin mo may anak at asawa ka na,” sigaw niya sa asawa.
“Ano bang masama do’n, Rosalyn? Siya ang nanay ko kaya siya ang may hawak ng ATM ko. Binibigyan ka naman niya kapag may kailangan sa bahay ah?” sambito nito.
“Ewan ko sa’yo! Bakit mo pa ako pinakasalan kung iyong nanay mo lang naman ang susundin mo? Sana siya na lang ang pinakasalan mo,” singhal niya. “Malaki ka na at hindi ko na dapat pang ipaliwanag sa’yo kung bakit naiinis ako ngayon. Maghiwalay na tayo! Uuwi ako ng Cebu kasama ang anak ko bukas! Suportahan mo na lang ang anak natin,” iyon lang at tinalikuran na niya ang asawa.
Tatlong taon na silang nagsasama ni Kevin, manager ito ng isang sikat na fastfood chain. Kung tutuusin ay magaan naman ang buhay nila noong wala pa silang anak, kahit wala sa kaniya ang ATM ng asawa ay ayos lang. Wala naman siyang pinagkakagastusan ng malaki noon at may sarili siyang trabaho. Pero ngayong may anak na sila ay nahirapan na siya dahil kinailangan pa niyang pumunta sa bahay ng biyenan upang manghingi ng pera pambili ng mga kailangan ng kaniyang anak.
Simula’t-sapol pa lang ay hindi na siya gusto ng biyenan niyang babae para sa anak nito, dahil wala daw siyang pinag-aralan samantalang ang anak nito ay graduate ng koliheyo. Pero kahit na hindi siya gusto ng mga magulang ng asawa ay ipinaglaban nila ang kanilang pag-ibig, dahil mahal na mahal nila ang isa’t-isa, pero nakakasawa din pala ang magmahal ng lalaking nakatali pa rin sa palda ng kaniyang ina.
Nag-empake na siya at hinanda ang lahat ng gamit na kakailanganin sa pag-alis nila ng kaniyang anak. Wala silang kinabukasan kay Kevin hangga’t hindi nito kayang tanggalin ang tali sa beywang ng ina.
Kinabukasan ay pinuntahan siya ng kaniyang beyanang lalaki.
“Rosalyn, sabi kasi ni Kevin ay aalis ka na daw at nakikipaghiwalay sa kaniya? Kinuhanan ka na niya ng ticket nakahanda na ba ang mga gamit na dadalhin niyo ni Brix?” mataray na tanong ng biyenan.
“Opo. Nakahanda na ang lahat,” pursigido niyang sagot. Lalo siyang nadismaya sa asawa dahil hindi man lang nito sinubukan pigilan siya. Mas nanaisin pa nitong mawala sila kaysa makawala ng tuluyan sa ina.
“Halika na ihahatid ka na namin sa airport,” alok ng biyenan na agad namang niyang pinaunlakan.
Bitbit niya ang mga gamit na dadalhin nila ng kaniyang anak kaya ipinakarga niya muna ito sa tiyahin ni Kevin. Ngunit nang nasa sasakyan na siya’y hindi sumunod ni Tessie kaya siya nagtaka.
“Teka lang Pa, nasaan si tita? Nasa kaniya ang anak ko,” naguguluhang tanong ng babae.
“Ahh, nasa kabilang sasakyan sila, Rosalyn. Nakasunod naman sila sa’tin,” paninigurado ng lalaking biyenan, kaya nakahinga siya ng maluwag. Wala sa isip niya ang duda at takot dahil ang buong akala niya’y napagkakatiwalaan ang pamilya ni Kevin. Ngunit iba ang daang tinatahak ng sasakyan nito kaya muli siyang nagsalita.
“Pa,hindi naman po dito ang daan papuntang airport,” pag-aalalang sabi niya, ngunit hindi na ito sumagot pa. Kinakabahan na siya!
Mayamaya lang ay huminto ang sasakyan sa loob ng isang malaking gusali. At ang sasakyang nakasunod sa likuran nila kanina ay dali-daling bumaba ang lulan niyon. Hindi niya kilala ang mga taong biglang lumapit sa kaniya at tinaliaan ang kamay niya ng puting tela sabay karga sa kaniya patungo sa loob. Imbes na sa airport siya dalhin ay dinala siya ng kaniyang beyanan sa Madaluyong Mental Hospital!
Nagpumiglas siya at nagwala. Nang biglang may lumapit sa kaniyang nurse at may tinusok sa kaniyang hindi niya alam, basta bigla na lang siyang nanghina at nawalan ng malay. Pagkagising niya ay mga baliw na ang kaniyang kasama.
“Mga walanghiya! Mga manloloko! Mga traydor!” sigaw niya habang humahagulhol. Hindi siya baliw! Pero bakit siya pinasok sa mental?
Isang linggo din siyang nanatili sa loob ng mental at salamat sa Diyos dahil may kaibigan siyang tinawagan at agad naman siyang tinulungan nito upang makalabas.
Gusto niyang magsampa ng kaso kaya humingi siya ng tulong sa public attorney kung ano ang dapat niyang gawin upang makuha ang anak at para makamit na rin ang hustisyang ginawa ng pamilya ni Kevin sa kaniya. Sinunod naman lahat ni Rosalyn ang lahat ng sinabi ni Atty. Arsolon ang kaniyang naging abogado.
Nagpa-check-up siya sa isang psychiatric doctor sa dalawang malaki at kilalang ospital sa Maynila upang mapatunayan na hindi siya baliw. Dumulog siya sa DSWD upang matulungan siyang makuha ang anak na naging dahilan kaya sinabi ng mga itong baliw siya, upang hindi niya madala ito. Kakasuhan pa sana niya ang ginawa ng biyenang lalaki sa kaniya, ngunit hindi na niya ginawa.
“Suportahan niyo ang anak namin ni Kevin, twenty thousand kada-buwan maliban do’n ay paghahatian namin ang gastos sa pag-aaral ni Brix. Iyon na lang ang hihilingin ko attorney at hindi ko na itutuloy ang kaso.
ipagpapasa-Diyos ko na lang ang ginawa nila sa’kin basta ang mahalaga ay ang kapakanan ng anak ko. Gusto ko na lang mabuhay nang tahimik, dahil mula nung minahal ko ang anak nila’y hindi na naging tahimik ang buhay ko,” madamdaming pahayag ng babae.
Kahit nagrereklamo ang ina ni Kevin dahil sa laki nang hinihingi niyang supporta ay walang nagawa ang mga ito kundi ang sumang-ayon na lamang sa kaniyang kondisyon. Kung hindi sana siya dinaan ng mga ito sa dahas ay baka naawa pa siya sa pagpapaawang ginawa ng biyenang babae na babaan ng kaunti ang nais niyang suporta. Kaso dinaan siya ng mga ito sa dahas kaya ngayon ay binabalik niya lang ang naranasan niya sa mga ito.
Nakauwi na sila ng Cebu ni Baby Brix at buwan-buwan nga siyang nakakatanggap ng sustento para sa kaniyang anak. Tahimik na ang buhay nila ng anak niya at masaya na siya sa kabila ng mga pagsubok na naranasan mula nung minahal niya si Kevin.
Kakayanin niya ang lahat mapalaki lang ng maayos ang anak. Hindi naman niya ito ipagdadamot kay Kevin, ayaw niya lang na lumaki ang kaniyang anak na nakikita ang pagiging mama’s boy ng ama nito. Mahirap magmahal ng lalaking hindi pa nakakawala sa pagkakatali ng ina, wala kang kalayaang magdesisyon para sa sarili mong pamilya dahil kontrolado ng mga beyanan nito ang lahat.