Inday TrendingInday Trending
Wala Kang Karapatang Mabuhay

Wala Kang Karapatang Mabuhay

“Bakit ka pumasok sa law school? Bakit mo gustong maging abogado?” tanong ng guro sa dalaga. “Gusto ko ho kasing makulong ‘yong mga taong walang kwenta, kriminal at mga walang awang pumap*slang ng buhay. Nais ko rin pong ibalik ang de*th penalty sa Pilipinas,” sagot ni Thea sa propesor.

“Baka naman hindi pagiging abogado ang gusto mo. Baka gusto mong maging senador. Pero kung ano man ‘yang mabigat na pinagdadaanan mo sana ay magamit mo ito para maging mahusay kang abogado pero ‘yon ay kung makakapasa ka sa subject ko,” biro ng guro kay Thea.

Malinaw pa sa memorya ni Thea ang mga tanong na iyon sa kaniya noong unang araw ng pasukan at ngayong nasa huling taon na siya ay hindi pa rin nagbabago ang damdamin at disposisyon ng dalaga sa buhay.

“P*tang ina! Hindi ako papayag na makalaya ‘yong animal na ‘yon, tita! T*ngina!” galit na pahayag ni Thea sa telepono.

“Pasok na raw kasi siya sa parole, anak,” sagot ni Aling Mindy sa kaniyang pamangkin.

“Sisiguraduhin kong maibabalik siya sa kulungan, tita. Ako mismo ang magtatapon sa kaniya sa bilangguan at duduraan ko siya nang paulit-ulit! O ako na lang mismo ang tatapos sa buhay niya!” galit na galit ang dalaga habang sinasabi ito sa kaniyang tiyahin. Nakakuyom ang mga palad nito at namumula na rin ang buong mukha nito.

Ibinaba ni Thea ang telepono tsaka siya huminga ng malalim.

“Ma, hindi ako papayag na makalaya ang p*tang inang ‘yun,” bulong niya sa hangin sabay pikit at sinariwa niyang muli ang malagim na alaala.

Pitong taong gulang pa lamang si Thea noon at kakatapos lamang niyang manood ng pelikula kasama ang kaniyang mga magulang. Sama-sama silang naglatag sa salas at doon na rin sila natulog.

Ngunit nagbago buhay ng masaya nilang pamilya nang pusukin ang kanilang bahay ng isang magnanakaw. Bago pa man magising ang kaniyang ama ay nakatali na silang tatlo.

Namulatan niyang hinah*lay ang kaniyang nanay habang duguan naman ang kaniyang ama na may busal sa bibig, umiiyak at walang magawa. Siya naman ay may tali ang mga kamay at paa, may tape ang kaniyang bibig na siyang dahilan kung bakit hindi siya makasigaw.

“Papa Jesus, please, gisingin mo na ako,” paulit-ulit na ibinubulong ni Thea sa kaniyang isipan. Alam niyang binabangungot lamang siya sa pagkakataong iyon at kapag nanalangin siya ng mabuti sa Diyos ay magigising na siya.

Ngunit kitang-kita ng kaniyang mga mata kung paano pinagsas*ksak ng lalaki ang kaniyang mga magulang lalo na ang kaniyang ina habang hinah*lay ito.

Hindi lubos maisip ng dalaga kung paano niya nalampasan ang yugto ng buhay niyang iyon dahil natapos ang buong gabi at nakatulog siya sa kakaiyak. Nagising na lamang siya sa ospital. Totoo pala ang lahat. Wala na ang kaniyang nanay at tatay.

Lumaki si Thea sa kalinga ng kaniyang tiyahin na si Aling Mindy at kinalakihan din niya ang paulit-ulit na therapy. Kahit papaano ay natutunan niyang mamuhay ng normal at nakapag-aral ng maayos.

Ngunit hindi nawala sa kaniyang puso ang poot at galit. Wala siyang ibang hiniling sa araw-araw ng kaniyang buhay kung ‘di ang mawala na rin sa mundong ibabaw ang taong sumira ng buhay niya, ng pamilya niya.

Makalipas ang isang buwan ay tuluyan na ngang nakalaya si Robin, ang kriminal na tumapos sa buhay ng kaniyang mga magulang.

“Bessy, alam mo tigilan mo na muna ‘yong revenge mo kasi baka hindi ka ma-admit sa bar niyan o baka hindi ka na makapasa sa law school kasi mas inuuna mo pa ‘yong pagplaplano kung paano ulit ibabalik sa kulungan ‘yong lalaki,” saad ni Jemima, ang matalik na kaibigan ng dalaga.

“Kaya nga ako nag-aral ng abogasya kasi gusto kong mabulok siya sa kulungan. Tapos ngayon lalaya siya? Mabubuhay siyang normal na tao? Kahit makipagkasundo ako kay Satanas mapat*y ko lang siya ay gagawin ko,” baling ni Thea sa kaibigan.

“Grabe talaga, grabe talaga ‘yong galit mo! Alam kong sobrang bobo ko kapag sinabi kong kumalma ka pero malay mo naman kasi kung talagang nagbago na ‘yong tao. Kaya nga nabigyan ng parole, ‘di ba? Tsaka ang Diyos nga nakakapagpatawad, ikaw pa ba?” sabi ni Jemima sa kaibigan.

“Huwag mo na lang akong kausapin kong ganiyan lang ang mapapayo mo sa akin. Isa pa, walang Diyos, Jemima! Wala!” galit na wika ni Thea at tsaka siya umalis.

Nagtanung-tanong si Thea kung saan maaaring makabili ng baril. Ang halaga ng baril na kaniyang nabili ay halos katumbas na ng pangmatrikula niya sa isang semestre pero buo na ang loob niyang ilagay ang batas sa kaniyang mga kamay.

Halos isang linggo nang minamanmanan ni Thea si Robin at napapadura na lamang dahil palagi itong nagpupunta ng simbahan.

“Porke’t naka-parole kailangan mong magbanal-banalan? Ul*l ka! Halang pa rin ang kaluluwa mo!” isip-isip ng dalaga.

Walang ibang ginagawa ngayon si Thea kung ‘di planuhin kung paano niya mapagtatagumpayan ang kaniyang balak. Sinusundan at minamanmanan niya si Robin. At habang tumatagal ay mas lalong tumitindi ang kaniyang galit. Ngunit saglit siyang napahinto nang dalawin ng lalaki ang puntod ng kaniyang mga magulang.

Nagpangap siyang umiiyak sa kabilang puntod nito para hindi siya mapalayo sa lalaki. Hindi naman siya nakikilala nito dahil kahit minsan ay hindi siya dumalaw sa kulungan.

“Ma, bakit niyo ako iniwan?” malakas na hagulgol ni Thea sa puntod na hindi naman niya kakilala. Mas nilakasan pa niya ito hanggang sa makuha niya ang atensyon ni Robin.

“Kapag tumingin ka sa akin babarilin na kita,” isip-isip ni Thea habang mahigpit ang kaniyang pagkakayakap sa kaniyang maliit na bag na naglalaman ng baril.

“Nakikiramay ako, hija,” sabi ni Robin. Napakalalim ng boses nito na siyang mabilis na nakapagbigay ng kilabot sa kaniyang buong katawan. Uminit kaagad ang kaniyang kalamnan at biglang nabuhay ang malagim na nakaraan.

“Pasensya na ho kayo sa pag-iyak ko. Miss na miss ko na ho kasi ang mga magulang ko,” saad niya sa lalaki.

“Magulang niyo ho ba ‘yan?” dagdag na tanong niya sa lalaki. “Sila ba? Hindi. Hindi ko sila kaano-ano pero napakalaki ng atraso ko sa kanila. Kahit pa nga yata mamat*y ako ay hindi ako makakabayad sa kanila,” malungkot na wika ni Robin.

Hindi nakapagsalita si Thea. Hindi niya inaasahan ang sagot ng lalaki.

“Grabe ‘yong impluwensya ng dr*ga sa aking katawan noong nilooban ko ang mag-asawang ito. Hindi lang pagnanakaw ang nagawa ko kung ‘di tinapos ko mismo ang mga buhay nila sa paraang puwede ko ng palitan si Satanas sa impiyerno,” pag-amin ni Robin.

“Tapos may anak sila na hanggang ngayon ay hindi ko pa nakikita. Gusto kong lumuhod at humingi ng tawad pero alam kong hindi magiging sapat ‘yon para ibalik ang buhay ng mga magulang niya. Siya nga pala, hija, isa akong ex-convict. Nakalaya na ako at nagbago kaya sana huwag kang matakot sa akin,” dagdag pa ni Robin habang nakatingin sa malayo.

“Paano kayo nakalaya kung ganun pala kabigat ang krimeng ginawa niyo?” tanong ni Thea at medyo garalgal na ang kaniyang boses. Parang babagsak na ang kaniyang mga luha ano mang oras. Hindi niya alam kung dala ba ng galit o awa o ano pa man.

“Ah, naka-parole lang ako tsaka malapit na rin akong mamaalam dito sa mundo. Nakiusap nga lang akong makalaya dahil gusto kong hanapin ‘yong anak ng pamilyang sinira ko,” sagot ng lalaki.

“Ho? Ano hong ibig niyong sabihin?” naguguluhang tanong ni Thea.

“Mga dalawang buwan na lang daw ang itatagal ko, k*nser. Sana bago man lang ako kuhanin ni Satanas ay magkita kami nung batang hinahanap ko. Gusto kong marinig ang sigaw niya, ang hinagpis niya, ang galit niya dahil alam kong hindi magiging sapat ang lahat para mapatawad niya ako. Pero sana huwag niyang hayaang mabuhay siya sa galit. Baunin niya ang kasalanan ko at maging matagumpay sa buhay,” pahayag ni Robin sabay punas ng kaniyang luha.

Mabilis na tumakbo palayo si Thea. Umiyak ito nang umiyak. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang narinig. Parang pinatakan ng kandila ang kaniyang puso dahil sa sobrang sakit.

“Bakit ganito? ‘Di ba dapat masaya ako kasi mawawala na siya? Pero bakit ganito ang nararamdaman ko? Bakit ang sakit sakit?” sigaw niya.

Mabilis na itinapon ni Thea ang baril at umuwi siya sa kanilang bahay. Sinulatan niya si Robin at doon niya sinabi ang lahat ng sama ng loob niya sa lalaki.

“Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pagpapatawad sa ginawa mo. Pero katulad ng sinabi mo gagamitin ko ang galit na ito para maging matagumpay sa buhay.” Sulat ng dalaga sa huli.

Hindi nagtagal ay nabalitaan ni Thea na pumanaw na nga si Robin. Bumalik siya sa pag-aaral at ngayon ay isa na siyang magaling na abogado.

Advertisement