“Oy! Oy! Nandito na pala ang kumpare nating si Andres!” sigaw ni Dante, isa sa mga nadaanan ni Andres na nag-iinuman sa tapat ng isang bahay. “Shot ka muna dito, Pare! Sige na, kahit isa lang, oh!” alok muli ng lalaki.
Sinagot lamang sila ng ngiti ni Andres at isang tango ng kanyang ulo. “‘Wag mo naman akong pahiyain, pare! Isa lang naman!” muli niyang paanyaya.
“Pass muna ako, mga pare,” tugon ng ginoo saka saglit na huminto sa mga nag-iinuman. “Kagagaling ko lang kasi sa trabaho, eh. Hindi pa ako naghahapunan baka sikmurain ako,” tangkang pag-iwas ni Andres sa pag-inom ng alak.
“Sikmurain ang tiyan mo o sikmuraan ka ng misis mo?!” kantiyaw ng isa sa mga lalaking nag-iinuman. Nakitawa na lang si Andres bilang pakikisama.
“O siya, mga pare. Uuuwi na ako, ha. Enjoy na lang kayo diyan!” nakangiti niyang paalam sa mga ito.
Sa kanyang pagtalikod ay patuloy pa rin ang pangangantiyaw sa kanya ni Dante at kanyang mga kainuman.
“Iyang si Andres, masyadong bahag ang buntot niyan sa asawa niya. Takusa, kalalaking tao!” wika ni Dante.
“Anong takusa, pare? Hapon ba ‘yun?” pagtataka naman ng isa pang lasing. “Takot sa asawa, b*bo!” sabay halakhak ni Dante. “Ibig sabihin ander da saya!” nagpatuloy ang halakhakan ng mga ito.
Naririnig naman sila ng ginoo sapagkat hindi pa siya nakakalayo. Pagpasok ni Andres sa bahay ay agad naman siyang sinalubong ng kanyang asawang si Melda.
“Abot hanggang dito ang usapan ng mga lasing na ‘yon! Kinakantiyawan ka na naman ba ng mga ‘yon?” tanong ni Melda sa asawa.
“Pabayaan mo na sila, Mahal. Mga lasing na ‘yung mga ‘yun. Talo ka kapag pumatol ka,” tugon ni Andres habang nag-aalis ng sapatos.
“Tara na sa loob, Mahal. Kumain na lang tayo. Nagugutom na ako, eh. Ito nga pala may dala akong pansit,” sabay abot ng isang supot ng pansit sa asawa.
Laging tampulan ng tukso itong si Andres hindi lamang sa kanilang lugar pati na rin sa kaniyang opisina. Kilala kasi ang ginoo bilang isang ander da saya o yung mga haligi ng tahanan na mabilis tumiklop sa takot sa kanilang misis. Ngunit kahit tampulan ng tukso at pangangantiyaw ay hindi naman umiimik si Andres.
Minsan laman siya ng usapan sa opisina. “Kakarating mo lang ng opisina, nakatawag ka na agad sa asawa mo,” sambit ng isa niyang kasamahan. “Siguro mapaghinala ang asawa mo, ano? Iniisip kung saan ka nagpunta kaya kailangan mong sabihin at patunayan na narito ka na sa opisina,” dagdag pa ng kaopisina ng ginoo.
“Hindi naman,” natatawa niyang sagot. “Hindi naman ako kaguwapuhan para paghinalaan pa ako ng asawa ko. Saka nasa kanya ang lahat ng sahod ako, paano pa akong makakapagloko?” biro niya. “Tumatawag lamang ako sa asawa ko kasi ayaw kong mag-alala pa siya, mahaba-haba rin kasi ang byahe papunta ko rito sa opisina mula sa bahay namin,” paliwanag niya.
“Naku! Pinagtatakpan mo lang ‘yang asawa mo kasi nahihiya kang aminin na takusa ka at leon naman ang asawa mo!” kantiyaw muli ng lalaki. Ngingisi-ngisi lamang si Andres at nakikitawa tuwing ganito na ang usapan.
Isang araw, pinagtatawanan siyang muli ng mga nag-uumpukang mga tsismosa sa labas ng bahay nila. Wala kasing pasok si Andres kaya siya ang nagsasampay ng mga nilabhang damit ni Melda.
“Hoy, Andres! Bakit hindi na lang ‘din ikaw ang ang maglaba. Nahiya ka pa!” natatawang sigaw ng isang ginang mula sa labas ng gate nila Andres sabay tawanan ng iba pang mga ginang. Ngumiti lang at tumango muli si Andres.
Nung hapong ding ‘yon habang nasa labas si Andres kasama ang dalawa niyang mga anak ay napadaan sila Dante at iba pa nilang kumpare.
“Pare, tara! Sama ka samin sa sabungan!” yaya ni Dante kay Andres.
“Hindi ako pwede, pare. Kita mo naman ‘tong mga alaga ko. Saka hindi rin kasi ako nagsusugal,” nakangiting tugon ni Andres.
“Sige na, pare, lagi ka na lang tumatanggi. Parang hindi ka naman haligi ng tahanan niyan. Dapat ikaw ang nasusunod sa bahay ninyo! Tara na at kundisyon na kundisyon na ‘tong manok ko! Malaki ang tatamaan nating pusta dito!” pagpupumilit ni Dante.
“Pasensiya na talaga, pare. Hindi talaga ako nagsusugal,” muling tanggi ni Andres.
“Bahala ka na nga riyan!” nayayamot na wika ni Dante at tuluyan na silang umalis ng kaniyang mga kasama.
Noong gabi ring iyon ay muling nag-iinuman sila Dante at kanyang mga kaibigan kasama ang kanilang mga asa-asawa sa tapat ng isang bahay. Nang magtapon si Andres ng kanilang basura ay nasipat na naman siya ni Dante at saka muling inalok ng alak.
“Pare, baka naman pwede mo na akong mapagbigyan ngayon. Sigurado naman ay nakakain ka na ng hapunan,” wika ni Dante. “Kakaumpisa pa lamang namin kaya marami pang alak sa pridyider. Halika na rito!” muli nitong paanyaya.
“Pasensya na, pare, araw ng Linggo bukas, kailangan ko ng umuwi kasi maaga pa kaming magsisimba,” tugon ng Ginoo.
“Ang hirap mo namang alukin. Takot na takot ka sa asawa mo, pare. Tignan mo ako, katabi ko pa mismo ang asawa ko. Siya pa ang nagbubukas ng bote ko at nagsasalin ng pulutan,” pahayag muli ng lalaki. “Magpakalalaki ka naman, Andres! Masyado kang sunud-sunuran d’yan sa asawa mong si Melda. Bakit? Awt op da kulambo ka ba kapag hindi ka sumunod?” sabay tawa nila.
“Akala mo hindi namin napapansin dito, ikaw ang nagsasampay, ikaw ang naghuhugas ng pinggan, ikaw pa rin ang nag-aalaga ng mga bata. Sa gabi saktong sakto ang uwi mo! Isang sitsit lang sayo ni misis ay uuwi ka na agad sabay nagpapaliwanag. Anong klase ‘yan. Wala ka bang bay*g!” pangungutiya ni Dante sabay pa ng tawanan ng mga kainuman niya.
Hindi na napigilan ni Dante ang magsalita. “Pare, gusto ko lang maintindihan mo na hindi ko ginagawa ang mga ginagawa ko dahil lang sa takot ako sa asawa ko. Kung trip ninyo na gawin akong katatawanan sa pagtawag sa akin ng takusa o ander da saya ay wala akong pakielam,” malumanay pa rin niyang payahag.
“Mahirap ang trabaho ng maybahay. Lalo na ang asawa ko na solong katawan lamang na kumikilos sa aming tahanan. Una siyang magigising sa madaling araw upang ipaghanda ako ng aking isusuot at ng aking almusal at baon sa opisina.
Pagkatapos naman ay aasikasuhin niya ang mga bata. Siya rin ang gumagawa ng mga gawaing bahay. Hindi sya basta nakakapahinga kung kailan niya gusto lalo pa at malilit pa ang mga anak ko, ang isa pa sa kanila ay pumapasok sa eskwelahan,” patuloy niya. Napapatango naman ang mga misis ng mga manginginom.
“Napakaliit na bagay lamang ang aking naitutulong sa kanya sa pamamagitan ng pagsasampay, paghuhugas ng pinggan o hindi naman kaya ay pagbabantay ng mga bata para siya naman ay makapahinga. Pinili ko na hindi magkaroon ng anumang bisyo sapagkat bukod sa inaalagaan ko ang aking sarili ay ayoko ng aksayahin ang oras ko sa mga walang kapararakan na bagay.
Uubusin ko na lamang ang aking panahon at enerhiya sa aking mag-iina. Bilang haligi ng tahanan ay hindi pagpapakita na ikaw ang matikas sa bahay. Bilang haligi ay dapat itayo mo ang pundasyon ng iyong pamilya. Maging magandang ehemplo ka sa kanila at higit sa lahat ay dapat palagi ang pamilya ang una,” mariin niyang wika.
Napahanga sa kanyang mga sinabi ang mga ginang. “Tama itong si Andres! Mga wala kayong silbi! Mga walang alam kundi mag-iinom!” galit na wika ng asawa ni Dante sa kanya sabay hampas ng ginang sa ulo ng kanyang asawa. “Anim*l ka at inuutusan mo pa akong magbukas ng alak mong hay*p ka! Tapos mamaya ay lasing ka na naman! Bukas ay hindi ka mapakinabangan!” dagdag pa niya. Patuloy ang pagbubunganga na rin ng mga ginang sa kani-kanilang mga asawang manginginom. Tiklop at supalpal naman si Dante sa lahat ng mga sinabi sa kanya ni Andres.
Mula noong gabing ‘yon ay hindi na nila tunukso si Andres na ander da saya. Naging ehemplo siya ng maraming kalalakihan sa kanilang lugar. Marami na ring ginang ang humahanga sa ginoo. Kinaiinggitan na rin ngayon ang kanyang asawang si Melda dahil sana sila rin daw ay magkaroon ng isang asawang mapagmahal at maasikaso tulad ng ginoong si Andres.