Inday TrendingInday Trending
Ang Pamana sa Tatlong Magkakapatid

Ang Pamana sa Tatlong Magkakapatid

Isang taon na ang nakakalipas mula nung pumanaw ang lolo ng tatlong magkakapatid pero hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nakakapagdesisyon kung ano ang gagawin nila sa pinamana nitong bahay at lupa. Madalas kasing hindi magkasundo sina Mando at Rick, ang dalawang nakakatandang kapatid ni Joey.

Nais kasi ng panganay na si Mando na ipaayos ito bilang isang maliit na resort samantalang ang nais naman ni Rick ay tuluyan nang ipagiba ang bahay at ibenta ang lupa sa kilala niyang mayamang negosyante upang gawing isang commercial establishment. Dahil hindi magkasundo ang dalawa naiipit sa gitna si Joey, ang bunso sa tatlong magkakapatid.

“Kuya Rick, baka naman puwede na nating pag-usapan kung ano ang gagawin natin sa bahay at lupang ipinamana sa atin ni lolo. Isang taon na rin itong nakatengga. Siguro ay panahon na para asikasuhin natin ito,” wika ni Joey sa kapatid niyang si Rick sa kabilang linya ng telepono.

“Ayos lang naman sa akin. ‘Yang si Kuya Mando ang sabihan mo. Ang gusto kasi niya ay siya ang palaging nasusunod porke’t siya ang panganay at mas nakakaangat siya sa ating tatlo,” tugon ni Rick sa nakababatang kapatid.

“Isang taon na ang nakakalipas, kuya. Puwede bang tigilan niyo na ang pagpapataasan ng ihi. Wala naman kayong mapapala diyan. Lalo lang tayong nagkakawatak-watak,” pakiusap ng bunsong kapatid.

Agad namang tinawagan ni Joey ang kaniyang Kuya Mando. “Kuya, abala ka ba sa iyong mga negosyo? Baka maaari mo namang ilibre ang oras mo sa susunod na linggo. Kailangan na kasi nating pag-usapan kung ano ang gagawin natin sa pamana ni lolo,” saad ng lalaki. “Sige, walang problema. Pero uunahan ko na kayo ni Rick. Hindi magbabago ang isip ko sa kung ano ang gusto kong mangyari sa bahay at lupa na ‘yon. Doon na lang tayo magkita-kita sa susunod na linggo,” tugon ni Mando sa kapatid.

Makalipas ang isang linggo nagtungo ang magkakapatid sa probinsya kung nasaan ang bahay at lupa na ipinamana sa kanila. Nakatayo pa rin ang bahay ng kanilang lolo ngunit halata na ang kalumaan nito.

“Nandiyan na pala kayo, mga kuya!” nakangiting pagsalubong ni Joey sa kaniyang mga kapatid.

“Kanina ka pa rito?” tanong ni Rick sa bunsong kapatid. “Oo, kanina pa ako dumating. Nagdala na rin ako ng pagkain natin para bago natin simulan ang pagsusuri nitong bahay ay may pagsasaluhan tayo. Tara! Kain na tayo!” paanyaya ni Joey.

“Busog pa ko. Dumaan ako kanina sa isang restawran bago pumunta dito. Kayo na lang ang kumain,” wika ni Mando.

Habang pinagsasaluhan nina Rick at Joey ang pagkain ay umakyat sa ikalawang palapag ng bahay si Mando upang pumili ng kwarto na panandalian niyang pagpapahingahan.

“Joey! Ang dating silid lang natin ang bukas sa mga kwarto. Nakita mo ba iyong susi ng ibang kwarto?” tanong ni Mando. “Hindi, kuya, eh. Kailangan din natin asikasuhin ‘yan. Hayaan ninyo. Malaki-laki naman ang silid natin. Kasya naman tayo doon panigurado,” sambit ng bunso.

“Kailangan ba talagang tatlong araw tayo manatili dito? Kung masisimulan kasi natin ng maaga baka mamaya o bukas ay makapagdesisyon na tayo,” tanong ni Rick kay Joey. “Kailangan, kuya. Marami kasi tayong kailangang ayusin. Bukod sa kailangan nating suriin kung anu-ano ang sira ng bahay kailangang din natin pagdesisyunan kung ano ang gagawin sa mga natirang gamit maliban pa sa mga dokumento na kailangan ding ayusin. Kakausapin pa natin ‘yong abogado,” tugon ni Joey.

“Bakit, Rick? Atat na atat ka na ba na ipabagsak ‘tong bahay ni lolo?” pambubuyo ng panganay na kapatid. “Ako ba talaga, kuya? O baka naman sabik na sabik ka nang gawing resort ‘to? Kulang na nga lang ay bilhin mo ito sa amin sa pagka-atat mo,” Napipikon na si Rick sa kaniyang kapatid.

“Tama na ‘yan, Kuya Mando, Kuya Rick! Hindi natin ‘to maaayos kung patuloy kayong mag-aaway,” pag-awat ni Joey sa dalawa.

Bagama’t sa iisang kwarto lang nagpalipas ng gabi ang tatlong magkakapatid ay halata pa rin ang tensyon sa pagitan ng dalawang nakatatandang kapatid ni Joey.

Kinabukasan ay sinuri nila ang bahay.

“Marami na talagang sira ‘tong bahay. Kung ipapagawa naman natin ay baka mas malaki pa ang gagastusin. Luma na ang mga pundasyon. Ang ibang kahoy naman ay parang inaanay na. Kailangan na talagang ipagiba ito,” suhestiyon ni Rick.

“Rick, ayan ka na naman sa ipabagsak ang bahay! Bakit ba ipinipilit mo ‘yan?” nayayamot na tanong ni Mando.

“Wala lang! Malaking pera ang ilalabas natin kung sakaling ipapagawa natin ‘to. Hindi rin naman natin ‘to titirhan, eh. Bakit? Gusto niyo pa bang tumira sa probinsya? Kaya niyo bang tumira dito? Tanggapin na kasi natin na iba na ngayon! Tsaka kailangan ko ng pera. Ang agarang solusyon ay ibenta ninyo na ‘tong bahay at makuha ko na ang parte ko! Isang taon na akong naghihintay!” naiinis na tugon ni Rick.

“Iyon lang pala ang gusto mo, eh. Bayaran ko na lang ang parte mo ng manahimik ka na! Gusto mo bayaran na kita ngayon?” pagmamalaki naman ni Mando.

“Ano, kuya? Pinapamukha mo sa amin na porke’t mas nakakaangat ka ay mas may karapatan kang magdesisyon para sa lupa na ito? Ano ang tingin mo sa amin? Kasosyo sa negosyo?” pag-atake naman ni Rick sa nakatatandang kapatid.

Patuloy ang pagtatalo ng dalawa at muli na naman silang inawat ng kanilang bunsong kapatid. “Kuya Mando, Kuya Rick, tama na ‘yan. Bukas ay uuwi na tayo pero hanggang ngayon ay wala pa rin tayong napagkakasunduan!” mariing sambit ni Joey.

“Tingin ko, Joey, ay bumoto ka na lang kung ano ang gusto mong mangyari sa bahay at lupa! Ibebenta ba ito o gagawin na lang resort?” napasigaw na sa inis si Mando.

“Pagdesisyunan na natin ngayon kung ano ang kailangan nating gawin dito sa lugar na ‘to! Hindi ko na matatagalan ang ugali ng isa ito. Napakayabang!” pagpaparinig ni Rick.

Napabuntong-hininga na lamang si Joey. Alam niyang hindi titigil sa pagbabangayan ang dalawa.

“Sige, magdesisyon na tayo ngayon. Tutal naman ang likuran na parte na lamang ng bakuran ang hindi pa natin natitignan. Siguro puntahan na natin para matapos na ‘to. Hindi ko na rin matagalan ang pag-aaway ninyo!” saad ni Joey.

Dali-dali nilang pinuntahan ang likod na bakuran.

Nagulat ang magkakapatid nang makita nila ang puno ng acacia na matibay pa ang pagkakatindig.

“Tignan mo nga naman. Nakatayo pa pala itong puno na ito, ano?” natutuwang sambit ni Mando.

“Natatandaan ko nga na sa tuwing mapapagalitan ni lolo itong si Kuya Rick ay dito sa itaas ng puno na ito siya nagtatago,” natatawang pagpapaalala ni Joey sa kaniyang mga kapatid. “Oo, at dahil hindi mahanap ni lolo si Rick ay ako ang napapagalitan,” wika naman ni Mando. Lihim na napapangiti si Rick sa sinabi ng kaniyang kuya.

“Natatandaan ko pa nung minsang sinubukan nating gumawa ng swing dito gamit ‘yong lumang gulong ng sasakyan ni lolo,” panimula ni Rick “Oo, nga! Tapos si Kuya Mando ang nagtali ng lubid sa sanga,” natatawang pagsingit ni Joey. “Matibay naman talaga ‘yon!” giit ni Mando. “Oo nga, eh. Matibay! Pagkasakay ko doon sa gulong para magduyan akalain mong nalaglag agad! Napilayan pa ako non!” pagpapatuloy ni Rick.

“Tapos imbes na mag-alala si lolo ay pare-parehas tayong pinaghahampas ng walis tingting kasi hinahanap pala niya ‘yong gulong para ikabit niyang muli sa sasakyan tapos pinaglalaruan lang pala natin!” dugtong ni Mando sa kuwento ng kapatid.

Halos nagkakandaiyak na ang tatlo sa kakatawa.

“Siguro ang nasa isip niya ang laki-laki ng gulong hindi niya mahanap kung saan niya nailagay!” dagdag ni Joey.

Walang humpay ang kanilang tawanan.

Nang mahinto sila sa kakatawa ay may naalala si Joey. “Nandito pa kaya ‘yong binaon nating mga puting batong buhay noon?”

Agad nilang hinanap ang lugar kung saan nila ito ibinaon at sinimulan ang paghuhukay. Doon ay nakita nila ang mga puting batong buhay na may sulat ng unang letra ng kanilang mga pangalan. Maraming alaala ang nagbalik sa magkakapatid. Hindi sila makapaniwala na sa loob ng mahabang panahon ay nandoon pa rin ang mga bato.

“Natatandaan ninyo ba kung bakit natin ibinaon ang mga ito?” tanong ni Joey. “Binaon natin ang mga ito nung araw na binawian ng buhay sina mama at papa dahil sa aksidente. Iyak tayo nang iyak nun. Naaalala niyo ba? Nangako tayong magkakapatid na kahit anong mangyari ay magiging matatag tayo at hindi maghihiwalay,” pagpapatuloy ng bunsong kapatid.

“Kaya nalulungkot ako sa nangyayari sa atin ngayon. Alam niyo ba na lingid sa inyong kaalaman ay madalas pa rin akong magtungo dito,” nakangiti ngunit malungkot na wika ni Joey.

“Sinadya kong isara ang mga pinto ng ibang silid upang muli tayong matulog ng sama-sama tulad ng ginagawa natin noon nang sa ganoon ay maalala niyo na lumaki tayo ng sama-sama at nagmamahalan,” pag-amin ni Joey. “Sa patuloy ninyong pagpapataasan ng ere ay nakalimutan na ninyong tanungin kung ano ba ang gusto kong mangyari sa bahay na ito.”

Napayuko na lamang sina Mando at Rick sa sinabi ng bunsong kapatid.

“Ano ba ang gusto mong mangyari sa bahay, Joey? tanong ni Rick.

“Gusto kong manatili ang bahay. Ayokong gawin itong resort o ibenta. Pero sino ba naman ako para magdesisyon? Pero alam niyo handa akong gamitin ang lahat ng naipon ko para ipaayos ang bahay na ‘to. Sapagkat sa tuwing naaalala ko ang bahay na ito ay naaalala ko ang mga sandali ng ating kabataan. Ang tawanan ng tatlong batang nangako na magiging sandigan at kaagapay ang isa’t isa. Hindi lang tayo magkakapatid noon. Magkaibigan at magkakampi tayo. Kaya sana hindi ninyo pakawalan ang bahay na ito sapagkat ito ang alaala ng ating masayang kabataan,” tuluyan nang napaluha si Joey.

Hindi na rin naiwasan pa ng dalawa niyang kapatid na maiyak sapagkat napagtanto nila ang punto ng nakababatang kapatid. Nilapitan nila si Joey at niyakap.

“Patawarin mo kami, Joey. Ikaw ang laging naiipit dahil sa bangayan namin. Nakalimutan na naming hingin ang opinyon mo,” paghingi ng paumanhin ni Mando.

“Tama ka, Joey. Mas importante ang mga alaala kaysa sa salapi sapagkat kayang kitain ang pera pero ang mga alaala ay hindi matutumbasan ng kahit anong halaga,” sambit ni Rick.

“Pasensya ka na rin, Kuya Mando, sa mga nasabi ko. Malaki lang talaga ang inggit ko sa’yo kasi nakakaangat ka sa buhay,” wika muli ni Rick. “Patawarin mo rin ako, Rick, kung masyado akong naging mapagmataas at masyado kong iginigiit ang aking kagustuhan,” tugon naman ni Mando.

Masaya si Joey sa mga narinig na pagpapakumbaba ng kaniyang dalawang nakakatandang kapatid. Tuluyan na nga silang nagka-ayos. Sa puntong iyon ay napagdesisyunan nila na huwag nang ibenta o gawing resort ang bahay at lupa. Ipapaayos na lamang nila ito upang bumalik ang dati nitong ganda at anyo.

Matapos mapaayos ang bahay dalawang beses sa isang buwan kung umuwi ang magkakapatid sa pinamana sa kanila ng kanilang lolo. Mula noon ay hindi na matawaran ang pagkakalapit ng tatlo.

“Sa tingin ko ito ang tunay na pamana ng ating lolo. Ang ipaalala sa atin ang kahalagahan ng bawat isa bilang magkakapatid,” wika ni Joey.

Sa pagkakaayos muli ng bahay ay muli ring nagkaayos ang relasyon ng magkakapatid. Dito sa bahay na pamana ng kanilang lolo ay muli silang bubuo ng maraming magagandang alaala.

Advertisement