Inday TrendingInday Trending
Huwag Ismolin ang Probinsyana!

Huwag Ismolin ang Probinsyana!

Tubong probinsiya si Diana. Namulat siya sa payak na pamumuhay sa kanila. Ang kanyang mga magulang ay kapwa mga magsasaka.

Sa kabila ng mahirap na sitwasyon ng kanyang pamilya, buo ang loob ng dalaga na balang araw magiging matagumpay siya.

“Alam mo Pang, balang araw itong bukirin na inaararo natin, magiging matatayog na gusali!” pagmamalaki ng anak.

“Nako anak, malabong mangyari yan. Alam naman natin na hindi natin pag mamay-ari ang lupaing ito. Nagsasaka lang tayo sa mga Guerrero.” singit ng ina niya.

“Mang, hindi naman pwedeng habang buhay tayong magsaka sa mga Guerrero. Malaki po ang pangarap ko para sa atin. At naniniwala ako na hindi malabong mangyari iyon.”

“Anak, anong kinabukasan ba ang naghihintay sayo dito sa probinsya? Kundi mag tanim ng palay, pwedeng magtanim ng kamote o mais.”

“Pang, hindi ko naman po sinasabi na dito ko hahanapin sa probinsya ang katuparan sa pangarap ko.” mahinang sagot ni Diana.

“Anong ibig mong sabihin anak?” tanong ng Papang niya.

“Ang totoo po niyan, may inaalok po sa akin si Tiyang Edna na trabaho sa Maynila. Gusto ko po sanang subukan… kung papayagan niyo po ako.”

Tumahimik pareho ang mag asawa. Hindi nila alam ang isasagot sa hinihinging pabor ng anak.

“Diana, anak, pumunta ka muna ng bayan habang may araw pa. Bumili ka ng bigas at sardinas nasa tokador ang pera.” pag iiba ng Mamang niya sa usapan.

Hindi na nangulit si Diana at sinunod nalang ang utos ng ina.

Pag-alis ni Diana sinubukang kausapin ni Fe ang hindi kumikibong asawa.

“Gardo, ano bang gusto mong mangyari? Kung ano ang magiging desisyon mo, kailangan sabihin mo ng harap – harapan sa anak natin.”

“Fe, nahihiya lang ako sa anak natin. Nahihiya ako kasi hindi natin maibigay sa kanya ang magandang buhay. Hindi natin siya mabigyan ng maayos na kinabukasan.”

“Gardo, kilala mo ang anak natin. Hindi siya nag rereklamo. Naiintindihan niya ang sitwasyon nating dalawa. Pero kong ako ang tatanugin mo, ayokong hadlangan ang anak natin sa pagtupad ng mga pangarap niya.”

Hindi alam ng mag – asawa na nakikinig lang pala sa kanila si Diana. Dahan-dahang itong lumapit sa kanila.

“Mang, Pang, hindi naman po ibig sabihin na nangangarap ako ng magandang buhay, eh dahil hindi ko matanggap kong anong meron tayo. Nangangarap po akong umasenso para sa inyo, para maging maganda ang buhay natin. Para hindi na kayo mag pagod sa pag-aararo.”

“Maraming salamat anak, lagi mong tandaan na nandito lang kami sa likod mo susuporta sayo.”

Natupad nga ang desisyon ni Diana at natuloy siya sa Maynila.

“Diana, diyan ka mag tatrabaho sa gusaling yan. Konting tiis lang muna, pag nakita nilang masipag ka, aangat ka sa pwesto.” saad ng Tiya Edna niya.

“Huwag po kayong mag alala Tiya. Gagalingan ko po.”

Isang matayog at magandang gusali ang pag ta – trabahuan niya.

“Nakakalula po sa taas Tita Edna!”

“Nako sinabi mo pa! Halika na, pumasok na tayo.”

Pumasok sila malapit sa HR department para sa interbyu ni Diana. Napansin ni Diana na pinagtitinginan siya ng kapwa aplikante gaya niya.

“Ano ba yan, ang baduy!”

“Oo nga! Ang itim pa! Halatang probinsyana!”

Alam ni Diana na siya ang pinagtatawanan ng mga babae. Pero hindi niya na lang ito pinansin. Kung ikukumpara nga naman ang kutis niya sa kanila, halatang walang – wala siya.

Natanggap sa posisyon si Diana, siya ay naging taga linis ng kubeta. Mahirap man, pero kinaya niya lahat alang – alang sa kanyang mga pangarap.

Likas na mahilig gumuhit at mag desinyo si Diana. Kaya sa kanyang mga bakanteng oras sa trabaho, iyon ang madalas niyang gawin.

Isang araw nag ikot sa gusali ang manager na nakatoka sa pag dedesinyo. At napansin niya ang mga iginuhit ni Diana. Dahil sa ganda ng mga desinyo ni Diana, humanga sa kanya ang manager ng kompanya, kaya ipinatawag siya sa opisina.

“Diana, pinapatawag ka sa opisina.”

“Tita bakit daw po? May nagawa po ba akong kasalanan?”

Hindi maitago ni Diana ang takot dahil sa hindi inaasahang balita. Ang hula niya matatanggal na siya.

Pagpasok niya sa opisina, maraming tao sa loob. At laking gulat niya na makitang naka display sa screen ang mga iginuhit niyang disenyo.

“Maupo ka iha,” bati sa kanya ng sumalubong na babae.

“Sobrang humahanga kami sa kakaibang desinyo na iginuhit mo. Sobrang ganda niya!” puno ng paghangang sambit sa kanya ng isang matandang lalaki.

“May potensyal ka sa larangang ito, hindi ka dapat naglilinis ng banyo dahil napakagaling mo gumuhit!” dagdag pa ng isa.

“Nakita namin ang sipag na ginugol mo sa iyong trabaho. Kahit na mababa lamang ito, nagampanan mo lahat ng tungkulin mo.”

“Kaya may iaalok kami sa iyo, iha. Sasagutin ng kumpanya ang pag-aaral mo. Makakatulong ito sayo, mas madadagdagan ang kaalaman mo sa pag didisenyo.”

Napaluha si Diana sa narinig. Hindi siya makapaniwalang may darating na ganitong oportunidad sa kanya. Hindi na siya nagdalawang isip na tanggapin ang alok sa kanya.

Makalipas ang limang taon, naging ganap na siyang manager ng kumpanya.

Masayang – masaya si Diana dahil natupad na niya ang kanyang pangarap at pangarap para sa pamilya niya.

Advertisement