Isang mahusay na ahente ng insurance si Carlo. Sa kaniyang edad na dalawampu’t walo ay hindi mo aakalain na nakapagpundar na siya ng sarili niyang bahay at sasakyan. May maliit din siyang negosyo at ang pinakamaganda doon ay hawak niya palagi ang kaniyang oras. Tila inaani na lamang ni Carlo ang kaniyang mga pinaghirapan. Sa kabila ng nararanasan na kaginhawaan ay patuloy pa rin ang kaniyang pagsisikap.
Marami ang humahanga kay Carlo ngunit hindi maiwasan ng lahat na magtaka sa ugali ng binata. Alam na alam kasi ng lahat na hinding-hindi mo kailanman mapapapasok ng simbahan itong si Carlo.
Tikom naman ang bibig ng binata sa tuwing siya ay tinatanong tungkol dito. Iniiwasan rin niyang pag-usapan ang tungkol sa relihiyon. Hindi nakapagtataka na ang isipin ng marami ay isang siyang satanista.
Minsan ay nag-umpukan ang mga kasamahan sa opisina ni Carlo at napag-usapan siya ng mga ito.
“Tingin ninyo satanista siya?” tanong ng isang kasamahan sa trabaho. “Parang imposible na satanista si Carlo kasi matulungin naman siya sa kapwa. Sa katunayan nga ay nakita ko siyang tinutulungan ang isang matandang pulubi kagabi paglabas natin ng opisina,” kuwento naman ng isa pang kasamahan. “Oo. Tsaka kung satanista si Carlo sana ay ginawan na niya tayo ng masama!” tugon pa ng isa.
“Baka naman kasali siya sa isang sekta o kaya sa isang kulto! Kaya ayaw niyang pumasok ng simbahan ay dahil baka masunog siya!” natatawang sambit muli ng isang kasamahan.
Hindi matapos-tapos ang usapan nila tungkol sa binata. Hindi nila alam na nasa likod lamang nila si Carlo at nakikinig.
“Hindi ako satanista. Hindi ako kabilang sa isang sekta. At higit sa lahat ay hindi ako kasali sa isang kulto,” mahinahong wika ni Carlo sa mga kasamahan.
Natahimik ang lahat nang marinig nilang magsalita ang binata.
“Kung tapos na kayong pag-usapan ako baka puwede na tayong bumalik sa trabaho,” nakangiting paanyaya niya sa kaniyang mga kasamahan.
Isang araw pagkadating ni Carlo sa opisina ay may isang babaeng agad na nagpakilala sa kaniya.
“Carlo, tama?” nakangiting pagtatanong ng babae. Nagtataka naman si Carlo. “Reah nga pala. Unang araw ko bilang ahente. Ang sabi ikaw raw ang magsasanay sa akin,” pagpapatuloy ng babae.
Hindi maialis ng binata ang kaniyang tingin sa dalaga dahil sa angkin nitong kagandahan. Payak man kung ito ay pumorma ay kaaya-aya pa rin itong tignan.
Dahil palagi silang magkasama ni Reah ay hindi maiwasan ni Carlo na mahulog sa dalaga. Niligawan niya si Reah. Ginawa niya ang lahat upang mapasagot ang dalaga.
Habang kumakain sila sa isang restawran ay hindi na napigilan ng binata na magtanong. “Matagal na ‘kong nanliligaw sa’yo, Reah. Gusto ko sanang malaman kung ano ang nararamdaman mo para sa akin. Hindi pa ako nagmahal ng ganito kaya sana ay “oo” ang isagot mo,” sambit ng binata habang nakatitig sa mga mata ni Reah.
“Carlo, inaamin ko na nagugustuhan na rin kita. Kaso may nais muna sana akong sabihin sa’yo. Alam kong hindi ka pumapasok ng simbahan pero kung gusto mo talaga ako ay tatanggapin mo ang paanyaya ko. Naglilingkod ako sa simbahan ng aming pamayanan. Matagal ko na rin itong ginagawa simula noong bata pa ako. Gusto sana kitang ayain na magsimba. Gusto kasi kitang sagutin sa harap ng Panginoon,” marahang tugon naman ng dalaga.
Alam ni Reah na ikabibigla ni Carlo ang kaniyang sasabihin kaya hindi pa man nakakasagot ang binata ay muli siyang nagsalita. “Iyon ay kung tunay mo akong mahal, Carlo. Hindi naman kita pinipilit. Hindi pa kasi ako nagkakaroon ng kasintahan. Ang pangarap ko kasi kung magkakaroon man ako ng nobyo ay gusto kong matanggap niya ang aking “oo” sa harap ng Panginoon,” dagdag pa ni Reah.
Hindi alam ni Carlo ang sasabihin. “Iba na lang, Reah. Huwag ‘yan! Humiling ka na lang ng iba. Pakiusap. Huwag lang ang pagpasok sa simbahan,” pilit na pag-iwas ng binata.
“Anong bang problema, Carlo? Puwede mo namang sabihin sa akin ang totoo. Mapagkakatiwalaan mo naman ako,” pakiusap ng dalaga. “Hindi ako naniniwala sa sinasabi nila na satanista ka o kaya kasali ka sa kulto. Bakit ba ayaw mong pumasok sa simbahan, Carlo? Aminin mo na sa akin!” pagpupumilit ng dalaga.
“Dahil sa lolo ko!” sigaw ni Carlo habang nanggigilid ang kaniyang mga luha.
“Maaga akong nawalan ng mga magulang, Reah. Ang lolo ko ang tumayong magulang ko. Siya ang nag-alaga at nagtaguyod sa akin. Isang araw ay tinamaan siya ng isang malubhang karamdaman. Simula nung malaman kong may sakit siya ay walang tigil ang pagdarasal ko sa Diyos. Walang araw na hindi ako pumasok sa simbahan para manalangin. Halos ilang buwan akong naninikluhod sa Panginoon na pagalingin niya ang lolo ko. Taong simbahan din siya at kahit matanda na siya hindi siya tumigil sa pagsisilbi sa simbahan,” kuwento ni Carlo habang patuloy ang kaniyang pag-iyak.
“Isang araw ay bigla na lamang nawalan ng malay ang lolo ko. Dinala namin siya sa ospital. Buong puso akong nagdasal noong araw na ‘yon, Reah. Buong taimtim kong itinaas sa kaniya ang paggaling ni lolo. Ngunit pagbalik ko sa ospital ay wala na siyang buhay,” Hindi na naiwasan ni Carlo na umagos ang kaniyang luha sa puntong iyon.
“Nagdasal ako, Reah. Hindi pa ba sapat ang mga ginawa ko kaya hindi Niya pinakinggan ang mga panalangin ko? O ‘di kaya abala siya sa pakikinig ng panalangin ng iba kaya hindi niya ako napansin. O baka naman kulang pa ang pagkataimtim ng dalangin ko. Simula noon ay ayoko nang pumasok pang muli sa simbahan,” napayuko sa lungkot si Carlo.
“Hindi ganoon ang Panginoon, Carlo. Lahat tayo ay nakikita niya! Lahat tayo ay napapakinggan niya!” pilit na pagpapaliwanag ni Reah ngunit ayaw makinig ni Carlo sa dalaga.
“Paano mo nasabi, Reah? Nawalan ka na ba? O baka naman may kinikilingan ang Diyos at pinipili lang niya ang gusto niyang tulungan?” galit na wika ng binata.
“Tama na Carlo!” sambit ni Reah. Tinangka ng dalaga na hawakan sa braso ang binata ngunit iniwasan nito ang kaniyang kamay at bigla na lang itong umalis. Naiwan si Reah sa restawran.
Malakas ang ulan ng mga sandaling ‘yon. Masamang-masama ang loob ni Carlo habang nagmamaneho ng kaniyang sasakyan. Hindi niya napansin ang biglang pagtawid ng isang aso. Agad siyang prumeno at umiwas dito ngunit dahil madulas ang daan ay nawalan siya ng kontrol. Sumalpok ang sasakyang minamaneho niya sa isang poste. Malakas ang pagkakabangga ng sasakyan ng binata ngunit himalang hindi ito nagtamo ng kahit isa man lang sugat sa katawan. Agad namang dumating ang mga awtoridad at dinala siya sa ospital.
Kinabukasan ay agad na pinuntahan ni Carlo si Reah. Natagpuan niya ito sa labas ng simbahan.
“Reah, puwede ba tayong mag-usap?” mahinahong wika ng binata. Pinaunlakan naman ni Reah si Carlo. Humingi ng paumanhin ang binata sa kaniyang inasal. Upang mapag-usapan ang nangyari ay inaya siya ni Reah na maglakad-lakad.
“Naaksidente ako kagbi pero isang himala na hindi ako napahamak. Doon ko napagtanto na binigyan pa ako ng Diyos, ng kalawakan, kung sino man o anuman ng isa pang pagkakataon. Patawad sa mga nasabi ko sa’yo kagabi,” paghingi ng paumanhin ni Carlo. Agad naman siyang pinatawad ni Reah.
“Alam mo, Carlo, kung bakit walang patid ang paglilingkod ko sa simbahan?” tanong ni Reah sa binata.
“Dahil ito sa aking karanasan. Nasunog ang aming tahanan noong ako ay bata pa lamang. Sobrang laki ng apoy kaya natupok ang buong bahay ngunit laking gulat namin dahil walang nasaktan sa aming pamilya. Nakalabas kami ng bahay na parang hindi kami tinatablan ng apoy. Simula noon sinabi ko talaga sa aking sarili na ang pangalawang buhay kong ito ay iaalay ko sa paglilingkod sa Kaniya.” pahayag ni Reah.
“Ang nangyari sa lolo mo ay hindi mo dapat ipaghinanakit. Alam ko ngayon ay nasa mas mabuti na siyang kalagayan at hindi na muling pahihirapan pa ng kaniyang karamdaman,” nakangiting wika ni Reah sa binata.
“Gusto kong hanapin ang sarili ko at muling magbalik sa Kaniya kung ako man ay matatanggap pa Niyang muli.” nakayukong wika ng binata.
Hindi napansin ni Carlo na nakarating na sila sa loob ng simbahan. Ngumiti sa kaniya ang dalaga at itinaas niya ang ulo ng binata. “Gusto kong samahan ka sa paghahanap mo ng iyong sarili, Carlo. Hayaan mo na maging kasangga mo ako,”
Nagulat na lamang si Carlo nang mapansin niyang nasa loob na pala sila ng simbahan at nasa harap sila mismo ng altar. Napangiti sila sa isa’t isa.
Hinawakan ni Reah ang kamay ng binata. “Sa harap ng Diyos, Carlo. Sinasagot na kita!” masayang sambit ng dalaga.
Natupad ang pangarap ni Reah na sagutin ang nobyo sa tapat ng Panginoon. Si Carlo naman ay unti-unti na ring nilalapit ang kaniyang sarili sa Diyos. Madalas silang magsimba at nagtutulungan sila upang mas palawigin pa ang pananampalataya ng bawat isa.