Inday TrendingInday Trending
Ang Binabalik-balikan ng Baliw

Ang Binabalik-balikan ng Baliw

Naabala ang PE class ni Miss Editha Macaspac sa covered court ng pampublikong paaralang pinapasukan nang makakita ng kaunting kaguluhan sa tarangkahan ng paaralan. Nagtuturo siya ng arnis sa kanyang klase. Napatingin ang lahat sa nagwawalang babaeng pulubi — luray-luray ang damit, marungis, at tila matagal na panahon nang pagala-gala sa kalsada. Mahihinuha ring wala ito sa sariling pag-iisip.

“Ma’am, nandiyan na naman si Menggay. Baliw po iyan eh,” komento ng isa niyang mag-aaral.

“Ok class, focus on our lesson,” utos ni Miss Macaspac sa kanyang klase. Tumalima naman ang mga ito at hindi na pinansin ang senaryo sa tarangkahan ng paaralan.

Bago pa lamang si Miss Macaspac sa paaralan. Apat na araw pa lamang. Nagpalipat siya ng paaralang pinagtuturuan, dahil masyadong malayo ang naunang paaralan na naitalaga sa kanya. Luging-lugi siya sa pamasahe pa lang. Bukod dito, kinakain ang oras niya sa byahe na halos tatlong oras ang tagal dahil sa matinding daloy ng trapiko. Aalis siya ng wala pang araw at uuwi siya ng wala na ang araw.

Nang matapos ang klase, pinabalik na ni Miss Macaspac ang mga mag-aaral sa silid-aralan. May susunod pang klase ang mga ito. Dahil bakante pa naman siya, nilapitan niya ang guwardiya ng paaralan na si Mang Gani upang alamin kung bakit nagpupumilit pumasok ang babaeng pusa loob ng paaralan kanina.

“Naku Ma’am ganoon lang po talaga ang baliw na iyon. Pagala-gala ho talaga rito iyon. Menggay po ang ipinangalan sa kanya ng mga tao. Sinto-sinto ho iyon,” sagot ni Mang Gani nang tanungin niya ito hinggil sa nangyari kanina.

“Palagay mo Kuya bakit siya nagpupumilit pumasok dito? May naiwan ba siya rito o anak?” takang tanong ng guro sa guwardiya.

“Hindi ko po alam ang buong kwento Ma’am eh. Pero minsan po, may isang babae pong nagpupunta rito at hinahanap iyang si Menggay. Baka siya po, alam niya ang kwento. Pero bihira ko siyang napagkikita ngayon,” magalang na tugon ni Mang Gani.

Pumukaw sa atensyon ni Miss Macaspac ang baliw na si Menggay, dahil tuwing hapon, dumaraan ito sa paaralan at nagpupumilit pumasok. May dala-dala itong mga kandilang lusaw na at mga bulaklak na lanta na.

Parang may hinahanap itong tao. May itinuturo ito sa kanang bahagi ng paaralan, sa bandang bakuran kung saan nagtatanim ang mga mag-aaral para sa kanilang gardening na bahagi ng aralin sa asignaturang TLE o Technology and Livelihood Education. Nababagbag ang damdamin ni Miss Macaspac sa tuwing nakikita niya ito. Ayaw niyang nakakakita ng mga ganoon.

Tinanong na rin niya sa kanyang mga kasamahan kung kilala nila si Menggay.

“Kinakatakutan na nga iyan ng mga students natin eh,” nasabi ng isang lalaking guro sa Agham na napapanot na ang bumbunan.

“Dapat dalhin na iyang si Menggay sa mental hospital para magamot. Kawawa naman,” segunda naman ng guro sa Matematika na walang ginawa raw kundi magpasulat ng lektura sa kuwardeno at hindi nagtuturo.

Palaisipan kay Miss Macaspac ang tunay na pinagdaraanan ni Menggay. Darating ang panahong malalaman din niya ito.

Isang hapon, katulad nang dati ay naroon na naman si Menggay sa tarangkahan ng paaralan. Nakikipagbuno kina Mang Gani at sa iba pang guwardiya upang makapasok. Lumapit na rito si Miss Macaspac, tutal at wala naman siyang klase dahil natapos na.

“Anong sadya mo rito, Menggay?” Nakangiting tanong ni Miss Macaspac sa babaeng pulubi.

“Anak ko…. Anak ko… anak ko…” Paulit-ulit na sabi ng babaeng pulubi habang tumutulo ang laway sa magkabilang gilid ng mga labi. Gaya ng dati, bitbit pa rin nito ang mga maliliit at lumang kandila. May hawak itong pulumpon ng mga bulaklak.

“May anak ka bang nag-aaral dito?” matiyagang tanong ni Miss Macaspac. Hindi na sumagot si Menggay. Sa halip, isang babaeng nakaputing t-shirt at nakapantalong maong ang biglang sumulpot sa kanilang harapan. Nang makita ito ni Menggay, nagtatakbo itong palayo. Hinabol naman ito ng mga lalaking nakauniporme rin na parang pang-nurse.

“Alam ninyo po ba ang dahilan kung bakit siya laging nagpupunta rito sa paaralan?” usisa ni Miss Macaspac sa babaeng nakaputing t-shirt.

Nagsalaysay ang babae. Dati palang sementeryo ang paaralan. Nakalibing sa naturang sementeryo ang yumao na anak ni Menggay, na Melissa ang tunay na pangalan. Pin*tay at hinalay umano ang anak nito noon na naging dahilan ng pagkabaliw.

Minsan na siyang nadala sa mental hospital subalit laging nakakatakas upang magpunta sa paaralan. Nagkataon naman na ginawang paaralan ang sementeryo. Isang araw, sa pagtakas nito sa mental hospital, hindi na ito nakita pa. Pinabayan na rin ng mga kamag-anak.

Saka napagtagni-tagni ni Miss Macaspac ang lahat. Akala ng baliw na pulubi, ang paaralan ay sementeryo pa rin. Binabalikan nito marahil ang puntod ng namayapang anak.

“Kaano-ano ho kayo ni Menggay?” tanong ni Miss Macaspac sa babaeng nakaputi.

“Malayong kamag-anak po, Ma’am. Siguro ho kung makakapag-alay siya ng kandila at bulaklak sa loob ng paaralan na inaakala niyang sementeryo, baka matahimik na siya.”

At ganoon nga ang ginawa nila. Pinakiusapan ni Miss Macaspac sina Mang Gani na kapag dumating ulit si Menggay, hayaan itong makapasok at makapag-alay ng kandila at bulaklak sa puntod ng kanyang anak.

Sa mga sumunod na araw, muli ngang bumalik si Menggay sa paaralan, dala-dala pa rin ang mga upos ng kandila at bulaklak na lanta. Pinayagan siya nina Mang Gani na pumasok sa loob. Dumireto kaagad ang baliw sa bakuran ng paaralan. Doon, inilapag nito ang mga upos na kandila at bulaklak na lanta. Lumuhod ito at aktong nananalangin.

Nakamasid lamang si Miss Macaspac sa mga nangyayari. Lumulundag ang kanyang puso sa katuwaan. Nabagbag din ang kanyang kalooban sa kanyang nasaksihan.

Hindi namalayan ni Menggay na nasa likod na niya ang babaeng napagtanungan ni Miss Macaspac, at ang dalawang lalaking nurse na humahabol dito. At nakapagtatakang hindi pumalag si Menggay nang dalhin at isama na ito sa mobil. Tinanong ni Miss Macaspac ang babaeng kamag-anak ni Menggay.

“Mabuti na lamang at pumayag na siyang mapagamot ninyo. Alagaan ninyo siya,” habilin ni Miss Macaspac sa babae.

Nasa pangangalaga na ng mental hospital sa Mandaluyong si Menggay. Ilang taon ang lumipas at gumaling na rin ito. Nasa pangangalaga na ito ng kanyang babaeng kamag-anak. Dahil sa nangyari, bumalik sa kanyang kinalakhang probinsya si Miss Macaspac upang makasama ang anak sa pagkadalaga. Ayaw niyang sayangin ang oras na hindi niya kapiling ang anak.

Advertisement