Kanina pa paikot-ikot sa loob ng department store ng isang sikat na mall sa Alabang si Cristy. Kanina nasa women’s section siya at nagsukat ng magagandang damit. Nakailang balik siya sa loob ng fitting room subalit wala naman siyang binili kahit isa. Nakasimangot na ang saleslady na umaasiste sa kaniya.
Hindi mapakali si Cristy. Tila may hinahanap siya. Nagtungo siya sa section ng mga ipit sa buhok. Nakakita siya ng isang maliit na ipit na kulay pink. Nagustuhan niya ito. Tinignan niya ang presyo. 100 piso. Kumuha siya ng dalawang piraso at ibinulsa tsaka lumakad na tila walang nangyari. Lumabas siya sa department store. Kataka-takang wala man lamang tumunog na kahit ano bilang babala na may nailabas na items.
Bata pa lamang si Cristy ay alam na niya sa kaniyang sarili ang kaniyang kakaibang “hilig.” Hindi niya mapigilan ang sarili sa pagkuha ng mga gamit na hindi kaniya.
Noong bata pa siya madalas ay nagiging kagalit niya ang mga kalaro niyang babae. Lagi niya kasing kinukuha ang mga laso nila sa buhok o kaya ang mga manika nila. Lagi tuloy nakikipag-away ang kaniyang nanay upang ipagtanggol siya.
Kleptomaniac daw ang tawag sa kaniya. Kahit anong pigil niya sa kaniyang sarili ay hindi niya makontrol ang pangunguha o pangungupit ng mga bagay na hindi sa kaniya. Nanginginig siya at hindi mapakali. Pakiramdam niya’y hindi buo ang kaniyang araw kapag hindi niya ito naisasagawa.
Lalong umigting ang pagiging kleptomaniac ni Cristy nung tumuntong siya sa high school. Sa tuwing matatapos ang kanilang klase noon ay agad siyang dumidiretso sa loob ng mall. Nagtutungo kaagad siya sa department store upang humanap ng mga bagay na madadampot mula rito. Mula sa shades, panyo, ipit sa buhok, ballpen at iba pang mga bagay na makakapukaw sa kaniyang atensyon. Sa kabutihang palad ay hindi pa siya nahuhuli ng mga saleslady, salesclerk o guwardiya dahil alam na alam na niya ang gagawin.
Isang hapon palakad-lakad na naman si Cristy sa loob ng mall. Sa labas ng supermarket ay may mga panindang naka-sale. Isang maliit na manika ang umagaw sa kaniyang pansin. Gusto niya itong kunin. Lumapit siya rito at kinuha ang naturang maniika.
“Hi, ma’am, 200 pesos na lang po iyan,” nakangiting bungad sa kaniya ng saleslady.
“Mahal naman. Wala bang tawad?” pabirong tanong ni Cristy sa saleslady. “Ma’am, naka-sale na po iyan. Tsaka wala po tayo sa palengke,” nakangiti subalit sarkastikong tugon ng saleslady.
Sumimangot si Cristy. Inilapag niya ang manika subalit habang nagsasalita kanina ang saleslady ay nakakuha na siya ng isang manika at naitago niya kaagad ito sa kaniyang likuran. Sabay talikod upang umalis.
“Ma’am, bayaran ninyo po muna ang kinuha ninyo,” sita sa kaniya ng saleslady. Nakita pala nito ang kaniyang ginawa.
“Wala akong kinukuha. Anong ibig mong sabihin?” Mabilis na nailagay ni Cristy sa loob ng kaniyang malaking bag ang hawak na manika. “Nasa bag niyo po, ma’am. Kitang-kita ko po,” magalang ngunit natatarantang pagtitiyak ng saleslady. Nakatingin na sa kanila ang guwardiya ng mall.
Nang makita ni Cristy sa sulok ng kaniyang mga mata na patungo na ang guwardiya sa kanila ay naglakad nang mabilis si Cristy.
Sa kabila ng pagsigaw ng saleslady ng “magnanakaw” ay kumaripas nang takbo si Cristy palabas ng mall.
Habang tumatakbo ay napansin ni Cristy na may humahabol sa kaniyang pulis. Nasa loob pala ito ng mall kanina. Walang pakialam si Cristy sa kaniyang pagtakbo. Hindi niya alintana ang mga balikat na nababangga niya. Hingal na hingal na siya subalit kailangan niyang tumakbo upang mailigtas ang sarili sa tiyak na pagkakakulong. Hindi niya napansing umiba ng direksyon ang pulis. Nagulat na lamang siya’t bumangga siya sa dibdib nito at bigla siyang niyakap.
“Huli ka! Saan ka pupunta?” matiim ang bagang na sabi ng pulis.
“Sir, sir, parang awa ninyo na po! Hindi po ako masamang tao. Pasensya na po, sir,” nagmamakaawang sabi ni Cristy.
Dinala siya sa presinto ng pulis. Naroon ang saleslady. Humagulgol si Cristy. Humingi siya ng pasensya at ipinaliwanag ang kaniyang sitwasyon. Naawa naman ang saleslady at hindi na nagsampa ng reklamo sa kaniya maibalik lamang ang manikang kinuha niya.
Inalok naman ng pulis si Cristy na ihatid siya nito sa kanilang bahay. Nagpaunlak naman ito. Habang nasa sasakyan ay nakapagkuwentuhan sila.
“Hindi ko mapigilan ang sarili ko. Nanginginig ako kapag hindi ako nakakakuha ng bagay na hindi sa akin,” pag-amin ni Cristy sa pulis na si Roel.
“Kumonsulta ka na ba sa espesyalista?” tanong ni Roel. Umiling si Cristy. “Hindi pa, eh.”
“Alam mo may kakilala akong espesyalista na puwedeng makatulong sa iyo. Gusto mong subukan?” tanong ng pulis. Pumayag naman si Cristy.
Simula noon sinasamahan na ni Roel si Cristy sa kaniyang kaibigang espesyalista upang matulungan ang dalaga na malabanan ang kondisyon. Lumipas ang maraming mga taon nalabanan na rin sa wakas ni Cristy ang kaniyang kakaibang hilig. Kasabay rin nito ay niligawan siya ni Roel.
“Ninakaw mo ang puso ko noong una pa lang kitang nakita,” sabi ni Roel sa dalaga.
Natawa naman si Cristy. “Ganun ba? Akala ko kasi hinuli mo ang puso ko, eh.”
Sinagot ni Cristy si Roel. Makalipas ang dalawang taon sila ay nagpakasal at biniyayaan ng dalawang anak.
Naisip ni Cristy na hindi aksidente ang lahat. Napagtanto niyang ginawang kasangkapan ng Diyos si Roel upang tuluyan niyang mabago ang sarili mula sa hindi magandang hilig na nasa kaniyang pagkatao.