Inday TrendingInday Trending
Edukasyon ay Mahalaga

Edukasyon ay Mahalaga

Naaalala ni William nang pumasok siya sa eskwelahan sa kauna-unahang pagkakataon. Anim na taong gulang pa lamang siya noon nang inihatid siya ng kaniyang nanay sa isang Day Care Center sa kanilang lugar. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkasabik na tawaging isang estudyante. Nag-aaral. Nakikinig sa guro. Nakikipaglaro. Natututo.

“Wow, sarap maging estudyante. Kay daming natututunan,” bulong niya sa isip.

Sa kaniyang murang isipan ay itinanim niya sa kaniyang puso’t diwa na siya ay magsisikap sa pag-aaral hanggang sa makatapos. Ipinangako niya sa sarili na darating ang panahon na ang isang hamak na batang katulad niya ay maaabot ang pangarap.

“Anak, tanging edukasyon lamang ang kayamanang maipamamana namin sa inyong magkakapatid kaya’t pagbutihin ninyo ang inyong pag-aaral,” paalala ng kanilang ina na kung bibilangin ay isang libong beses na yatang sinabi sa kanilang anim na magkakapatid. “Hindi naman ito para sa amin. Para ito sa kinabukasan ninyo,” pahabol naman ng kanilang ama.

“Inay, itay kahit hindi niyo na iyan ipaalala sa amin. Importante po talaga sa amin ang pag-aaral dahil alam po namin na matutupad ang lahat ng aming pinapangarap kapag nakapagtapos po kami,” sagot ni William.

Kahit mahirap ang kanilang pamumuhay at walang sapat na kita ang kanilang mga magulang upang itaguyod silang magkakapatid sa pag-aaral ay nagsisikap pa rin ang mga ito na maibigay ang lahat sa abot ng makakaya. Kung minsan nga ay mantika at toyo lamang ay sapat na upang maiulam nilang buong pamilya. Mapalad na kapag nakakabili sila ng isang latang sardinas na pagsasalu-saluhan ng lahat sa hapag.

“Pasensya na mga, anak, tiis-tiis muna. Darating ang araw ay masasarap na pagkain na ang inyong matitikman,” sabi ng kanilang ina.

“Ayos lang po ito, inay. Ang mahalaga naman po ay sama-sama tayo. Kahit ganito po ang pagkain natin ay dapat pa rin po nating ipagpasalamat sa Diyos,” tugon ni William.

Noong araw na si William ay nasa elementarya at hayskul ay halos wala nang maipabaon sa kaniya ang mga magulang ngunit gagawa pa rin ang mga ito ng paraan para lamang siya ay makapasok. Sayang daw kasi ang isang araw kung liliban siya sa klase.

“Kailangan mong pumasok, anak. Hindi dahilan ang kawalan ng baon para hindi ka mag-aral,” paalala ng kaniyang ama.

“Huwag kang mag-alala at nakagawa na kami ng paraan ng itay mo. Nangutang kami ng pera para sa baon mo. Heto, pagkasyahin mo iyan, ha? Sige na, anak, at baka mahuli ka sa klase,” wika ng ina.

Sa ganoong mga pagkakataon ay lalong tumitindi ang kaniyang pagnanasang makatapos sa pag-aaral. Paalala pa ng kaniyang ama kapag nakatapos siya sa kolehiyo ay mas malaki ang oportunidad sa buhay. Iba na raw ang may pinag-aralan lalo na sa panahong ito. Naniniwala naman siya sa kaniyang mga magulang kaya sinisikap niyang mag-aral nang mabuti kahit na minsa’y walang laman ang tiyan ay tinitiis niya basta’t nakakapag-aral siya. Kahit kailan ay hindi siya lumiban sa klase maliban na lamang kung ipanlalaban siya ng kanilang eskwelahan sa ibang lugar para sa iba’t ibang kompetisyon.

Walang pagsidlan ng tuwa ang kaniyang mga magulang nang nagtapos si William sa elementarya. Mas lalong umapaw ang kaligayahan ng mga ito nang ibalita niya na kabilang siya sa sasabitan ng medalya sa graduation bilang first honor sa kanilang klase. Bakas sa mukha ng mga magulang niya ang malaking pag-asa.

“Binabati ka namin, anak. Sa wakas ay nagbunga rin ang mga sakripisyo mo,” masayang sabi ng kaniyang ama. “Ipinagmamalaki ka namin, anak,” sabat naman ng kaniyang ina.

“Hindi lang naman po ako ang nagsakripisyo. Kayo rin po ay nagsakripisyo para mapag-aral ako, kaming magkakapatid. Kaya inaalay ko po sa inyo ang karangalang ito,” tugon niya sa kaniyang mga magulang.

Hanggang sa tumuntong si William sa sekondarya at habang tumatagal ay lalong nag-aalab ang kaniyang pagnanasang maabot ang kaniyang mga pangarap. Sa kabila ng mga hirap na pinagdaanan niya bilang isang estudyante at ng kaniyang mga magulang sa kanilang kabuhayan ay nakatapos pa rin siya sa hayskul. Sa pagkakataong iyon ay muli siyang nakapaghandog ng medalya sa kaniyang mga magulang bilang salutatorian.

“Congratulations, anak. Napakahusay mo talaga. Napakasuwerte namin sa iyo,” tuwang-tuwang sabi ng kaniyang ina. “Ang galing-galing mo, anak. Panibagong karangalan na naman ito,” sabat ng ama.

Sa bilis ng takbo ng panahon ay parang bumibilis din ang tibok ng puso ni William. Para siyang kinakabahan sa mga susunod na yugto ng kaniyang buhay. Hindi niya akalaing makakapasok pa siya sa kolehiyo. Salamat na lamang at nakakuha siya ng scholarship sa isang kilalang unibersidad sa Maynila kaya’t nagkaroon siya ng napakagandang pagkakataon upang maipagpatuloy ang pag-aaral.

Subalit mas matindi pala ang kabang nadarama ng kaniyang mga magulang. Gabi-gabi na lamang ay iniisip ng mga ito kung kakayanin pa ba silang pag-aralin. Lahat ng kaniyang mga nakababatang kapatid ay nag-aaral din kaya’t lalong mahirap para sa mga ito. Kahit na isang iskolar si William ay mahirap pa rin sa kaniyang mga magulang na itaguyod siya sa kolehiyo dahil batid ng mga ito na mas malaki ang mga gastusin doon lalo na sa mga proyekto na kailangan sa napili niyang kurso.

“Kaunting tiis na lamang at malapit na malapit na,” bulong ni William sa sarili. “Kailangan kong gumawa ng paraan para matulungan sina inay at itay,” dagdag pa niya.

Habang nag-aaral ay naghanap si William ng part-time job para kumita ng pera na maaari niyang gamitin sa pag-aaral. Malaking tulong na iyon para mabawasan ang problema ng kaniyang mga magulang. Pumasok siya bilang crew sa isang fast food chain. Sa araw ay nag-aaral siya maghapon at pagsapit naman ng gabi ay nagtatrabaho na madalas ay inaabot pa ng madaling araw.

Labag man sa kalooban ng kaniyang mga magulang na magtrabaho siya sa mga panahong iyon ay sinubukan pa rin niya dahil alam niyang makakatulong ito sa pagpapa-aral sa kaniya. Kahit kaunti ay natutugunan ang iba niyang pangangailangan sa eskwelahan.

“Anak, kung nahihirapan ka at hindi mo kayang pagsabayin ay itigil mo na ang pagtatrabaho. Hayaan mong kami ng itay mo ang gumawa ng paraan,” sabi ng kaniyang ina.

“Hindi po, inay. Kaya ko po ito. Ayoko rin pong nakikita na nahihirapan kayo at namomroblema sa pag-aaral naming magkakapatid. Huwag niyo po akong alalahanin at nagagampanan ko naman po ng maayos ang pag-aaral at pagtatrabaho,” sagot niya.

Nang bumalik ang kaniyang alaala sa kasalukuyan ay biglang napangiti si William. Ilang araw na lamang kasi at muli siyang magmamartsa paakyat sa entablado. Nakasuot ng toga. Tatanggapin ang diplomang magpapatunay na siya ay nagtapos sa kursong arkitektura. Makikipagkamay sa kaniyang mga propesor na naging malaking bahagi ng kaniyang buhay dahil ang mga ito ang nagbukas ng pinto para sa kaniya upang siya ay matuto nang husto. Yuyukod sa harap ng daan-daang estudyanteng magsisipagtapos na katulad niya at mga magulang na labis-labis din ang kagalakang nadarama para sa mga anak. Sa gitna ng entablado ay muli siyang sasamahan ng kaniyang ama at ina upang isabit sa kaniya ang medalya bilang magna cum laude.

“Muli ay binabati ka namin, anak. Ito na ang matagal mong pangarap, ang araw ng iyong pagtatapos sa kolehiyo. Kapag naipasa mo na ang board exam ay isa ka na talagang ganap na arkitekto. Alam naman namin ng itay mo na kayang-kaya mo iyon kaya hindi kami nag-aalala,” masayang bati ng kaniyang ina.

“Proud kami sa iyo, anak,” pahabol na wika ng kaniyang ama.

“Salamat po. Kayo po at ang mg kapatid ko ang aking inspirasyon. Mahal na mahal ko po kayo!” tugon ni William tsaka niyakap nang mahigpit ang mga magulang.

Alam niya na simula pa lamang iyon ng malawak na landas na kaniyang tatahakin ngunit para sa kaniya ano mang hamon ang ibato sa kaniya ay kayang-kaya niyang harapin dahil nariyan ang kaniyang pamilya na palaging nakasuporta sa kaniya.

Advertisement