“Salamat po, Aling Iska, ha?”
Kahit malabo ang pagkakasabi, dahil sa diperensya ni Mike sa pagsasalita ay naiintindihan naman iyon ni Aling Iska. Tinanguan ito ng huli, at binilinang may iniwan siyang pagkain sa gilid ng mahabang upuang inilabas niya mula sa loob ng kanyang salon upang maging higaan ni Mike.
Simula nang payagan ni Aling Iska si Mike, isang pulubing may diperensiya sa pag-iisip at pagsasalita, na makitulog tuwing gabi sa terrace ng kaniyang salon kung saan may bubong, bintilador at higaan, ay naging ganoon na ang gawain nila. Gabi-gabi itong nagpapasalamat sa kaniya na malugod namang tinatanggap ng singkuwenta anyos na si Aling Iska. Palagi pa siyang may iniiwang pagkain sa binata na sasapat para sa hapunan at umagahan ng pulubing ito.
Bilang pagpapakita ng pasasalamat, kailanman ay hindi iniwan ni Mike na makalat ang terrace niyang iyon. Mas malinis na nga kapag nadadatnan niya sa umaga, kaysa noong iwan niya nang gabi. Malapit talaga sa kaniya ang binata, dahil ang tingin nito sa kaniya ay isang bayaning may mabuting puso na bukas ang loob na tumutulong.
Masaya naman si Aling Iska na tulungan si Mike nang walang kapalit, ngunit hindi niya akalaing isang malaking pangyayari pala ang magpapatunay kung gaano siya pinasasalamatan ng binata.
Nang gabing iyon, matapos niyang iwanan si Mike sa terrace tulad ng nakagawian, ay mayroon palang nangyaring hindi inaasahan.
Isang grupo ng kalalakihan ang nagtangkang pasukin ang kaniyang salon. Hindi kasi alam ng mga ito na may natutulog pala sa terrace niyon kaya’t tinangka nila iyong pasukin. Umalma naman si Mike upang protektahan ito laban sa mga kawatan. Agad niya silang itinaboy, ngunit sadyang mga tuso ang tatlong kalalakihan.
May sumuntok kay Mike, ngunit pinilit namang bumangon ng binata upang patuloy na iharang ang sarili sa kandado ng pintuan. Nariyang nasipa siya, nasikmuraan, sinuntok sa mukha, sinapak… ngunit nanatili siyang nakatayo upang protektahan ang salon ng taong tumulong sa kaniya, si Aling Iska.
Naglabas ng patalim ang isa sa mga kalalakihan. Handa na sana iyong isaksak sa walang kalaban-labang si Mike—mabuti na lang at may ilang tropa ng tanod na napadaan sa naturang lugar at agad na sinita ang mga kawatan!
Nang mabalitaan iyon ni Aling Iska, kinabukasan, ay sagad ang pag-aalala niyang tinungo kaagad ang kaniyang salon upang tingnan si Mike, ngunit wala na roon ang binata nang siya’y makarating. Dinala raw muna ito sa clinic upang bigyan ng lunas ang nabugbog nitong katawan.
Labis na naantig ang puso ni Aling Iska sa ginawang iyon ni Mike para sa kaniyang munting negosyo. Halos itaya nito ang sariling buhay para lang protektahan ang salon!
Nakatakas kagabi ang mga kawatan, ngunit sadyang naging matalino si Mike. Sa kabila ng pagiging person with disability nito ay nagawa nitong ilarawan nang maayos ang hitsura ng tatlong kawatan. Dahil tuloy doon, naging mabilis ang paghahanap sa mga ito na agad ding nahuli sa inuupahang apartment ng mga ito.
“Mike!” Humahangos si Aling Iska nang muling ibalik ng mga pulis ang binata sa kaniyang salon.
“Aling Iska! May gusto pong magnakaw sa inyo kagabi, pero hindi po ako pumayag, Aling Iska,” pagbabalita ni Mike sa kaniya nang magkita sila. Maitim ang isang mata ni Mike at namamaga pa, maging ang pisngi nito. Putok din ang labi at maraming pasa sa iba’t ibang parte ng braso at katawan, ayon na rin sa tanod na kasamang naghatid dito.
“Proud ako sa iyo, anak! Napakabait at talino mong bata. Dapat hindi sinasayang ‘yan, e,” pahayag pa ni Aling Iska sabay tapik sa balikat ng binata. “Hayaan mo. Simula ngayon, hindi na kita patutulugin dito sa terrace. Ipagagawa ko iyong kwarto sa itaas nitong salon at doon ka na titira, simula ngayon.”
Napapalakpak naman si Mike sa narinig, lalo na nang sabihin ni Aling Iska na pag-aaralin na rin siya nito. “Salamat po, Aling Iska, ha?” tulad ng dati ay saad ni Mike na may ngiti sa labi.
Iyon ang naging simula ng mas maayos na buhay ng isang pulubing PWD matapos niyang patunayang marunong siyang tumanaw ng malaking utang na loob sa taong taos pusong tumutulong sa kaniya. Ipinakita niya ang katapangan at pagmamahal bilang kaniyang ganti para sa kabutihan ni Aling Iska, na habang buhay niya pa ring tatanawin bilang utang na loob.