Inday TrendingInday Trending
Ate, Bati na Tayo

Ate, Bati na Tayo

“Mia, ano na naman ito? Tonta ka talaga. Wala kang kwenta!” nanggagalaiting sigaw ni Emma dahil nakabasag na naman ng plato ang dalaga.

Sanay na si Mia sa araw-araw na pangmamata ng kapatid niyang si Ate Emma at tinitiis na lamang niya ito palagi.

Tulad ngayon. Hindi na naman siya kumibo dahil alam niyang panibagong sakit na naman ang mararamdaman niya sa kamay ng kaniyang ate. Sa halip ay pinakinggan na lamang niya ang mga masasakit na salitang binibitawan nito ngunit parang hindi pa yata ito nakuntento. Isang malakas na sampal ang dumapo sa kaniyang pisngi at tila nabingi si Mia nung mga oras na iyon.

Walang lumabas na salita sa kaniyang bibig ngunit randam niya ang pag-agos ng luha sa kaniyang pisngi habang siya’y nakayukod.

“Sa susunod huwag kang tat*nga-t*nga. Napakabobo mo!” malakas na sigaw pa rin ng kaniyang Ate Emma habang nanlilisik ang mata.

Napayakap siya sa sarili’t pilit na lumalayo sa kaniyang ate dahil ayaw siya nitong tantanan sa pananakit. Iba’t ibang pamimisikal pa ang naranasan ni Mia bago siya nito tinigilan. Kita sa mga mata nito ang galit na hindi naman maintindihan ni Mia kung saan nagmumula.

Lumabas si Emma sa kusina na galit na galit.

Umubo si Mia at pilit na iniwasang umiyak lalo na nang mamataan niya ang pigura ng isang babaeng nakatayo sa pintuan simula pa kanina habang sinasaktan siya ng kaniyang ate, ang kaniyang mama. Ang kaniyang mama na dapat ay pumoprotekta sa kaniya ngunit kailan man ay hindi nito ginawa.

“Tumayo ka riyan at linisin ang mga pinggan,” saad ng kaniyang mama matapos masaksihan ang pangyayari sa pagitan nila ng kaniyang ate pagkatapos ay iniwan na lang din siya nito sa kusina.

Kumibot-kibot ang kaniyang labi at wari siya’y maiiyak anumang oras.

Napangiti ng mapait si Mia sa ginawang iyon ng kaniyang mama. Kahit masama ang loob ay pinili niyang ipagsawalang bahala iyon. Hinihiling na sana kasama pa niya ang kanilang ama. Pumanaw na kasi ito isang taon na ang nakalilipas.

“Mia, anak, palagi mo silang mamahalin, ha? Ikaw ang magiging sandalan ng mama at ate mo,” mga huling sinabi ng kaniyang ama noon bago ito bawian ng buhay.

Pero paano? Paano ba sila mamahalin at paano nila ako masasandalan kung ganito sila sa akin, pa? sa isip-isip niya.

Kinabukasan maagang nagising si Mia sa ingay ng alarm clock ng kaniyang Ate Emma. Alam niyang hindi pa ito babangon kaya siya na naman ang gagawa ng gawain nito.

Mabilis na sumilip si haring araw at nagsimula na siyang maglakad palabas ng bahay upang pumasok sa eskwela. Gaya ng dati ay mas nahuli siya kaysa sa Ate Emma niya dahil ginawa niya pa ang lahat ng gawain sa bahay bago asikasuhin ang sarili.

“Mia!” sigaw ng kaibigan niyang si Aya habang kumakaway at nakatayo sa tapat ng gate ng kanilang bahay. Nagmadali siyang maglakad upang salubungin ito.

“Aray,” napadaing siya nang panggigilan ni Aya ang kaniyang pisngi. Napataas ang kilay nito kaya napaiwas naman siya ng tingin.

“Sinaktan ka na naman niya, tama?” tanong ni Aya. “Wala namang bago doon, Aya. Sanay na ako roon kaya huwag kang mag-alala.” Isang matamis na ngiti ang ibinigay ni Mia sa best friend niya.

“Hindi ka punching bag, Mia. Hindi ka dapat sinasaktan. Dapat minamahal ka nila!” Napataas ang boses ni Aya kaya tinakpan ni Mia ang bibig ng kaibigan.

“Mahal nila ako. Dati noong nandito pa si pa…” Hindi na naituloy pa ni Mia ang sasabihin nang may tumawag sa pangalan niya. Parehas napatingin ang magkaibigan sa lalaking tumatakbo.

“May problema ba?” Si Aya ang nagtanong sa humahangos nilang kaibigan. Si MJ.

“Ang ate mo, Mia…” Biglang naghuremintado ang kaniyang puso sa mga unang salitang binitiwan ni Mj. “… nasa ospital!”

Nanlaki ang mata ng dalaga kaya dali-dali siyang lumabas ng gate at walang tanung-tanong na nagpasama kay MJ.

Narating nila ang ospital nang pagod na pagod. Tinanong nila kung saan naroon si Ate Emma at agad nila itong pinuntahan.

Bukas ang pinto nang abutan ni Mia ang kanilang mama na nagsasalita.

“Sorry, Emma. Alam kong naging masama akong ina sa inyo ni Mia pero masisisi mo ba ako? Anak, masisisi mo ba si mama kung gusto niya lang na mapabuti ka at makuha ang dapat ay sa iyo?”

Napasandal si Mia sa pader at naluluhang patuloy na nakinig. “Alam kong mali na hindi ko sinabi sa’yo ang katotohanan. Sana, anak, ay magkaayos na kayo ni Mia ngayon.”

“Sorry sa pagiging makasarili ko. Dahil sa selos ko at galit hinayaan kong kayo ang magbayad sa maling kasinungalingan ng inyong ama. Patawad, anak. Patawad kung hindi ko ipinaintindi na kapatid mo talaga si Mia sa ama, Emma.”

Nabigla si Mia sa sinabi ng kanilang mama. Maging ang paghikbi niya’y natigil. “Hindi niya ako anak?” tanong niya sa kaniyang isip.

“Mama,” umiiyak niyang panimula. “Hindi mo ako anak?” Nanginginig ang buo niyang katawan sa tanong na iyon.

Lumuhod sa harapan ni Mia ang ina. Umiling-iling ito bilang senyales na tama ang kaniyang pagkakarinig. Kaya pala hindi niya ako maipagtanggol dahil hindi niya ako tunay na anak.

“Mia, making ka sa akin.” Pinahid ng kaniyang mama ang luhang naglandas sa pisngi niya. “Huwag kang magagalit kay Emma. Ako, sa akin ka magalit. Hindi kay Emma.”

Lumingon si Mia sa kaniyang kapatid. Alam niyang kahit nakapikit ay naririnig sila nito.

“Hindi niya alam ang lahat. Ang buong akala niya’y ampon ka. May sakit si Emma. Natatakot lang siyang agawin mo ako sa kaniya dahil pakiramdam niya ay ginawa mo iyon sa papa niyo noon,” pagpapaliwanag ng kinilala niyang ina pero nakatitig lang si Mia sa kaniyang ate.

Nauunawaan niya na ang lahat.

Dumaan ang oras, araw at linggo na sila ng kaniyang mama ang palitan sa pagbabantay sa kaniyang Ate Emma. Sa kabila ng pagiging malupit nitong ate sa kaniya’y hindi sumagi sa isip niyang gantihan ito bagkus ay inintindi niya pa ito lalo.

Himalang naging mabilis ang paggaling ng kaniyang ate. Kasabay niyon ay ang muling pagkabuklod ng pamilya nila.

Napagtanto ni Emma kung gaano siya kasuwerteng naging kapatid niya si Mia kaya naman ganoon na lang ang paghingi niya ng tawad sa kapatid na malugod naman nitong tinanggap. Naging matatag ang pamilyang noo’y sinira ng isang pangit na nakaraan at ngayon ay pinagbuklod naman ng purong pagmamahal ni Mia para sa kaniyang mama at Ate Emma.

Advertisement