“We all have different problems in life at lahat ng iyon ay ibinibigay sa atin ng Diyos upang tayo’y mas patatagin. Tandaan niyong kailan man ay hindi tayo bibigyan ng Diyos ng problemang hindi natin kayang harapin.”
Napairap si Cathy sa sinasabi ng guro sa unahan. Para sa kaniya there’s no God who will make someone’s life miserable, if He really exist.
Kinutingting niya ang cell phone na kabibili lang niya. Tumingin siya sa langit at napabuntong-hininga nang mapagtantong malapit na naman siyang umuwi. Ito ang pinaka ayaw niyang parte sa buong maghapon, ang umuwi. Naiisip pa lang niyang makikita na naman niya ang kaniyang mommy at daddy ay tila nawawalan na siya ng ganang mabuhay sa mundo.
“Any questions, class?” tanong ng guro.
Walang nagtaas ng kamay sa kaniyang mga kaklase, waring nagnanais nang makalabas kaagad ang lahat.
“Ma’am!” Malakas na sigaw ang pumukaw sa atensyon ng kanilang guro. Bahagya pang namamaos ang tinig ni Cathy sa pagtawag kay Mrs. Reyes.
“What is it, Ms. Aldovino?” tanong naman nito.
Inilibot niya ang kaniyang mata at namataang inip na inip na ang kaniyang mga kaklaseng mataman siyang tinititigan dahil nagtaas pa siya ng kamay at nadagdagan ang oras ng kanilang discussion.
“Nag-e-exist po ba talaga Siya?” walang emosyong tanong ni Cathy na hindi pinansin ang mga matang nakatingin sa kaniya. “Oo naman. Hindi ka ba naniniwala sa Kaniya, Ms. Aldovino?” Tumayo si Mrs. Reyes at naglakad malapit sa bintana. “Totoo siya. Kahit na hindi natin siya nakikita mararamdaman naman natin siya basta’t maniwala lang tayo. Maniwala ka lang.”
Napatango-tango si Cathy bago umupo. Hindi kumbinsido sa sinabi ng guro.
Ilang minuto pa ang lumipas bago nagsilabasan ang lahat sa classroom.
Mabigat ang mga hakbang ni Cathy patungo sa classroom ng kaniyang bunsong kapatid, si Ryner. Hindi niya gustong ipakita sa kapatid kung gaano siya kalugmok ngayong araw sa kadahilanang hindi niya rin maintindihan.
Hindi napansin ni Cathy ang lalaking mabilis na naglalakad. Nawalan siya ng balanse kaya naman natumba siya nang masagi ng bahagya ang lalaki. Pawisan ito at hinihingal.
“Sorry, miss. Nagmamadali kasi ako. Okay ka lang ba?” sunud-sunod na tanong ng lalaking naghahabol pa ng hininga. Siguro ay malayu-layo na rin ang natakbo nito. Wala sa sariling napatango si Cathy at binigyan ng daan ang lalaking nakabangga sa kaniya.
Matapos niyang mapagpagan ang paldang mukhang nadumihan ay agad ding umalis ang dalagita. Nakita niya ang kapatid na kumakaway sa kaniya kaya iyon din ang ginawa niya. Malawak na ngiti ang nakapaskil sa kaniyang labi habang kaharap ang kapatid. Iba sa kaninang itsura niya bago ito puntahan.
“Hi, dude!” Pinaglapat nila ang kanilang mga kamao na parang magkabigan.
Si Ryner lang ang kapatid ni Cathy. Sampung taong gulang na ito. Ginulo ni Cathy ang buhok ni Ryner na ikinabusangot naman ng bunsong kapatid.
“Tara na?” Tumango si Ryner at naglakad sila pauwi.
Nagkukulay kahel na ang kalangitan nang makarating sila sa bahay. Binuksan ni Cathy ang bakal na gate at sabay silang pumasok sa bahay ni Ryner. Agad siyang napatigil nung bubuksan na niya ang pinto dahil sigawan na naman ang naririnig sa loob ng maliit nilang tirahan. Tinakpan niya ang tenga ng kapatid at nanatiling nakatayo muna sa labas ng bahay.
“What now, Hector, ha? Anong palusot naman ang sasabihin mo ngayon? Wala lang iyon, Alice. Nag-uusap lang kami. Ganoon ba? That’s bullshit!” Halos mapatid ang litid ng babaeng nagsasalita.
“Enough, Alice! Kung ganiyan kakitid ang utak mo mabuti pang lumayas na lang ako rito!”
Nilukuban ng kaba si Cathy nang marinig ang sinabi ng kanilang ama. Bubuksan na sana ni Cathy ang pinto nang magsalita muli ang kaniyang ina, humahagulgol.
“Ano pa ba ang kulang, Hector?” may hinanakit sa salitang binitiwan ng kanilang ina. “Ibinigay ko ang gusto mo! Inampon ko si Cathy nung mga panahong akala natin ay hindi na tayo magkakaanak. Pagkatapos ay nagsilang pa ako ng isang supling, ang tunay nating anak. Hindi pa ba sapat iyon?”
Bumalatay sa mukha ni Cathy ang sakit at kirot na kaniyang naramdaman sa narinig!
“Stay here, Ry. Bawal ka pang pumasok sa bahay. Si ate muna, ha. Hintayin mo ako dito. Close your eyes at takpan ang tenga.” Inilagay ni Cathy ang kamay ni Ryner sa sarili nitong tenga.
Pinahid muna ng dalagita ang luhang parang gripong tumutulo mula sa kaniyang mata.
“Tapos na ba kayo?” Natigil sa pagtatalo ang kaniyang mga magulang nang makitang nasa harap siya at umiiyak.
“Why are you so unfair? Palagi kayong nag-aaway! Palagi kayong wala o kaya si Ryner lang ang mas nakikita niyo!” Halos mapatid ang litid sa leeg ni Cathy sa pagbitaw ng mga linyang iyon.
“Hindi ko hiniling sa Diyos ang perpektong pamilya.” Pinahid ni Cathy ang walang awat na pagtulo ng mga luha sa kaniyang pisngi. “Hindi ako humiling ng kahit na ano kung hindi ang maging maayos lang tayo. Ni kahit na magreklamo sa bawat problema ay hindi ko ginawa, ma, pa!” Matalim na titig ang kaniyang ipinukol sa kinilalang mga magulang.
Natulala naman ang mga ito at tila nawalan ng sasabihin.
“Cathy.” si Hector ang unang nakabawi sa mga hinanakit na sinabi ni Cathy.
Dali-daling tumakbo si Cathy palabas ng bahay at nilampasan ang lumuluhang kapatid.
Lakad-takbo ang ginawa ng dalagita hanggang mapadpad siya sa isang abandonadong bodega kung saan madalas silang maglaro ni Ryner noon. Napansin niya ang maliit na ilaw doon kaya pumasok siya.
“Kuya, malamig,” saad ng batang yakap-yakap ang sarili habang nanginginig.
Ito ang namataan ni Cathy roon. Nilapitan niya ang batang tanging karton lang ang sapin na hinigaan. Walang kahit na anong bagay ang makikitang puwedeng ipantakip sa katawan ng bata kaya naisip niyang hubadin ang palda at ito ang ibigay na kumot sa batang namamaluktot tutal ay may suot naman siyang shorts.
Mayamaya ay may dumating na lalaking sa hinuha niya’y kilala niya. Ito rin yata iyong lalaking nakabangga niya kanina.
“Sino ka? Anong ginagawa mo rito?” tanong ng lalaki sa baritono nitong tinig. “Napadaan lang ako. Pasensya,” sagot ng dalagita.
Aalis na sana si Cathy nang biglang umiyak ang batang kaniyang inasikaso kani-kanina lang.
Nagmadaling lumapit ang lalaking kararating lang sa bata.
“Kain,” nangangatal ang boses na saad ng bata kaya napatingin siya sa kuya nitong hindi makakibo.
“Dito ka lang. Bibili lang ako ng pagkain,” wika ni Cathy.
Nagmadali siyang pumunta sa pinakamalapit na kainan at tsaka bumili ng apat na kanin at mainit na nilagang baboy. Pagdating niya sa abandonadong bahay ay agad siyang naghanda upang makakain ang dalawa.
Randam ni Cathy ang pagkapahiya sa itsura ng lalaking hindi niya kilala.
“Cathy,” pagpapakilala niya nung tulog na ang batang napag-alaman niyang si Lilay.
“Ronie,” saad naman ng lalaking katabi niya.
“Kaya ka ba nagmamadali kanina ay dahil sa kaniya?” mahinang tanong ng dalagita. Isang tango ang naging sagot ni Ronie kaya’t napabuntong-hininga siya.
“Bakit kayong dalawa lang? Nasaan ang magulang niyo?” tanong muli ng dalagita. “Iniwan nila kami, nagsawa.”
Tumingin si Cathy kay Ronie. Walang bahid ng lungkot sa mukha ng binata.
“Naiisip ko minsang magalit sa kanila pero hindi ko magawa,” pagpapatuloy ni Ronie. “Sila kasi ang nagluwal sa akin, sa amin ni Lilay. At kung hindi nila ginawa iyon ay hindi namin masisilayan kung gaano kagandang mabuhay.”
Hindi umimik si Cathy. Walang salitang lumabas sa kaniyang bibig kung hindi ang mga hagulgol buhat sa sinabi ni Ronie. Galit siya sa pamilya niya dahil hindi man lang siya mabigyan ng atensyon pero nariyan sila at tinutustusan ang kaniyang mga pangangailangan, kinupkop siya ng mga ito at may maganda siyang buhay samantalang ang katabi niya ay hindi nagtanim ng galit sa mga magulang nito o ni kuwestiyunin ang Diyos kung bakit nito ipinaranas sa kanila ang ganoong klase ng hirap.
“Uuwi na ako,” paalam niya kay Ronie bago lumabas ng lugar na iyon.
Pagdating ni Cathy sa bahay ay nasa kusina ang kaniyang mga magulang.
“Cathy!” Mabilis ang pagtayong ginawa ng kaniyang ama at ganoon din ang kaniyang ina. Niyakap siya ng mga ito na para bang alalang-alala sila sa kaniya.
Napangiti si Cathy kahit may bahagyang luhang pumatak sa kaniyang pisngi. Ngayon niya napagtatanto ang lahat.
Tunay nga ang sinabi ng kaniyang guro na totoong nag-e-exist ang Panginoon. Iyon nga lang ay hindi niya iyon makita dahil nabubulag siya ng sobrang lungkot at kawalang pag-asa. Kung hindi niya pa nakilala si Ronnie ay baka patuloy pa rin siyang nalulugmok sa kalungkutan hanggang ngayon.
Isiniwalat ni Cathy sa mga magulang ang lahat ng kaniyang nararamdaman maging kung papaano siya natauhan.
Simula noon ay nangako ang mga itong mas magiging mabuting magulang sa kanila ni Ryner. Bukod doon ay nangako rin silang tutulungan sina Ronnie at Lilay.
Higit sa lahat nangako rin si Cathy sa sarili na hindi na siya kailanman mag-iimbot sa Panginoon at kikilalanin niya na ang existence nito masaya man siya o nalulugmok sa problema.