“Cathy, tingnan mo oh. Andoon na naman yung Lolo sa batuhan. Pinapanuod niya na naman ang paglubog ng araw. Nakakatuwa siya, ano?” tanong ni Pia sa kaibigan habang tinuturo ang matandang nakaupo na naman sa batuhan.
“Oo nga eh, bakit kaya no? Halos isang buwan na siyang kada hapon ay nandiyan, di ba? Sa tuwing pauwi tayo andyan siya,” sagot ni Cathy, saka binalikan ng tanaw ang matanda upang masiguradong siya nga iyon.
“Baka naman nagagandahan lang talaga siya sa paglubog ng araw. Maaaring katulad ng ibang kabataan, di ba madalas sinasabi nila na ang paglubog ng araw ay sumisimbolo sa pagtatapos ng mapapait na pinagdaan at ang pagsibol ng araw, ang siyang sumisimbolo sa bagong pag-asa? Baka may problema lang siya,” tugon naman ni Pia saka hinawi ang kanyang buhok dahil sa lakas ng hangin.
“Sa bagay, tama ka. Tanungin kaya natin siya?” sambit naman ni Cathy dahilan para mapabungisngis ang dalaga.
“Oo sige! Halika na, dali baka umalis pa iyon. Magpababa na tayo dito!” nasasabik pang dagdag ng dalaga, bahagya namang siyang nakasimangot sa tugon ng kaibigan.
“Naku bukas na! Marami tayong assignment ngayon eh. Malamang naman nandiyan ulit siya bukas, nakatanaw sa araw at nakaupo sa batuhan.
Saka para matagal-tagal natin siyang makausap. Sigurado ako marami tayong matutunan sa kanya tungkol sa buhay,” sagot naman ng dalaga, sumang-ayon naman ang kanyang kaibigan sa kanyang ideya. Maya-maya pa, dumating na sila sa kanilang bahay at nagpaalam na sa isa’t-isa.
Matalik na magkaibigan ang dalawang dalaga. Nasa elementarya pa lamang sila nang maging magkaklase sila dahilan upang lumalim ang kanilang pagkakaibigan at makilala nila ang isa’t-isa. Ngunit tila lagi silang napapaisip sa tuwing mapapadaan sila sa tabing dagat. Palagi kasi silang nakakakita ng isang matandang lalaki dito na malayo ang tanaw at parang sobrang lalim ng iniisip. Hindi rin nila malaman kung bakit ba sila nababagabag sa matandang ito.
Kinabukasan, pagkatapos ng kanilang klase, agad na napagdedisyunan ng magkaibigan na magtungo sa nasabing batuhan kung saan malimit ang matanda. Sabik na sabik pa silang nagtungo dito at nagtutumakbo. Nag-unahan pa nga sila na makapunta dito. Ngunit pagdating nila sa lugar, hindi nila makita ang matanda. Naglakad-lakad sila baka umupo dito sa ibang pwesto, ngunit wala pa rin kaya naman nagdedesisyon silang bumalik muli sa pwesto ng matanda.
“Diba dito lang siya laging nakaupo?” pagsisigurado ni Pia saka itinuro ang bato kung saan laging nakaupo ang matanda.
“Oo, dito lang. Hindi ako pwedeng magkamali,” sagot naman ni Cathy, bigla namang may lumapit na ale sa kanila, parati rin itong andito, madalas nagpupulot ng mga mabebenta sa junkshop.
“Mga ineng, sinong hinahanap niyo? Yung matanda bang laging nakaupo dyan? Hala ayun dinala ng mga tambay sa ospital. Biglaan na lamang kasing tumumba kanina pagdating niya. Buti na lang nakita ko siya. Malayo pa lang siya parang nahihilo na siya at hindi makahinga eh. Hindi siya maayos na nakakapaglakad saka nakahawak siya sa dibdib niya,” kwento ng ale saka bumalik sa kanyang kausap sa telepono, nag-aalala ang dalawa.
“Saan pong ospital, ate?” sabay na tanong ng dalawang dalaga.
“Alam ko dyan lang sa may kanto. Kilala niyo ba-” tugon ng ale, ngunit hindi na tinapos ng dalawang dalaga, nagpasalamat na lamang sila at agad agad na umalis.
Pinuntahan nila ang nasabing ospital. Nagtanong-tanong sila hanggang sa matagpuan nila ang kwarto kung saan naka-admit ang matanda. Nakita nila ang pangalan nito sa may pintuan na labis nilang ikinagulat.
“Sulpicio Mariano? Di ba Pia siya yung paborito nating teacher sa PE noong elementarya?” tanong ni Cathy ngunit hindi na sumagot ang kaibigan niya at dali-daling binuksan ang pintuan.
Doon nila napatunayan na iyon nga ang paborito nilang guro. Andoon rin ang doktor nito kaya nalaman nila ang tinatagong sakit nito. Napag-alaman rin nilang kakawala lang pala ng asawa nito dahil sa isang matinding karamdaman. Kaya raw laging andoon ang matanda dahil doon sila unang nakapagtagpo ng minamahal.
Labis naman na ikinagulat ng dalawa ang mga pangyayari. Sobra silang naantig sa dahilan ng kanilang guro upang laging magpunta sa lugar na iyon.
Kaya naman, napagdedisyunan nilang hingin ang tulong ng kanilang mga dating kaklase upang makatulong sa pagbabayad ng mga bayarin ng matanda sa ospital. Wala kasi ni isang anak ito, at tanging ang asawa lang niya ang kapamilya niya dito.
Matagumpay naman silang nakahingi ng tulong sa mga ito. Sa katunayan nga, nagtoka-toka sila kung sino ang magbabantay sa kanilang dating guro bawat oras at araw na labis namang ikinatuwa ng matanda.
“Maraming Salamat sa inyo, kahit na hindi niyo ako kaano-ano, inaalagaan niyo ako. Nagtapos man ang buhay ng minamahal ko, kagaya nang paglubog ng araw, may mga bagong buhay naman siyang pinadala upang alagaan ako,” mangiyak-ngiyak na sambit ng matanda, dahan dahan naman siyang niyakap ng mga estudyante.
Minsan talaga may pagkakataon na mapapatanong tayo, “bakit kaya ako nababagabag sa bagay na iyon?” at hindi kalaunan matatagpuan rin natin ang kasagutang talaga nga namang magpapaantig sa ating puso.