Inday TrendingInday Trending
Hindi Kasama sa Misyon Ko ang Mahalin Ka!

Hindi Kasama sa Misyon Ko ang Mahalin Ka!

Kahit labag sa loob ay nagpanggap si Alvin na bading upang hindi makilala ang tunay niyang pagkatao at matabunan ang kaniyang malupit na sekreto. Kinailangan niyang magdamit babae. Inaral kung paano mag-makeup ng sobrang kapal at magsuot ng wig upang maging mas epektibo ang pagpapanggap. Maliban pa doon ay kailangan niyang palitan ang kaniyang pangalan at ang pangalang Arriana ang naisip niyang gamitin.

“Oy, may kapit-kwarto na naman pala tayong beki? Bakit ba bentahin ang bahay ni Aling Sol sa mga machong beki?” natatawang wika ng babaeng mukhang kakagising lang dahil sa magulo nitong buhok.

“Hoy! Tumahimik ka nga. Bullying kaya iyang ginagawa mo,” saway naman ng isa pang babaeng bagong ligo.

“Nagsasabi lang ako ng totoo,” segunda ng babaeng naunang magsalita kanina.

“Macho nga ako pero kung tutuusin ay mas maganda ako kaysa sa kaniya o baka dahil kagigising lang ng babae at mukha pang bahay ng ibon ang buhok nito,” bulong ni Alvin sa isip.

Hindi na lamang niya pinatulan ang pagpaparinig ng babae. May mas mahalaga siyang dapat gawin dahil may misyong ipinagkatiwala sa kaniya ang kaniyang kumandante.

Si Alvin Thomas ay isang pulis kaya hindi niya alam kung bakit umabot siya sa ganitong pagpapanggap kung ang misyon niya lang naman ay magbantay sa anak ng isang mayamang negosyante. Isang spoiled brat na babae na naglayas sa mala-palasyong bahay nito at nangupahan sa lugar ng mga squatters. Kung anuman ang dahilan ng babae ay hindi niya alam.

Kagabi lang siya dumating sa paupahan ni Aling Sol at hindi pa niya nakikita ang babaeng dapat niyang bantayan ng palihim. Litrato lamang ang ibinigay sa kaniya ng kaniyang kumandante.

Muli siyang napatingin sa babaeng ngayon ay nakaangat ang mga paa sa upuan habang nagkakape. Medyo kahawig nito ang babaeng nasa litrato. Pero imposible iyon dahil mukhang prinsesa ang babaeng nasa litrato habang mukha namang dugyutin ang babaeng ito.

Kinagabihan ay pumunta si Aling Sol sa boarding house at ipinakilala siya sa lahat dahil siya ang bagong ka-boardmate ng mga ito.

“Arriana, ito naman si Lanie,” pakilala ni Aling Sol sa babaeng nagkakape kanina.

Ito na nga ang babaeng hinahanap niya. Medyo malayo pa rin ang itsura dahil mas maganda ang babaeng nasa litrato pero kahit papaano ay magkahawig ito at ang pangalang gamit nito ay tugma sa pangalan ng babaeng hinahanap niya.

“Hi, nice to meet you,” magiliw niyang wika habang pilit pinapaliit ang natural na malaking boses.

“Hello,” maiksing bati ng babae.

Lumipas ang maraming araw at nakakasundo na niya si Lanie. Mabait ang babae at hindi mahirap pakisamahan na sa tingin niya’y mabuti naman upang mas mapadali ang kaniyang trabaho. Gusto ni Lanie na lagi siyang kasama sa kahit saan na mas lalong pabor sa kaniya dahil iyon naman ang kaniyang trabaho, ang bantayan ito.

“Alam mo, Arriana, sayang ka kasi naging beki ka. Ang macho at ang gwapo mo kaya,” buong paghangang wika ni Lanie at tanging pagismid lamang ang kaniyang naisagot. “Alam mo kung lalaki ka baka jinowa na kita,” dagdag pa nito.

Bahagya siyang natigilan sa sinabi ni Lanie. Kung alam lang nitong isa siyang tunay na lalaki baka hindi nito masasabi ang mga bagay na iyon ngayon.

“Hindi tayo talo, girl, kaya manahimik ka na,” saad niya sa babae upang alisin ang tensyong nararamdaman niya sa kaniyang sarili.

“Alam mo bang crush kita. Kaso kapag nakikita ko ang mala-pamaypay mong pilik mata na may kulay pa at ang makeup mong sobrang kapal ay biglang nawawala ang feelings ko sa’yo. Mas malambot ka pa kasi kaysa sa’kin,” natatawang wika ni Lanie.

Kung puwede niya lang sabihin na may misyon siyang ginagawa sinabi na niya kaso ay baka pat*yin siya ng kumandante niya kapag ginawa niya iyon kaya nanahimik na lamang siya. Tsaka na lang siya aamin kapag puwede na.

Pinag-report si Alvin ng kaniyang kumandante na laking pasasalamat naman niya dahil sa wakas ay tatanggalin na rin niya ang kaniyang mabigat na pilik mata at makakahinga na rin ang kaniyang mukha mula sa makapal na makeup. Ini-report niya rito ang lahat ng ginagawa ni Lanie maliban sa umuusbong niyang pag-ibig para sa dilag.

Samantalang si Lanie naman ay biglang nalungkot sa boarding house dahil hindi niya kasama ang kaibigan niyang si Arriana kaya nagdesisyon siyang mamasyal sa kung saan upang maibsan ang nararamdaman niya.

Habang namamasyal ay may nakasalubong siyang lalaking kahawig na kahawig ni Arriana. Ang kaibahan nga lang ay lalaki ito habang si Arriana naman ay binabae. Isinantabi ng dalaga ang kaniyang pagdududa. Sa tingin niya ay imposibleng si Arriana ito dahil ubod ng lambot kung kumilos ng kaniyang kaibigan.

Isang araw ay muntik nang mapahamak ang magkaibigan. Ang buong akala ni Lanie ay hanggang doon na lang ang kanilang buhay ngunit laking gulat ng dalagita nang masaksihan ng dalawa niyang mga mata kung gaano kahusay sa pakikipaglaban si Arriana. Natalo nito ng walang kahirap-hirap ang dalawang lalaking nais sanang dumukot sa kanila.

Naalala ni Lanie ang lalaking nakita niya noong isang araw. Ang lalaking kahawig na kahawig ng kaniyang kaibigan.

“Aminin mo nga sa’kin ang totoo mong pagkatao, Arriana,” kompronta niya sa kaibigan nung nasa presinto na sila upang ipakulong ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki.

“Imposibleng bading ka! Sa galaw mo pa lang kanina’y kahinahinala na!” sigaw ni Lanie.

Nilingon siya ni Arriana at biglang sumaludo ito sa kaniya. “PO3 Alvin Thomas, ako ang naatasang magbantay sa’yo,” wika nito.

“So nagpapanggap ka lang pala sa’kin,” galit na saad ng dalaga.

“Kailangan kong gawin iyon dahil ayaw mong binabantayan ka. Kaya ka nga umalis sa mansyon niyo kasi ayaw mong may nagbabantay sa’yo. Pero hindi ka isang ordinaryong tao. Nagmula ka sa isang mayamang pamilya at lapitin kayo ng kapahamakan kaya lihim kang pinabantayan ng papa mo,” paliwanag ni Alvin.

“Kahit na! Sinungaling ka pa rin. Pinagtatawanan mo na ba ako ngayon kasi panay ang amin ko sa’yo na crush kita? Kasi akala ko bading ka? Tapos ngayon parang gusto ko na lang maglaho sa mundo kasi totoo ka pa lang lalaki!” saad ng dalaga.

“Ano naman ang masama kung may gusto ka nga sa’kin? Ganun din naman ako sa’yo, ah. Mas nahirapan ako dahil kailangan kong itago ang nararamdaman ko para lang magampanan ko ang misyon ko. Hindi ko misyon ang mahalin ka pero minahal kita, Lanie,” pag-amin ng lalaki.

“Gusto mo rin ako?” tanong ni Lanie.

“Oo. Gusto kita. Ngayon ay pwede ko nang aminin ang nararamdaman ko sa’yo kaso ang weird lang,” saad ni Alvin sabay lingon sa paligid. “Mukha akong bading na inabot ng umaga sa daan habang nangungumpisal sa’yo ng pag-ibig,” natatawang wika ni Alvin.

Natawa ng malakas si Lanie. Oo nga. Ang wierd ng sitwasyon nila ngayon. Pinagtitinginan na nga sila ng mga kasamahang pulis ni Alvin na halatang nagpipigil lang din ng tawa.

Bumalik na si Lanie sa mansyon ng kaniyang pamilya. Niligawan siya ni Alvin at hindi na siya nagpakipot pa. Sinagot niya ito agad. Wala na siyang pakialam sa iisipin ng iba. Talagang mahal niya ang lalaki kahit noong nagpapanggap pa itong bading.

Ngayon ay hindi na kailangang maglayas ni Lanie upang takasan ang mga bantay na itinalaga sa kaniya ng kaniyang ama. Ang boyfriend niyang pulis ay sapat na para bantayan siya. Tuwing kasama niya si Alvin pakiramdam niya ay palagi siyang ligtas.

Wala talagang makakapagsabi kung kailan darating ang pag-ibig pero ang mahalaga kahit nagsimula itong umusbong sa maling sitwasyon maaari naman itong maging tama pagdating ng panahon.

Advertisement