Namasukan sina Ashley, Zion at Sitah bilang katulong at drayber sa mansyon ng pamilya Alvarez upang gawin ang planong paghihiganti kay Don Willie Alvarez, ang padre de pamilya ng mga ito.
Si Don Willie ang naging dahilan kung bakit nalugi ang negosyo nila dahilan upang mamatay ang kanilang papa. Kinamkam ni Don Willie ang lahat ng kanilang negosyo at siniraan ang kanilang ama kaya wala nang nagtiwala rito.
Matagal na nilang pinagplanuhan kung paano sila gagawa ng hakbang upang makamit nila ang hustisyang matagal na nilang inaasam at ito na nga ang tamang panahon. Papasukin nila ang mansyon ng mga Alvarez, kukunin ang tiwala ng pamilya tsaka nila isasakatuparan ang kanilang plano.
“Ashley at Sitah, sumabay na kayong kumain sa’min. Hindi kami sanay na may nakatayo sa likuran namin habang kumain. Isipin niyong pamilya na rin namin kayo. Kumuha na kayo doon ng tig-iisa niyong plato at sumabay na sa’min,” nakangiting wika ni Don Willie na agad namang sinang-ayunan ng pamilya nito.
“Hindi po ba nakakahiya, sir?” nahihiyang tanong ni Ashley. “Naku! Pagdating sa pagkain ay walang taong mayaman at mahirap. Ilalabas din naman natin ang mga kinain natin kaya ang ibig sabihin lang nun ay pantay-pantay tayo,” paliwanag ni Don Willie.
Hindi akalain ng dalawa na may ganoong ugali si Don Willie. Inisip na lang nilang baka nagpapakitang-tao lamang ito dahil bago lamang silang pasok na katulong.
“Zion, matatagalan ako sa meeting kaya kumain ka na muna. Hindi kita nakitang kumain kanina sa bahay,” wika ni Don Willie Alvarez sabay abot ng limang daang piso kay Zion. “Sige na. Pagkatapos mong kumain ay umakyat ka sa opisina ko,” dagdag pa nito sabay talikod sa lalaki.
Si Zion ang naatasang maging personal driver ni Don Willie habang ang dalawa naman niyang kapatid na sina Ashley at Sitah ay katulong sa mansyon. Hindi niya lubos akalain na ganun makitungo si Don Willie sa kaniyang mga empleyado. Baka pakitang-tao lamang iyon ng lalaki kasi ang totoong ugali nito ay hindi talaga nakakain ng aso. Tuso at gahaman si Don Willie. Iyon ang sabi ng mama nila. Ito ang dahilan kaya nasira ang pamilya nila. Ito ang dahilan kung bakit sila naghirap!
Lumipas ang tatlong buwan at muling nag-usap ang magkakapatid upang pagdesisyunan kung kailan nila gagawin ang planong pagsunog sa malaking mansyon. Aabuhin nila ang pinaghirapan ni Don Willie upang kahit papaano ay maipaghiganti man lang nila ang kanilang ama.
“Kuya, parang ayoko nang ituloy ang naumpisahan nating plano,” saad ni Ashley na agad namang sinang-ayunan ni Sitah.
“Ano? Tandaan ninyo matagal na nating plinano ang bagay na ito tapos ngayong nandito na tayo aatras kayo?” dismayadong wika ni Zion. “Bakit hindi na lang tayo mag-imbestiga sa sarili nating paraan, kuya? Alamin natin ang buong katotohanan,” suhestiyon ni Sitah.
“Mabait si Don Willie. Ibang-iba sa mga naikuwento sa atin ni mama,” dugtong ni Ashley.
Napaisip si Zion sa sinabi ng dalawang kapatid. Mabait nga ang matanda. Tatlong buwan na silang naninilbihan sa mansyon pero hanggang ngayon ay hindi nagbabago ang pakikitungo nito sa lahat ng empleyado. Ano ba talaga ang buong katotohanan?
Kumakain ng pananghalian si Zion kasama si Don Willie sa isang mamahaling restaurant.
“Alam mo ba, Zion, noong nagsisimula pa lang ako sa negosyo kong ito ay may naging kasosyo ako. Siya ang pinakamatalik kong kaibigan na si Lando. Labis ko siyang pinagkatiwalaan kasi nga bukod sa kasosyo ko siya matalik ko pa siyang kaibigan. Kaso dahil lang sa pera ay nakalimutan niya ang pagiging magkaibigan naming dalawa,” kuwento ng matanda.
“Nabaliw siya sa casino. Pinangsusugal niya ang pera niya. Pati ang pera ng kompaniya ay kinukupit niya dahilan upang tumagilid ang negosyong pinaghirapan namin. Pinagbigyan ko pa siya noong una. Siyempre ganun naman talaga kapag importante sa’yo ang isang tao, ‘di ba? Magbibigay ka ng maraming pagkakataon. Kaso sinayang niya ang lahat ng iyon hanggang sa nawalan na ako ng tiwala sa kaniya,” pagpapatuloy nito.
“Ibinalik ko sa kaniya ang perang inambag niya sa pagtayo ng negosyo namin at pinutol ko na ang ugnayan naming dalawa. Inayos ko ang lahat ng sinira ni Lando at salamat sa Diyos dahil hanggang ngayon ay nakatayo pa rin ang negosyong sinimulan namin. Kaso wala na ang pagkakaibigan naming dalawa,” malungkot na wika ni Don Willie.
Nais umiyak ni Zion sa katotohanang nalaman mula sa taong buong buhay nilang kinasuklaman dahil sa kuwento ng kanilang ina bago ito pumanaw. Ito pala ang buong katotohanan? Hindi pala ang papa nila ang totoong naagrabyado at biktima. Nangyari iyon sa papa nila dahil kagagawan naman pala nito ang lahat ng iyon at walang naging kasalanan si Don Willie.
“Ako po ang anak ni Lando,” nauutal na pag-amin ni Zion habang pilit pinipigilan ang pagbagsak ng luha.
“Buong buhay ko po ay nagalit ako sa inyo dahil ang buong akala namin ay isa kang sakim. Pero ngayong nakilala na kita at inamin mo sa’kin ang lahat ay nais kong humingi ng tawad, Don Willie. Nagtanim ako ng galit sa’yo dahil ang akala ko ay ikaw ang dahilan ng paghihirap namin. Sa inyo ko lahat isinisi ang naging buhay namin pero ang totoo pala ay biktima ka lang din,” humahagulgol niyang iyak.
Nagulat man nung una si Don Willie makalaunan ay niyakap niya ang binata sabay bigkas ng isang pangako. “Patawarin niyo ako kung naghirap kayo matapos kong putulin ang ugnayan namin ng papa mo. Hayaan niyo. Tutulungan ko pa rin kayo dahil kahit papaano ay naging mabuting kaibigan sa’kin ang papa ninyong si Lando,” saad ng matanda.
Pagkauwi sa mansyon ay agad ikinuwento ni Zion sa mga kapatid ang nangyari at inamin sa mga ito ang buong katotohanan. Katulad niya ay sabay na nag-iyakan ang dalawa. Pinaniwala sila ng mama nila na malinis ang papa nila at isa itong biktima. Itinanim ng mama nila sa utak nilang isang masamang tao si Don Willie. Kung anuman ang dahilan nito ay hindi na nila malalaman pa dahil matagal na itong pumanaw. Ang mahalaga ay ang ngayon. Kung anuman ang pagkakamali nila noon ay handa silang itama ang lahat ng iyon.
Tinupad ni Don Willie ang ipinangako niya sa magkakapatid. Binigyan niya ng posisyon si Zion bilang manager ng kaniyang kompaniya habang si Sitah na nakapagtapos ng kolehiyo ay ipinasok niya sa marketing team. Sinusuportahan din niyang ang pag-aaral ni Ashley.
Kung hindi nila kinilala ng lubusan si Don Willie ay baka nadagdagan pa ang kasalanan ng pamilya nila rito. Hindi pa rin sila hinayaan ng Panginoong Diyos na makagawa ng kasalanan sa taong wala namang ginagawang masama sa kanila.