Kasalanan Mo Lahat, Mama!
Alas tres pa lang ng hapon ay nakauwi na si Nadine sa kanilang bahay. May bitbit na naman itong kahon na may lamang gamit.
“Anak, tanggal ka na naman ba sa trabaho?” bati ni Aling Perla, ang nanay ng dalaga. “Ma, hindi ako natanggal. Nag-resign ako, just to be clear. Tsaka hindi ko na kaya ‘yong ugali ng boss ko. Parati na lang niya akong pinag-iinitan, ‘Yong damit ko, ‘yong pagsagot ko sa mga tawag at sinabihan pa akong malandi kaya ayaw ko na!” baling ni Nadine sa kaniyang ina.
“Eh, kasi naman, anak, ikaw naman talaga ang mali. ‘Yang mga pormahan mo ay hindi pang-opisina. Ganiyan ‘yong mga damit ng mg p*kpok sa Recto. Maiiksi at hapit na hapit ang damit. Eh, ‘di ba sekretarya ka sa opisina? Dapat, anak, formal. Tsaka hindi ito ang unang pagkakataong nawalan ka ng trabaho. Pang ilang beses na ba ‘to?” malungkot na tanong ni Aling Perla.
“Hay, naku, ma, tsaka niyo na ako bungangaan. Bad trip ako ngayon. Tsaka huwag kayong mag-alala kasi hahanap kaagad ako ngayon ng trabaho!” sagot ni Nadine sa kaniyang nanay sabay labas ng bahay.
“Talaga kang bata ka! Napakabastos mo kahit sa akin kaya lagi kang natatanggal, eh!” sigaw ni Aling Perla sa kaniyang anak.
Isang buwan lang natengga si Elaine sa kanilang bahay at ngayon ay may trabaho na kaagad ang dalaga.
“Sabi ko naman sa’yo may silbi itong ganda at alindog ko. Kita mo naman may trabaho na ang junakis niyo!” masayang balita ng dalaga sa kaniyang nanay.
“Saan ka naman nakahanap ng bagong trabaho, anak? Proud na proud talaga ako sa’yo,” bati naman kaagad ni Aling Perla habang naghahanda ito ng turon na kaniyang ilalako para sa meryenda.
“Sa may Makati lang. ‘Yong dating nanliligaw sa akin sa dati kong trabaho ay manager na ngayon doon sa bago kong pinapasukan kaya naman mabilis akong natanggap at isa pa’y mukhang type pa rin ako!” sagot ni Nadine sabay tumawa ito ng malakas tsaka ipinadyak ang kaniyang mga paa. Hinawi pa nito ang buhok tsaka sinuklay ito sa pamamagitan ng kaniyang mga daliri.
“Grabe, anak. Ang haba talaga ng buhok mo. Dasal ko lang na sana ay tumagal ka riyan sa trabaho mo at hindi mo sana makaaway ang kahit na sino,” wika naman ng ale.
“Wow, grabe support mo sa akin, ano po? Alam niyo kayo talaga ‘yong malas. Siguro parati niyong pinagdarasal na matanggal ako sa trabaho dahil wala kayong bilib sa akin? Iniisip niyo siguro na bobo ako kaya wala akong magiging trabaho. Pinagkakalat niyo siguro na palagi na lang nawawalan ng trabaho ‘yong anak niyo kasi bobo at malandi? Ang hirap sa inyo, eh, pera lang ang gusto niyo sa akin. Pera lang naman talaga ang importante sa inyo kaya palagi kayong galit kapag wala akong trabaho,” baling ng dalaga sa kaniyang nanay.
“Anak, bakit ka naman ganiyan kung mag-isip? Hindi ganiyan ang sinasabi ko tungkol sa’yo. Proud na proud ako sa’yo, anak,” sagot ni Aling Perla dito.
“Sus, parang hindi naman kayo ganun,” nakaismid na sagot ng dalaga sabay labas nito ng bahay.
Walang nagawa ang ale kung ‘di ang mapailing at mapabuntong-hininga. Nag-iisang anak lamang niya ang dalaga at aminado siyang naging dispalinhadong nanay siya kay Nadine dahil naging abala siya sa paghahanapbuhay at hindi na niya nagawa pang tutukan ang paglaki ng anak.
Napabarkada noon si Nadine at nakatikim din ng bawal na gamot kaya naman ngayon ay alam ng ale na nasa pahina pa siya ng kaniyang buhay na hindi niya maaaring sukuan ang kaniyang anak ano man ang mangyari.
Makalipas ang ilang buwan ay masayang nakikita ni Aling Perla ang kaniyang anak dahil mukhang masaya ito sa bagong trabaho. Medyo nag-iba na rin ang mga panlasa nito sa pananamit na siyang labis niyang ipinagpapasalamat. Mukhang maayos ang relasyon nito sa mga katrabaho at mukhang pormal ang napasukan nitong opisina dahil sa magandang pagbabago ng dalaga.
Isang araw habang naglalako si Aling Perla ng meryenda sa mga opisina sa Makati ay napaisip siya kung saan kaya banda nagtatrabaho ang kaniyang anak. Marami ng suki ang ale ngunit hindi pa niya nakikita ang anak.
“Aling Perla! Ngayon ko lang po kayo ulit nakita. Namiss ko na po ‘yong turon niyo. Pabili nga po ako ng anim,” saad ni Mark sa ale.
“Ikaw yata itong nagpalit na ng suki. Minsan mo na lang ako bilhan,” sagot naman ng ale.
“Naging busy lang po ako. May girlfriend na po kasi ako ngayon, Aling Perla! Eh, palagi kaming kumakain sa labas kaya minsan na lang ako nakakabili ng meryenda. Mabuti nga ngayon ay turon ang gustong niyang kainin. Siya nga po pala, kamusta na ‘yong anak niyo? May trabaho na ba?” pahayag ng lalaki at umupo muna ito sa tabi ng ale.
Sakto namang dumating ang nobya ni Mark at mabilis siyang tumayo bago pa naman makasagot si Aling Perla.
“Aling Perla, siya nga po pala ‘yong girlfriend ko, si Nadine,” pakilala ng lalaki.
Napangiti ang ale nang makitang anak niya ang tinutukoy ni Mark. Babatiin na sana niya ito ngunit nakita niyang nakaismid ang dalaga at mukhang hindi ito masaya na makita siya.
“Alam mo, babe, nagbago na ang isip ko. Ayaw ko na ng turon,” malamig na pahayag nito sa lalaki.
“Ay, ganun ba. Sayang naman kasi ang sarap sarap ng gawa ni Aling Perla. Alam mo bang isa ito sa mga the best na meryenda dito sa Makati tsaka matagal ko na siyang kilala,” sagot naman ni Mark sa nobya.
“Ayos lang, hijo. Sa susunod na lang,” singit naman ni Aling Perla.
“Halika na. Ibalik mo na ‘yan,” mataray na utos ng dalaga.
“Pasensya na po kayo, Aling Perla. Sa susunod na lang tayo magkuwentuhan tungkol sa anak niyo, ha. Tsaka promise sa susunod ay papakyawin ko na ‘yong tinda niyo,” bulong ni Mark dito pero rinig na rinig iyon ni Nadine.
Mabilis na naglakad ang magkasintahan palayo.
“Anong pinag-uusapan niyo tungkol sa anak nun?” tanong ni Nadine sa nobyo.
“Ah, ‘yong anak ni Aling Perla? Naku, palagi nun ipinagyayabang sa aming mga suki niya na napakaganda at napakatalino raw ng anak niya. Minsan pa nga ay na iintriga na kaming makilala ‘yong babae. Sa mga kuwento kasi nun ay parang napakabait at tila anghel ang kaniyang anak. Iyon nga lang ay hindi sila okay. Parang galit daw ata ‘yong anak niya sa kaniya kasi napabayaan niya kakatrabaho. Nakakaawa ano? ‘Yong ale grabe kung makapuri sa anak niya pero ‘yong anak niya hindi man lang siya magawang kausapin ng maayos, nakakalungkot. Palagi nga nun sinasabi na namimiss na daw niya ang anak niya at sana daw minsan makasabay naman niyang kumain ito,” sagot ni Mark sa nobya.
“Eh, kung ikaw ‘yong anak? Ano gagawin mo?” tanong ni Nadine rito.
“Kakausapin ko na ‘yong nanay ko kasi may edad na ito para pagtaniman ko pa ng sama ng loob. Tsaka nabanggit din sa akin ni Aling Perla na siya raw ang unang nalulong sa ipinagbabawal na gamot. Pagkatapos ‘yong anak niya ‘yong sumalo sa kaniyang bisyo hanggang sa ‘yong anak na rin niya ‘yong nalulong. Feeling ko sinisisi nung anak niya ang lahat ng mga masasamang nangyari sa buhay niya sa kaniyang nanay,” sabi naman ni Mark.
“Hindi ba dapat naman talagang sisihin ang mga ganung magulang?” mabilis na singit ng babae.
“Siguro, oo, pero hindi ko habang buhay isisisi ‘yon sa nanay ko. Tsaka isa pa, matanda na ako para hindi ko pa tanggapin ‘yong mga mali ko at pagkukulang. Eh, ‘yong si Aling Perla nga hanggang ngayon binabayaran pa rin daw ‘yong inutang niyang pinangmatrikula ng anak niya sa bumbay. Halos limang taon na pero hindi pa rin siya tapos sa pagbabayad,” dagdag pa ng lalaki.
Doon na tuluyang bumagsak ang mga luha ni Nadine. Ngayon pumasok lahat sa alaala niya ang mga sakripisyo ng kaniyang nanay. Naalala niyang napariwa ang kaniyang nanay noon nang bawian ng buhay ang kaniyang tatay dahil sa ligaw na bala. Napahinto siya sa pag-aaral at nagbenta ng laman sa Recto, napabarkada hanggang sa tumikim ng bawal. Nung nakabangon na ang kaniyang nanay ay siya namang paglubog ng kaniyang buhay. Simula nun ay hindi na natanggal pa ang galit sa puso niya.
Hindi man lang niya nakikita ang paghihirap ng kaniyang ina. Ngayon lamang niya nalaman na inutang pala sa bumbay ang pera para sa matrikula niya sa kolehiyo. Buong akala niya’y galing ‘yon sa pagtutulak ng bawal na gamot. Maski nga ang pagkatanggal niya sa mga trabaho ay isinisisi niya sa kaniyang ina. Ayon pala’y maling-mali siya dahil mahal na mahal pala siya nito.
Mabilis na tumakbo si Nadine pabalik kay Aling Perla at niyakap niya ito.
“Ma, sorry. Sorry kung ngayon lang ako natauhan. Kasalanan ko pala ang lahat,” umiiyak na pahayag nito.”Wala kang kasalanan, anak,” sagot naman ni Aling Perla at nagyakapan sila.
Ngayon ay taas noo nang ipinapakilala ni Nadine na nanay niya ang ale at tuwang-tuwa naman si Mark dahil siya papala ang naging daan para magkaayos ang mag-ina.