Inday TrendingInday Trending
Kasalanan Nga Ba?

Kasalanan Nga Ba?

Si Riza ay isang magandang dalaga. Apat silang magkakapatid. Siya, ang kaniyang Ate Cathy, si Marie at ang bunso nilang kapatid na si Peter. Isa ang kanilang pamilya sa pinakamayaman sa kanilang lugar ngunit pinutakti yata sila ng kamalasan.

Sa ngayon ay mas mahirap pa sila sa daga dahil nalugi ang lahat ng kanilang negosyo dahil sa kagagawan ng walang kwenta nilang ama na si Segundo, isang babaero at lulong sa bisyo lalung-lalo na sa pagsusugal. Ang kanilang ina na si Serafina ay nakikipaglaban naman sa isang malubhang sakit. Ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Cathy ay mas piniling maging babaeng mababa ang lipad kaysa manatili sa kanilang bahay. Ang isa niyang kapatid na si Marie ay naging biktima naman ng pang-aabuso. Pinagsamantalahan ito ng dati nitong nobyo. Si Peter naman ang pinakabata sa kanilang lahat. Mabait ito at palaging positibo sa buhay.

Maraming pera noon si Segundo dahil naging matagumpay ito sa negosyo ngunit hindi nito pinahalagahan iyon at inilustay sa mga walang kapararakang bagay. Gastos dito, gastos doon. Inuubos pa sa pambababae.

Naaalala ni Riza na kahit mapera sila noon ay hindi nito nagawang pag-aralin silang magkakapatid.

“Papa, wala po ba kayong balak na pag-aralin kami ulit? Iyong mga kaibigan namin ay araw-araw pong pumapasok sa eskwelahan samantalang kami ay nakatengga pa rin sa bahay. Ilang taon na rin po nung pinahinto niyo kami,” sabi ni Riza sa ama.

“Mayaman na tayo. Hindi niyo na kailangang mag-aral pa kaya pinahinto ko kayo, ‘di ba? Dito lang kayo sa bahay. Sigurado na kapag pumasok kayo sa eskwelahan ay magpapaligaw lang kayo at maglalandi,” inis na wika ni Segundo.

“Papa, hindi naman po kami ganoong klaseng babae at tsaka papasok po kami para mag-aral hindi para lumandi,” pangangatwiran ni Riza.

“Basta kapag sinabi kong hindi, hindi! Tapos ang usapan!” matigas na sabi ni Segundo sa anak

Doon na nagsimula ang matinding sama ng loob ni sa Riza ama. Imbes na ilaan ang pera nito sa sariling pamilya ay nilulustay lang nito iyon sa mga bisyo gaya ng pagsusugal at pambababae.

Ang kanilang ina ay walang nagawa kung ‘di buhayin silang magkakapatid sa alam nitong paraan. Nagbenta ito ng mga produktong pampaganda, mga bags at sapatos para may sariling perang panggastos para sa mga anak.

Ang kaniyang Ate Cathy ay sa sobrang inis sa nangyayari sa kanilang pamilya ay mas piniling magrebelde hanggang sa napariwara ang buhay at naging babaeng bayaran para mabuhay.

Dumagdag naman sa problema nila ang kapatid na si Marie na pinagsamantalahan ng nobyo dahil ayaw nitong magpagalaw rito. Sa ngayon ay palagi itong nakatulala at tila wala ng gana sa buhay. Sinubukan nilang bigyan ng katarungan ang nangyari sa kapatid ngunit mas maimpluwensya ang pamilya ng dati nitong nobyo at tinapalan ng pera ang hustisya. Dahil sa walang pakialam sa kanila ang kanilang ama ay hindi sila nakatikim ng suporta rito hanggang sa naibasura ang kaso at nakalimutan na.

Hindi pa doon nagtatapos ang pasanin nila dahil ilang linggo lang ang nakalipas nung nalaman nila na may malubhang sakit sa dibdib ang kanilang ina. Minsan ay napapaisip na lamang si Riza sa sarili.

“Bakit ganito ang buhay naming pamilya? Ang gulo, ang hirap. Ganito na ba talaga kasaklap ang buhay sa amin?” mangiyak-ngiyak na sabi ni Riza sa isip.

Sa kabila ng dagok sa kanilang pamilya ay nananatiling positibo ang kaniyang bunsong kapatid na si Peter.

“Ate, malungkot ka na naman? Alam kong may matinding pinagdadaanan ang ating pamilya pero hindi iyon dahilan para malugmok tayo. Kapit lang tayo sa isa’t isa, ate. Kakayanin natin ang lahat ng ito basta sama-sama tayo. May awa ang Diyos sa atin,” wika ng bunsong kapatid.

Dahil sa sinabi nito ay nabuhayan si Riza. Para makatulong sa pamilya ay naghanap siya ng trabaho ngunit hindi naging madali sa umpisa dahil hindi naman siya nakapagtapos ng pag-aaral. Sadyang mabait naman ang tadhana sa kaniya dahil natanggap siya sa isang restaurant bilang tagahugas ng mga pinggan.

Isang gabi pag-uwi niya sa kanilang bahay galing sa trabaho ay naabutan niya ang amang si Segundo na may kasamang babae sa sala. Tinanong pa ito ng kaniyang ina kung sino ang kasama nito.

“Sino ang babaeng iyan, Segundo? Bakit mo siya dinala rito?” mahinang tanong ng ina sa kaniyang ama.

Imbes na sagutin ang tanong ni Serafina ay isang malutong na sampal ang iginawad ni Segundo sa mukha ng asawa. Hindi pa ito nasiyahan. Sinabunutan, sinuntok, sinipa at tinadyakan pa nito ang kaawa-awa niyang ina hanggang sa mawalan ito ng malay.

“Mama, mama! H*yop ka, papa. Alam mo namang may sakit si mama sinaktan mo pa!” singhal ni Riza sa ama.

“Bagay lang iyan sa mama mo. Sobrang pakialamera,” tatawa-tawang sagot ni Segundo.

Patakbo nilapitan ni Riza ang ina. Kitang-kita niyang dumudugo ang ilong ng kaniyang ina. Niyugyog niya ito pero hindi sumagot. Tila tumigil ang mundo ni Riza nang maramdaman na hindi na ito humihinga. Wala siyang maisip. Hindi niya alam ang gagawin. Iniwan niya ang ina at pumunta sa kusina. Dinig pa niya ang malakas na tawanan ng kaniyang ama at ng babae nito. Bigla na lang nagdilim ang kaniyang paningin. Hindi niya namalayan na hawak na niya pala ang isang matalim na kutsilyo. Nagmamadali siyang lumabas ng kusina at walang sabi-sabing pinagsas*ksak ang ama.

“Hayop ka, papa. Pinaslang mo si mama. Dapat ay mawala ka na rin!” galit niyang sabi habang sinas*ksak si Segundo.

Kita niya sa dalawang mata ang pagkagulat ng kalaguyo nito. Nagmakaawa ito sa kaniya ngunit inundayan rin niya ito ng saks*k hanggang sa mawalan rin ng buhay.

Matapos ang nangyari ay tsaka lamang napagtanto ni Riza ang ginawa. Wala siyang kamalay-malay na dinadampot na siya ng mga pulis at naroon na rin ang kaniyang mga kapatid na humahagulgol ng iyak sa nangyari sa kanilang mga magulang.

“Dugo? Bakit may dugo ang kamay ko? Pulis? Bakit may mga pulis na nakapaligid sa akin?” sunud-sunod na naitanong ni Riza sa sarili.

“Hindi ko sinadyang pasl*ngin sila. Nagdilim ang paningin ko dahil sila ang dahilan kung bakit nasawi ang aming ina. Kasalanan bang pasl*ngin sila? Kasalanan bang pasl*ngin ang kagaya nila na walang ginawa kung ‘di bigyan ng sakit sa puso si mama? Pulis? Bakit may pulis na nakapaligid sa akin? Bakit nila ako hinuhuli? ‘Di ba hindi ko kasalanang pin*slang ko sila?” paulit-ulit niyang sabi.

Dahil sa kaniyang ginawa ay nakulong si Riza ngunit kahit kailan ay hindi niya pinagsisihan ang ginawa sa kaniyang ama at sa kalaguyo nito. Kung hindi dahil sa kagagawan ng mga ito ay hindi babawiin ng maaga sa kanila ang kanilang ina. Naintindihan naman siya ng tatlo niyang kapatid at natanggap niya sa mga ito ang pagpapatawad. Ilang taon niyang pinagbayaran sa kulungan ang kaniyang kasalanan hanggang dumating ang araw na napalaya na rin siya dahil sa magandang rekord niya sa loob.

Muli silang nagkasama-sama ng kaniyang mga kapatid. Ang kaniyang Ate Cathy ay itinigil na ang pagiging babaeng bayaran at naghanap ng mas disenteng trabaho. Ang kapatid niyang si Marie ay unti-unti nang bumabalik ang dating sigla at tiwala sa sarili. Ang bunsong si Peter ay masayang-masaya dahil sa wakas ay buo pa rin silang magkakapatid. Mas matibay at mas matatag. Ginamit nila ang naiwang pera ng kanilang ama para sa kanilang pagbabagong buhay.

Advertisement