Inday TrendingInday Trending
Mamang Sorbetero, Tikman Mo Ang Ganti Ko!

Mamang Sorbetero, Tikman Mo Ang Ganti Ko!

“Oh, ‘Nak, bakit parang ang lungkot-lungkot mo naman? Ang ganda-ganda ng araw, nakabusangot iyang mukha mo. Mahal ka no’n, huwag kang mag-alala.”

Hindi alam ni Analyn kung matatawa ba siya o maiinis sa pasaring na iyon ng mamang sorbeterong regular noong nagtitinda sa labas ng mataas na paaralang pinapasukan niya. Fourth year highschool noon si Analyn kaya naman talagang pressured na pressured siya tungkol sa kaniyang grades. Ni hindi na niya ma-enjoy ang kaniyang mga nalalabing araw sa eskuwela.

Ilang araw siyang nagpuyat sa kare-review para sa kanilang exams, ngunit mababa pa rin ang marka na natanggap niya! Paniguradong malulungkot na naman ang kaniyang Mommy.

“Si Manong naman, palabiro. Hindi naman ho boyfriend ang iniiyakan ko, e!” natatawang tanggi niya sa nangingising sorbetero.

“Hala?! E wala rin naman akong sinabing boyfriend mo ang iniiyakan mo. Ang sabi ko lang naman, huwag kang mag-alala’t mahal ka no’n,” pigil ang mga tawang katuwiran naman ng sorbetero kay Analyn.

Doon ay tuluyan nang natawa ang dalaga. “Oo nga, ʼnoh?” Pati sa sariliʼy natawa siya.

“Ayan, mas bagay sa ʼyo ang nakangiti, anak…” Nagulat si Analyn nang bigla na lang siyang abutan nito ng sorbetes. “Oh, mag ice cream ka muna para naman madagdagan ʼyang ngiti mo,” dagdag pa nito.

Agad namang nagpasalamat si Analyn. Sinubukan niyang bayaran ang ibinigay nitong sorbetes, ngunit tumanggi itoʼt sinabing regalo na lang daw nito iyon sa kaniya.

“Eh, ano ba kasing problema mo talaga, Hija, at nakasimangot ka kanina?” naitanong ng mamang sorbeterong nagpakilalang si Manong Jun.

“Kasi ho, mababa ho ang nakuha ko sa exams ko ngayong grading, e. Sigurado ako, madi-disappoint na naman sa akin ang mommy ko,” mulinh bumakas ang lungkot sa mukha ni Analyn.

“Naku, iyon lang ba? Hindi ba dapat ka ngang magpasalamat na may mommy kang madi-disappoint kapag nagkakamali ka?”

Napakunot ang noo ni Analyn sa sinabing iyon ni Manong Jun. Hindi niya kasi na-gets kung ano’ng ibig nitong sabihin.

“Kasi, Hija, isipin mo… iyong iba ngang bata hindi madi-disappoint ang nanay nila sa kanila, e. Kasi, unang-una, wala naman talaga silang nanay. Kung tutuusin, napakasuwerte mo pa, ‘di ba?” paliwanag ni Mang Jun na nakapagpatango kay Analyn.

“Alam mo, Hija, ang disappointment, natural na reaksyon lang ʼyan ng magulang para sa mga anak nila. Alam mo kung bakit? Iyon ay dahil lahat sila, gusto lang iyong best para sa atin. Isa pa, final exams na ba iyang kinuha mo ngayon?” Muli itong nagtanong na agad namang inilingan ni Analyn. “Oh, iyon naman pala, e. May pag-asa pa iyan, anak. Kaya mo ʼyan!”

Simula nang araw na iyon ay naging takbuhan na ni Analyn ang sorbeterong si Mang Jun, sa tuwing siya ay may problema. Napag-alaman niya ring hindi lang din pala siya ang madalas nitong mailibre ng tinda nitong sorbetes na may kasama pang sagad sa butong mga payo na talaga namang naging malaking tulong sa kanilang lahat. Animo ito naging pangalawang magulang ng mga batang nangangailangan ng gabay kapag sila’y nasa labas ng bahay.

Ngunit isang araw ay bigla na lamang nawala si Mang Jun. Nahinto ang pagtitinda nito ng sorbetes. Naka-graduate na lang at lahat si Analyn ay hindi na niya nakita pang muli si Mang Jun, hanggang sa siya’y magtungo na ng maynila upang mag-aral ng kolehiyo.

Baon ang mga payo ni Mang Jun ay napagtagumpayan ni Analyn ang buhay kolehiyo sa Maynila, kahit siya’y nag-iisa lamang doon. Hanggang sa makapag-umpisa siyang magtrabaho at makapagtayo ng negosyo at hindi nawawaglit sa isip niya ang mamang sorbeterong minsan ay nagbigay sa kaniya ng pagpapahalaga kahit hindi niya ito kaanu-ano.

Kaya’t nagpasya si Analyn, na sa kaniyang pag-uwi sa probinsiya’y muli niyang hahanapin si Mang Jun. Ganoon na nga lang ang kaniyang galak nang mapag-alamang hindi lang pala siya ang naghahanap dito kundi pati na rin ang karamihan sa mga estudyanteng noo’y natulungan nito.

Nakipagtulungan si Analyn sa kanila upang hanapin si Mang Jun, at hindi naman sila nabigo…

Sa isang barung-barong na gawa sa pinagtagpi-taping sako, trapal at mga lumang yero ay nananahan ang dati’y masigla’t masayahing si Mang June na ngayon ay nakaratay na’t pinahihirapan ng malubhang karamdaman.

Kaya pala ito bigla na lamang nawala noon ay dahil nagkasakit ito. Masuwerte na nga lang at hanggang ngayon ay lumalaban pa rin ito kahit na hinang-hina na ang katawan. Ganoon na lang ang paghagulhol ng karamihan sa mga dating estudyanteng ngayon ay pare-pareho nang umasenso sa buhay sa tulong ng mga payo at kaligayahang hatid ng libreng sorbetes ni Mang Jun noon. Hindi nila matanggap kung bakit ang mabuting tao pang ito ang sinalat sa kayamanan.

Sa pamumuno ni Analyn ay inilipat nila sa mas maayos na bahay si Mang Jun. Ipinagpagawa nila ito ng maliit na bahay kung saan ito maaaring maging kumportable at ikinuha ng sariling care-giver upang mayroong mag-alaga rito kung wala sila. Lahat ng pangangailangan ni Mang Jun ay kanilang pinag-ambag-ambagan upang manumbalik ang lakas at dating ngiti sa mukha ng taong noo’y nagbigay sa kanila ng bagong pag-asa. Ngayon ay maaari na nilang makasama nang mas matagal ang mamang sorbeterong noon ay halos hindi na kumita ng pera, makita lang silang masaya.

Advertisement