Inday TrendingInday Trending
Hindi Inaasahang Tulong

Hindi Inaasahang Tulong

“Nakita niyo na ba ‘yong bago nating manager? Nakakatakot, ano?”

“Oo nga. Parang laging mangangain ng tao kung makatingin!”

Naging malaking bulong-bulungan sa kompaniya ang pagdating ng bagong manager sa pinagtatrabahuang food company ni Jerry, isang janitor ng kompaniya. Paano’y maraming nagsasabing masungit daw ito, istrikta at masama ang ugali.

Base naman sa tingin ni Jerry ay medyo may katotohanan nga ang pagiging mataray at masungit ng kanilang bagong manager. Paano’y walang araw sa trabaho na hindi ito nakasimangot. Palaging nakataas ang isang kilay nito at nakakatakot na aura ang laging bumabalot dito.

Ganoon pa man ay mas pinagbutihan na lamang ni Jerry ang kaniyang trabaho upang hindi sana mapag-initan ng kanilang bagong manager na si Ma’am Noemy kung tawagin nila.

Ngunit hindi yata talaga kayang iwasan ni Jerry ang bagsik ng kanilang bagong manager. Makailang ulit na kasi siya nitong nasita sa trabaho. Napakametikulosa nito, mahigpit at nakatatakot.

Nariyang tawagin siya nito nang ilang ulit.

“Jerry, naglinis ka ba rito sa comfort room? Bakit napakarumi pa? Puwede bang pakiulit?”

“Jerry, paki ayos ‘yong ilang seats doon sa party area. Iwaiwarang, napakapangit tignan!”

“Jerry, paki walisan pa rito sa kitchen. Maalikabok. Ayaw ko nito.”

“Yes, ma’am!” Ang tanging sagot ni Jerry kahit medyo naiinis na siya sa mga utos nito. Kung hindi nga lang talaga kailangang-kailangan ni Jerry ng trabaho ay hindi siya magtitiis sa ganito.

Medyo tirik na ang araw nang makarating si Jerry sa trabaho nung araw na ‘yon. Alas sais ang call time niya ngunit alas otso na siya nakapasok. Kinakabahan siyang mag-report sa kaniyang Ma’am Noemy kaya inihanda na niya ang sarili sa katakut-takot na panenermon nito. Na-late siya dahil sa ‘di inaasahang traffic na idinulot ng isang aksidente sa daan ngunit hindi naman niya maaaring ikatuwiran iyon sa kaniyang boss.

Hindi nga siya nagkamali. Talagang sinermonan siya ni Maʼam Noemy nang matindi ngunit lahat ng iyon ay tiniis na lang ni Jerry at ipinagpatuloy ang kaniyang trabaho. Kailangan niya kasing kumita ngayon dahil nalalapit na ang first birthday ng kaniyang panganay na anak. Gusto sana niyang bigyan ng maayos na handaan ito dahil hindi niya ito naranasan noong siya’y bata pa.

Ngunit talaga nga yatang may kamalasan ang araw na iyon para kay Jerry. Nasa kalagitnaan siya ng paglilinis ng hallway nang magkaroon ng komosyon sa pagitan ng ilang kalalakihang production workers at ilang opisyales ng kompaniya. Naroon din ang kanilang Ma’am Noemy at ang dalawang guard na madalas nagroronda sa puwesto ng iyon. Kilala niya ang halos karamihan sa mga kasali sa naturang komosyon.

“Ma’am, hindi lang po dapat kami ang masabit dito. Si Jerry ho ang lookout namin!”

Nagulat na lang si Jerry nang marinig ang kaniyang pangalan, nang isigaw iyon ng isa sa mga lalaki.

Naging mabilis ang pangyayari at sa kalituhan ay namalayan na lang ni Jerry na isinasama na siya ng dalawang guwardiya.

“Sandali, sir, ano po ang kasalanan ko? Sandali po!” tarantang tanong ni Jerry. “Naglalabas ng mga produkto ang mga ito, Jerry. Tapos ay ibinibenta nila. Idinadawit ka nila bilang kanilang lookout simula pa kaninang umaga.”

Nagulantang si Jerry sa sinabi ng guwardiya.

“Ho?” halos maisigaw ng lalaki. “Hindi po totoo ‘yan! Sir, bakit idinadamay niyo ko? Nagtatrabaho ho ako nang maayos dito!” nanginginig ang tinig ni Jerry.

Ngunit hindi nagpatinag ang dalawang guwardiya at handa na sana siyang isama sa may mga sala nang bigla silang harangin ni Ma’am Noemy.

“Tigilan niyo si Jerry. Idinadawit lang nila ‘yan para marami silang maghahati-hati sa danyos na babayaran. Anong oras ba sila nag-umpisang maglabas ng mga products base sa kuha ng CCTV?” seryosong tanong ni Ma’am Noemy.

“Alas singko y medya po, ma’am,” sagot naman ng guwardiya.

“Alas singko? Alam niyo bang napagalitan ko pa kanina iyang si Jerry dahil dalawang oras na iyang late sa trabaho dahil traffic sa dinaanan niya? So papaano nila patutunayan ang statement nilang lookout nila ito? Kung iyan pa rin ang ipagpipilitan nila sa korte I’m very much willing to testify for the innocence of this man,” mariin pang paliwanag ni Ma’am Noemy sa mga guwardiya.

Parang nabunutan ng napakalaking tinik si Jerry sa dibdib at lalamunan. Halos mapaluhod siya dahil sa panginginig ng tuhod at sobra-sobra ang pasasalamat niya sa kaniyang boss.

Sa huli ay naabsuwelto si Jerry sa kaso at napatunayang inosente talaga siya. Nang dumating ang kaarawan ng kaniyang anak ay inimbitahan niya ang kaniyang Ma’am Noemy na nagregalo pa ng napakaraming gamit para sa kaniyang baby! Gatas, diaper at ilan pang importanteng pangangailangan ng bata.

Napag-alaman ni Jerry na dalaga pa rin pala ang kaniyang Ma’am Noemy sa edad nitong fourty-six at sa kaniya ito nakakita ng katauhan ng isang anak.

Hindi akalain ni Jerry na ang nakilala niyang masungit, mataray at istrikta nilang boss ay isa pa lang tapat at napakabuting tao. Ganoon na lang ang pasasalamat niya dahil nakilala niya ito.

Advertisement