Inday TrendingInday Trending
Ako ang Tatayong Ama

Ako ang Tatayong Ama

Halos manggalaiti si Ken habang pauwi sa kaniyang bahay kasama ang nobyang si Aida. Magkatrabaho sila ng babae. Kanina lang sa opisina ay bigla na lang itong hinimatay kaya’t agad siyang nakasaklolo rito.

Ganoon na nga lang ang pag-aalala ng binata kaya’t agad niyang isinugod sa ospital ang nobya para lang malaman niyang buntis pala ito at hindi siya ang ama!

Kahit kailan ay hindi niya pa ginalaw si Aida. Bukod sa napakalaki ng paggalang niya rito at sa pamilya nito’y gusto niya muna itong pakasalan bago niya kunin sa dalaga ang pinakamahalagang yaman ng isang babae. Pagkatapos ay bigla na lang niyang malalaman na may nakauna na sa kaniya. Ang malala ay hindi naman sila nag-break ni Aida!

Ilang araw bago ang insidenteng halos magpaguho sa mundo ni Ken ay nag-away sila ni Aida. Gusto kasi ng dalaga na magsama na sila sa iisang bubong. Gusto nitong magtanan na sila ngunit hindi siya pumayag lalo pa’t ayaw namang magbigay ng magandang dahilan ni Aida.

Pagkatapos ay malalaman niya na lang na buntis pala ito? Halos mapamura siya sa kaniyang isipan.

“Mahal, sorry. Tatanggapin ko kung ayaw mo na sa akin. Tatanggapin ko kung itataboy mo ako,” malungkot na wika ni Aida.

Sakay ang dalawa ng kotse ni Ken nang sabihin iyon ni Aida ngunit nanatiling walang imik ang lalaki. Gusto niya munang pahupain ang galit niya bago siya magsalita upang iwasang makapagsabi ng hindi katanggap-tanggap na pahayag patungkol sa nobya.

Panay naman ang pagso-sorry ni Aida habang nasa biyahe sila papunta sa condo unit ni Ken. Pinakikinggan lamang ito ng binata ngunit hindi ito nagsalita.

Nang makarating na sa paroroonan ay hindi ginawa ni Ken ang nakasanayan na niyang gawin sa tuwing magkasama sila ni Aida. Hindi niya ito pinagbuksan ng pintuan at hinayaan niyang bumabang mag-isa ng sasakyan.

Pakiramdam ni Aida ay dinudurog naman ang kaniyang kalooban. Napakasakit para sa dalaga na makitang ganoon ang pakikitungo ni Ken sa kaniya. Ngunit bakit nga ba siya magrereklamo gayong nabuntis siya ng iba? Maging sarili niya’y isinisigaw na dapat lang iyon sa kaniya!

“Sino ang ama ng bata?” tanong ni Ken.

Napasinghap si Aida nang mabigla sa tanong na iyon ni Ken. Hindi pa man siya tuluyang nakapapasok sa condo unit nito ay binungaran na agad siya nito ng ganoon.

Hindi sumagot si Aida. Bagkus ay yumukod lang ito.

“Ayaw mong sabihin?” tanong pa ni Ken sa galit na tono.

“Fine, iibahin ko ang tanong. Kayo pa ba ng ama niyan? Pananagutan ka ba niya?” nakapamaywang pang dagdag ng binata habang matalim ang pagkakatitig sa kaniyang nobya suot ang may grado nitong salamin.

Inilingan naman ni Aida ang tanong ng kaniyang nobyo kasabay ng pagtulo ng luha mula sa kaniyang mga mata. Nanginginig ang kaniyang mga tuhod. Hindi niya akalaing darating ang panahong katatakutan niyang tinititigan siya ni Ken nang ganoon.

Lalong nanginig ang kalamnan ni Aida nang unti-unting lumapit sa kaniya si Ken. Nakakuyom ang mga kamao nito, halatang galit na galit. Kaya’t ganoon na lang ang tindi ng kaniyang pagsinghap nang biglang lumuhod si Ken sa kaniyang harapan!

“Marry me, Aida. Ako ang tatayong ama ng bata,” naluluhang saad ni Ken habang nakaluhod at nakatingin nang diretso sa mukha ng kaniyang minamahal na nobya.

Nanginginig sa takot ang nobya niya at hindi malaman ang isasagot kaya naman minabuti niya nang tumayo kaagad at yakapin ito.

“Sabihin mo lang sa aking mahal mo pa ako pakakasalan kita at pananagutan ko ang anak mo. Mahal mo pa ba ako, Aida?” tanong ni Ken sa kalagitnaan ng pagkakayapos niya sa dalaga.

Naramdaman niya ang marahang pagtango ng nobya at ang pagganti nito nang mahigpit na yakap sa kaniya. Doon ay lalong naghalo ang kanilang mga emosyon lalo na nang magsalita na si Aida.

“Patawarin mo ako, mahal, kung hindi ko nasabi sa’yo na…” Napabuntong-hininga muna si Aida. Mahal, ginah*sa ako ng stepfather ko!”

Lalo pang nagulantang si Ken sa isiniwalat ng kaniyang nobya! Pakiramdam niya’y tinakasan siya ng katinuan sa narinig. Gusto niyang sugurin ang lalaking gumawa ng masama sa babaeng pinakamamahal niya!

Niyakap ni Ken nang mahigpit si Aida upang ipaalam na naroon lang siya sa tabi nito. Handa siyang ipagtanggol ang nobya kahit na kanino.

Napagplanuhan ng magkasintahan na ipakukulong nila ang walangh*yang stepfather ni Aida ngunit kinabukasan ay nabalitaan nilang sumakabilang buhay na ito nang mas*ksak ng isang kainuman nung mismong araw kung kailan nalaman ni Ken na nagdadalantao ang kaniyang nobya.

Tila ang tadhana na ang gumanti upang hindi na mahirapan pa sina Aida at Ken kaya’t minabuti na lamang ng dalawa na ilihim ang lahat.

Desisyon ni Ken na akuin ang batang nasa sinapupunan ng kaniyang nobya dahil para sa kaniya’y wala itong kasalanan. Mamahalin niya ang bata nang buong-buo at ituturing itong sarili niyang dugo at laman.

Si Aida naman ay unti-unting pinaghihilom ang mga sugat kasama ang kaniyang nobyong si Ken.

Walang pagsidlan ng tuwa ang puso ni Aida dahil sa kabila ng mga nangyari ay hindi siya nagkamali ng lalaking minahal nang lubos. Alam niyang kahit anong mangyari ay magiging napakabuting ama ni Ken sa kanilang magiging mga anak. Tunay na napakabusilak ang pagmamahal ng lalaki sa kaniya. At dahil doon pagkapanganak ni Aida ay ikinasal sila sa simbahan. Iyon ang simula ng bagong magagandang alaalang bubuuin nila kasama ang bagong silang nilang biyaya.

Advertisement