Naaawa na si Kristina sa walang paningin niyang anak na si Ken. Palagi itong kinukutya ng ibang tao. Pakiramdam ni Kristina ay hindi naman talaga dapat nadamay ito sa komplikasyon na silang dalawa ng ama nito ang tunay na may kagagawan.
Nung nagkasakit kasi si Ken noong sanggol pa lamang ito ay hindi nila ito naipagamot man lamang sa mas mahusay na ospital dahil sa kahirapan na siyang naging dahilan kung bakit nauwi sa pagkabulag at pagkukumbulsyon ang simpleng lagnat nito.
Simula noong pumanaw ang kaniyang asawa ay mag-isa nang itinaguyod ni Kristina ang anak. Nais niyang ibigay ang lahat ng pangangailangan nito ngunit dahil hindi sapat ang kaniyang kinikita ay wala siyang magawa. Sawang-sawa na siya sa sitwasyon nilang dalawa.
Ang tanging nais lang ni Ken ay magkaroon ng kaalaman sa mundong ginagalawan. Tinangka ni Kristina na ipasok sa eskwela ang anak. Ngunit walang gustong tumanggap kay Ken dahil isa itong bulag. Gayunpaman ay patuloy ang buhay at si Kristina ang tumayong guro ng anak.
“Bakit ka umiiyak, mama? Naaalala mo na naman si papa, ano? Gusto mo tuparin ko ang pangako niya sa iyo?” Mga katagang lumabas mula sa bibig ng isang sampung taong gulang na si Ken. Hindi man siya nakakakita ay malakas ang kaniyang pakiramdam kapag tungkol sa pinakamamahal niyang ina.
“Hindi na kailangan, anak. Wala ito! Ano ka ba? Paano mo naman naalala ang pangako niya? Napakabata mo pa noon, hindi ba?” Lumapit si Kristina sa anak at inalalayan itong umupo sa kaniyang tabi.
“Naikukuwento po kasi iyon sa akin ni papa tuwing magkikita kami sa panaginip. Hanggang ngayon naman po binibisita pa rin niya ko sa panaginip.” Mula sa seryosong mukha ay umarko ang labi ni Ken sa pagngiti.
Hindi napigilan ni Kristina ang pagtulo ng luha kahit na medyo nagtataka siya sa sinasabi ng anak. Napakasuwerte niya kung tutuusin sa nag-iisang anak na si Ken. Mabait ito, maalaga, mapagmahal at matulungin.
“Ma,” tawag pansin ni Ken sa kaniyang ina upang sabihing makinig ito nang mabuti.
“Hindi ba pangarap mong marating ang Intramuros?” tanong ni Ken nang nakangiti sa kaniyang ina.
Naglandas ang luha sa mata ni Kristina dahil sa tinuran ng anak. Matagal nang pangarap ni Kristina na marating ang Intramuros dahil isa raw ito sa pinakamagandang lugar sa Maynila ayon sa kuwento ng dating asawa. Ngunit ngayong halos hindi na siya makagawa ng ilang bagay dahil tutok siya sa anak niyang si Ken ay alam niyang hindi na matutupad pa ang pangako sa dating asawa na pupuntahan niya ang nasabing lugar.
Katahimikan ang namayani sa kanilang mag-ina bago muling magsalita si Ken.
“Sabay po nating puntahan ang Intramuros, mama!” Napatayo pa si Ken at ipinakita sa ina kung gaano niya kagustong pumunta sa Intramuros. Inilabas nito mula sa kaniyang likuran ang isang kawayang alkansya na nang bitbitin ni Kristina ay halos hindi na niya ito makarga. “Ipon ko po ito, mama, para sa pagtupad ng pangarap niyo. Tuwing hapon po kasi kapag wala kayo’t nagtitinda ay naghahandog naman ako ng mga awit sa mga tao sa plaza na siya namang dahilan kung bakit nila ako binibigyan ng pera.”
Bahagyang napatango si Kristina habang naluluha.
“Sige, anak, pupunta tayong Intramuros.” Kinuha ni Kristina ang kamay ni Ken. Hinalikan niya ang anak bago niya ito niyayang pumasok sa loob ng bahay.
Lumipas ang isang buwan at nagpunta nga si Kristina kasama ang anak na si Ken sa Maynila. Alas dyes ng umaga nang marating nila ang Intramuros. Bawat magagandang tanawin na kaniyang nakikita ay ibinabahagi niya sa anak na masayang nakikinig sa kaniya.
Nakangiti at mababakas ang tuwa sa mukha ng mag-ina. Hindi inaasahan ni Kristina na darating ang panahon na masisilayan niya ang ganda ng Intramuros. Sa isip-isip niya ay tama nga ang tinuran ng namayapa niyang asawa.
Naamoy ni Ken ang bango ng mga pagkain kaya nakaramdam siya ng gutom. “Kakain na po ba tayo?” tanong niya sa inang abala sa pagtitingin ng mga paninda na makikita sa kalye. Alam kasi ni Ken na sasapat ang perang kaniyang naipon dahil halos dalawang taon din niya iyong inimbak sa kawayang alkansya.
“Oo, anak. Ano ba ang gusto mo?” may lambing sa boses na tanong ni Kristina. “Kahit ano po, mama!” may giliw namang sagot ni Ken sa ina.
Pumunta sila sa isang hindi naman ganoon kamamahaling kainan ngunit mukha namang masasarap ang pagkain. Doon sila nagpalipas ng tanghalian. Masaya silang nagkukuwentuhan ng ina nang marinig ni Ken ang pagtataboy ng guwardiya sa kung sino man. Dahil sa kaniyang kalagayan ay hindi niya nakikita ang mga nangyayari.
“Hindi ka maaari rito!” nakakatakot ang baritonong boses ng lalaking nagsalita.
“Sir, gutom na po ako. Kahit kaunting tira lang po sana,” malumanay na saad ng babae sa kausap nitong guwardiya.
Ilang beses pang ipinagtabuyan ng guwardiya ang nakikiusap na babae kaya naman hindi nakatiis si Ken at tinulungan na niya ito. Sinabi niya sa ina na isalo ang babae sa pagkain nila.
Nakangiti at nag-uumapaw ang kaligayahan ni Kristina sa busilak na puso ng kaniyang anak. Hindi ito nakakakita, nakakaranas ng pangungutya at napagtatawanan dahil sa kapansanan nitong taglay ngunit hindi ito kailan man nag-imbot at nakalimot na tumulong sa kapwa.
Nilapitan ni Kristina ang guwardiyang nagbabantay at kinausap ito. Nahihiyang sumama ang babae kay Kristina habang nakahawak sa kumukulo nitong tiyan.
Masayang nagkuwentuhan at nagkakilanlan ang dalawang babae habang nakangiting nakikinig sa kanila si Ken. Laking pasasalamat naman ng babae kay Ken nang ikuwento ni Kristina sa kaniya na ito ang nagsabing isalo siya sa pagkain.
Natapos silang kumain at lumabas na sa kainang iyon. Muling nagpasalamat ang babaeng nagpakilalang Ana sa mag-ina. Alas kwatro na ng hapon nang natapos ang kanilang paglilibot. Pagod man ay malaki ang mga ngiti nina Ken at Kristina.
Muli nang umuwi ng probinsya ang dalawa upang ipagpatuloy ang paghahanap-buhay ni Kristina. Mahirap na kasi kung mauubusan sila ng pera dito sa Maynila.
Di nila akalain na isang malaking sorpresa pala ang naghihintay sa kanila sa probinsya mula sa babaeng tinulungan nila kanina!
Isa pala itong artistang nagdi-disguise lang upang maghanap ng mga mamamayang maaaring tulungan ngayong Pasko. Mga mamamayang salat pero may mabubuti pa ring kalooban. Naghahanap siya ng mga Good Samaritan.
Gulat na gulat ang mag-ina nang malaman nila iyon. Pagkatapos ay sunud-sunod na ang naging sorpresa nito sa kanila tulad ng pangkabuhayan showcase, scholarship para kay Ken at perang pang-negosyo.
Halos hindi mapatid ang ngiti sa pisngi ng mag-ina. Para silang nananaginip ngunit pareho silang masaya. Napahagulgol pa si Kristina. Habang yakap-yakap niya ang anak na si Ken ay bumulong ito sa kaniyang tenga.
“Ma, ito iyong suwerteng sinasabi sa akin ni papa kagabi sa panaginip ko. Mahal daw po niya tayo.”