Inday TrendingInday Trending
Ang Silid

Ang Silid

Muli na naman napadako ang kaniyang mga mata sa pintuan ng silid na iyon.

“STAY AWAY HERE.”

Ang mababasa sa karatulang nakasabit sa pinto. Nagtataka si Ara kung bakit isang linggo na itong nakasabit doon. Hindi na nga siya mapakali sa kaiisip kung ano nga ba ang laman ng silid na iyon at ayaw silang papasuking mga empleyado roon. May pagkausisera kasi talaga si Ara at medyo tsismosa.

“James, ano’ng meron sa loob ng silid na iyon?” tanong niya sa kaibigang lalaki na kasabay niya ngayon sa paglalakad papuntang office desk.

“Ikaw talaga, Ara. Alam mo—” naputol ang sasabihin nito nang magsalita siyang muli.

“Hindi ko pa alam, James! Sasabihin mo pa nga lang ‘di ba?” pamimilosopo niya, bago natatawang pinagpatuloy sa pagsasalita si James.

“Minsan bawasan mo ang pagiging matanong mo, baka mamaya kapag nalaman mo ang sagot ‘di mo rin paniwalaan,” tugon ng lalaki na s’yang gumulo pang lalo sa isip ni Ara. Nakarating sila sa kanilang mga desk kaya naghiwalay na rin ang dalawa.

Alas singko ng hapon at uwian na. Mahihinang ulan ang siyang bumungad agad sa dalagang si Ara. Muli siyang sumulyap sa loob kung may natirang tao pa pero sarado na lahat ang ilaw maging ang pinto ng kanilang opisina.

May kakaibang kilabot siyang naramdaman kaya naman nagtatakbo na lang siya sa waiting shed na kaniyang nakita na ‘di naman kalayuan sa pinagtatrabahuhan. Nang may mamataan siyang sasakyan ay dali-dali niya itong pinara at saka sumakay. Alas-sais y medya na nang makarating siya sa kaniyang inuupahang condo unit. Agad siyang pumasok sa banyo at saka nagpalit ng damit pantulog.

Muli siyang pumasok sa trabaho. Isang babae ang nakita niya sa opisina nila na tila hindi mapalagay at nais buksan ang isang silid. Nagtataka siya kaya naman nilapitan niya ang babae.

“Miss, may hinahanap ka ba?” wika niya kahit nakatalikod sa kaniya ang babae. Namutla siya nang humarap ito sa kaniya. Mistulang kinatay ang mukha nito at kita ang mga lamang tila inuuod na. Marami ring dugo ang makikita sa mukha nito at ang lalong nagpakilabot sa kaniya ay sinabi nito…

“Ikaw! Halika, pasukin natin,” pag-aaya ng nilalang na ito na sinabayan pa ng ngisi. Nagpupumiglas siya ngunit hindi nito binibitiwan ang pagkakakapit sa kaniyang mga kamay…

Ang tunog ng alarm clock ang siyang nagpagising kay Ara. Mabuti na lang!

“Panaginip lang pala,” naibulalas ng dalaga nang malamang isang panaginip lang ang lahat. Tumayo na siya at dali-daling naghanda para sa pag pasok sa trabaho. Halos tanghaling tapat na nang nakarating siya sa kaniyang office desk at agad siyang nilapitan ni James.

“Ara, late ka na naman. Sigurado mapapagalitan ka na naman.”

Oo nga. Siguradong sermon na naman ang aabutin ko kay Sir Ramirez! Panglimang late ko na ito ngayong buwan!

“Hayaan mo na. Wala kasing dumaang sasakyan kanina eh,” sagot na lamang niya saka nag focus sa gawain.

“Calling the attention of Miss Ara Velencia. Please come here at the main office. Thank you!” Isang baritonong boses ang umalingawngaw sa kanilang office dahil sa announcement ng kanilang boss. Tumayo na siya dahil alam niyang para ‘yon sa offenses niya. Kumatok muna siya bago pumasok. Isang lalaki ang tumambad kay Ara pero malabo ang itsura nito. Maya-maya ay lumapit ito sa kaniya. Mukha itong nakangiti pero hindi maaninag nang maayos ni Ara ang mukha nito.

“Ara! Ara! Ara!” paulit-ulit na wika ng kanilang boss habang pinaiikutan siya. “Hanggang ngayon ba ay nagmamaang-maangan ka pa ring hindi mo alam?” nakangisi na nitong wika sa kaniyang harapan.

“S-Sir? Ano po bang tinutukoy n’yo?” Hindi niya alam pero tila kakaiba ang pakirandam niya ngayon.

Isang malakas na halakhak ang pinakawalan ng kaniyang boss. Sound proof kasi ang office nito, kaya hindi ito natatakot na baka may makarinig.

Binuksan ng kaniyang boss ang pintuan at itinuro ang silid kung saan nakakabit ang karatulang, “STAY AWAY HERE. Pinapupunta nito si Ara doon.

Bilang siya ang boss ay sinunod niya ito. Nagpunta siya sa silid na siyang matagal niya nang nais usisain.

Isa pa, ito ang silid sa kaniyang panaginip. Inalis niya ang mga kadenang nakapulupot sa seradura nito, gamit ang susing ibinigay ni Sir. Dahan-dahan niya itong binuksan. Madilim at tila imbakan ng kung ano ang naroroon. Niluwagan niya ang siwang sa pinto at namutla sa kaniyang namasdan. Naroon siya, si James at ang mga ka officemate nila! Mga nakabitin ang katawan, karumal dumal ang sinapit dahil sa pinagtatadtad ang mukha nito at kita ang mga laman.

Isang malakas na sigaw ang kaniyang ginawa nang mapansing nakatingin sa kaniya ang kaniyang sariling p*tay na katawan at nakangisi ito.

“Araa, Ara, gising!” Mahihinang tapik ang kaniyang naramdaman na siyang nagpagising sa kaniya. Nanlalagkit ang kaniyang katawan dahil sa pawis.

“Bakit ka ba sumisigaw?” nag-aalalang tanong ni James.

“Panaginip lang pala,” mahina niyang bulong na nagpawala sa kabang kaniyang nararamdaman.

“Ayusin mo na ‘yan. Kanina pa hinahanap ‘yan ni Sir,” paalala ni James sa kaniya sabay turo sa isang tambak na mga papeles sa kaniyang mesa. Tumango lang si Ara.

Pagkatapos niyang gawin ang pinapagawa ng kaniyang boss ay dinala niya na ito sa opisina. Muli niyang nadaanan ang silid na nasa kaniyang panaginip pero ipinagsawalang bahala niya na lang ito.

Sadyang may mga bagay lang talagang hindi niya na dapat ungkatin pa, lalo’t wala naman siyang kinalaman doon. Hayan tuloy at napuno na ng hallucinations ang kaniyang utak dahil sa sobrang pagkausisera niya. Sa totoo lang ay isang malaking leksyon iyon sa parte ni Ara.

Kalaunan ay nalaman niyang ilang mahahalagang dokumento pala kasi ang naroon sa silid kaya ayaw itong papasukan kahit kanino.

Advertisement