“Sanggang-dikit” ang magkaibigang sina Lawrence at Athan. Simula nang elementarya pa lamang sila ay magkaibigan na sila. Alam na nila ang kalokohan ng isa’t isa. Sabay din silang tinuli. Halos pareho ang mga gusto nila sa buhay. Mas close pa silang dalawa kaysa sa mga tunay nilang mga kapatid. Soul brother ang tingin sa kanila ng mga nakakakilala.
Pumasok din sila sa iisang pamantasan nang sila ay nasa kolehiyo. Business Management ang kinuhang kurso ni Lawrence habang si Athan naman ay Fine Arts. Sumali silang pareho sa isang fraternity at pareho ring natanggap.
May affiliation na sorority ang fraternity na kinaaaniban ng dalawa. Nakilala nila ang “soul sisters” na sina Isay at Roselyn. Parang sila rin. Halos magkakapareho ng gusto sa buhay. Nagkagustuhan ang apat. Attracted sila sa isa’t isa. Bihirang mangyari ito. Nagkaayaan silang mag-inuman at pinag-usapan nila ang bagay na ito.
“I like you both Isay and Roselyn,” sabi ni Lawrence sa dalawang babae.
“Gusto ko rin kayo, Isay at Roselyn,” segunda naman ni Ethan.
Nagkatinginan ang dalawang babae. “Gusto rin namin kayo. Anong gagawin natin?”
“Kung pwede lang na ligawan kayong dalawa eh,” biro ni Athan sa dalawa.
“Sinong pipiliin mo sa aming dalawa?” tanong ni Roselyn kay Athan. Sumulyap siya sa dalawang babae. Hindi siya kumibo. Parehong maganda, parehong outgoing, parehong exciting. Pantay ang pagkagusto niya sa dalawa.
“Napag-usapan na namin iyan ni Roselyn. The feelings are mutual. Gusto rin namin kayo. Kung liligawan ninyo kami ngayon ng sabay, sasagutin namin kayo ng sabay, individually. But of course we have to choose. Tutal, we are all consenting adults here, may naisip akong agreement,” suhestyon ni Isay.
“No one’s stopping you. Go ahead. Anong deal?” Tanong ni Lawrence kay Isay.
“Let’s have a game. Bunutan tayo. Kung kaninong pangalan ang mabunot ninyo, magiging kayo muna for a month. After that, exchange partners tayo. Deal?” mapangahas na mungkahi ni Isay sa tatlo.
“But here’s the rule. Bawal ang sobrang ma-in love sa isa’t isa. Syempre, paano tayo magkakapalitan kung nahulog na tayo sa isa’t isa?” sabi naman ni Roselyn.
“Paano kung may lumabag sa rule na iyan?” Tanong ni Athan.
“Humanda sa consequences. Anong ginagawa ng mga brothers and sisters natin? Bubugbugin nila,” sabi ni Isay.
Sumang-ayon sina Lawrence at Athan. Laro lang naman. Sa pamamagitan ng bunutan, pumili na ang dalawang lalaki ng magiging “girlfriend” nila sa loob ng isang buwan. Ang nabunot ni Lawrence ay si Isay. Si Roselyn naman ay awtomatikong napunta kay Athan.
At nagsimula na nga ang kanilang “isang buwang pakikipagrelasyon” sa isa’t isa. Naging masaya naman ang magpapares. Ginawang lahat ni Lawrence ang mga bagay na sa tingin niya ay makapagpapasaya kay Isay. Ganoon din si Athan. Sa kabila ng kaabalahan sa pag-aaral, naglaan siya ng oras para kay Roselyn. Hindi nila namalayan ang paglipas ng isang buwan.
“Guys, katulad ng napagkasunduan, kailangan na nating magpalit ng mga partners,” paalala ni Isay sa tatlo.
At nagpalitan nga sila ng mga kasintahan. Si Roselyn naman ang bagong girlfriend ni Lawrence, at si Isay naman ay napunta kay Athan.
Makalipas ang dalawang linggo ng pagpapalitan, sinabi ni Isay na hindi na niya kayang makipagrelasyon kay Athan. Inamin niyang nahulog na ang kanyang kalooban kay Lawrence, kaya gusto na niyang sirain ang kasunduan. Nakipagkita siya sa tatlo upang sabihin ang kanyang nararamdaman.
“Pero wala pang isang buwan, Isay. Sabi mo, kailangang tapusin ang isang buwan. Ikaw ang may gusto nito. And we will decide kung sino ang pipiliin natin sa dalawa,” paalala ni Roselyn sa kaibigan.
“Yes. Ako nga ang nag-suggest nito. Pero unexpectedly, I’m now madly in love with Lawrence. Unfair naman para kay Athan na siya ang kasama ko pero si Lawrence ang laman ng isip ko,” paliwanag ni Isay.
“So you have to face the consequences…” sabi ni Roselyn sa kaibigan. Kumunot ang noo ni Isay.
“Don’t tell me…”
“Oo, Isay. Sorry Athan, pero nahulog na rin ang loob ko kay Lawrence. At ilalaban ko ito. Give me one month. Tatapusin namin ito,” mariing sabi ni Roselyn. Nakita ni Isay sa mga mata ni Roselyn ang sinseridad.
“Hindi kayo ang magdedesisyon niyan, girls. Why don’t we ask Lawrence? Ako kasi, ok lang ako. Since nagkakaaminan na tayo, honestly hindi ko talaga hinayaan ang sarili ko na ma-attach sa inyo,” pahayag ni Athan. Napalunok si Lawrence sa kanyang narinig.
Napatingin ang dalawang babae kay Lawrence. Umaasam ng kasagutan na piliin ang isa sa kanila.
“So, sino sa amin, Lawrence?” Nangungusap ang mga matang tanong ni Isay sa lalaking minahal.
“Sorry girls, pero wala akong pinipili sa inyong dalawa. I’m very thankful sa inyo. Dahil sa mga nangyari, mas nakilala ko ang sarili ko. Mas nakilala ko ang pagkatao ko. Hindi ako para sa babae. Nang mga panahong kasama ko kayo, wala akong ibang naiisip kundi si Athan. Yes, I’m madly in love with my bestfriend.” Sagot ni Lawrence.
Nagulat sina Isay at Roselyn. Hindi sila nakapagsalita. Hindi sila ang pinili. Si Athan ang pinipili nito.
“Mahal din kita, Lawrence. Narealize ko lang noong nahiwalay ka na sa akin, at kayo na ni Isay ang laging magkasama. Pasensya na girls kung kayo pa ang naging kasangkapan para maamin namin ang nararamdaman namin sa isa’t isa,” sabi ni Athan.
Hindi na tinapos ng magkakapares ang napagkasunduang isang buwang relasyon matapos ang palitan. Tuluyang nilayuan nina Isay at Roselyn sina Lawrence at Athan. Matapos ang kolehiyo, nagkaroon sila ng kani-kanilang mga karelasyon na tunay na nagmahal sa kanila nang walang kondisyon.
Samantala, sina Lawrence at Athan naman ay tuluyan nang lumaya mula sa kahon nang pagkukubli. Sabay nilang tinupad ang kanilang mga pangarap, at nang makaipon ng sapat na salapi mula sa magandang trabaho, nanirahan na sila sa Thailand at masayang nagsama bilang couple.